Banner Before Header

DOH Isinalba Ni Usec. Vega

Dahil sa mga kapalpakan ni Duque

0 463
By Pinoy Expose News Team
ISINALBA umano ni Undersecretary Leopoldo Vega ang “pabagsak nang reputasyon” ng Department of Health (DOH) matapos siyang ilagay dito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kamakailan.
Ayon sa sources, pulos kahihiyan ang inabot ng DOH dahil sa mga sablay na desisyon at pahayag ni Secretary Francisco Duque ukol sa kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa kung kaya maraming senador at kongresista ang nananawagan kay Pangulong Duterte na sibakin na siya sa puwesto.
Ngunit nabuhayan ang taongbayan at umaasang “magbabangong-puri” ang DOH nang italaga ni Pangulong Duterte si Vega bilang undersecretary for special concerns ng Kagawaran.
Si Vega, dating hepe ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City, ang nagsisilbi ngayong “treatment czar” o “point person” sa pagdetermina sa critical care capacity ng mga ospital na tumatanggap ng COVID-19 cases sa Metro Manila.
Ilang araw pa lang natatalaga sa DOH, agad natuklasan ni Vega na may mga pangunahing ospital sa Kamaynilaan ang halos mapuno na ng pasyente na positibo sa COVID-19.
Sinasabing ang critical care capacity ng mga intensive care unit (ICU) beds ay nasa “danger zone” o 70 porsiyento na.
Dahil dito, agad kumilos ang DOH sa pamamagitan ng paghahanda ng marami pang kama at silid para gawing ICU sakaling lumobo pa ang nahahawahan ng virus.
Ayon sa mga analyst, mas naging handa at responsable ngayon ang DOH sa pag-uulat ukol sa datos ng COVID simula nang maitalaga si Vega bilang “treatment czar”.
Matatandaang ilang linggo ring hindi umingay o naramdam ang presensiya ni Duque kaya inakala ng marami na sisibakin na nga siya bilang kalihim ng DOH.
Ngunit nabigla ang marami nang muli siyang lumantad sa media at nagsalita pero muli na namang “nagkalat” matapos sumablay sa kanyang pahayag sa media.
Ipinagyabang ni Duque na “na-flattened” na umano ang pandemic curve simula noong Abril.
Pero agad din siyang kumambyo sa pagsasabing hindi “na-flattened” kundi “lumiko” lang ang epidemya sa simula ng  lockdown noong Abril.
Ayon sa mga nakapansin, posibleng na-inscure si Duque sa pagkakatalaga kay Vega kaya muling nag-iingay.
Sinabi ng mga kritiko na dapat ay tuluyan nang alisin sa DOH si Duque dahil hindi na nakatutulong sa kampanya laban sa pandemic ang mga kapalpakan ng kalihim.
Sinasabing bukod sa mga palpak na hakbang ni Duque, hindi rin ikinatuwa ng Pangulo ang pagka-delay sa DOH ng mga benepisyo para sa health frontliners, lalo na ‘yung para sa mga namatay.
May mga umugong na balitang sinermonan ng Presidente si Duque kaya ito “nagpalamig”.
Inirerekomenda nila na si Vega na lamang ang ipalit kay  Duque.
Ang SPMC na sinimulang hawakan ni Vega noong 2009 ay isa na ngayon sa pinakamalaking ospital sa bansa at itinuturing na may pinakamaayos na pasilidad.
Siya ang responsable sa pagtatayo ng mga institutes of specialties sa SPMC, gaya ng para sa cancer, heart, orthopedic gayundin ng para sa kalusugan ng kababaiha at mga bagong silang. Nakatakda na ring buksan dito ang acute care and trauma institute para sa mga bata sa Setyembre.
Inamin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isang “welcome development” ang pagkakalagay kay Dr. Vega sa DOH.  Tinawag niyang “expert” sa hospital operations si Vega.
Taliwas kay Duque, ilang DOH employees na nakaharap si Vega ang nagsabing siya ay napaka-low-key person at approachable.
“He is popular maybe because he rose from the ranks so many knew him mostly from the middle to senior-age personnel,” anang isang empleyado.
“Kinakailangan nang magkaroon ng isang maaasahan na tao diyan sa Department of Health,” ayon sa isang kritiko.
Sa social media, isang university professor ang nanawagan kay Duterte na sibakin na si Duque sa pagsasabing “our people have suffered enough from the incompetence of (DOH Secretary) Duque.”
“I now openly join the growing call of many public health leaders for DOH Secretary Duque to resign!” sabi ni Professor Hadji Balajadia, nagtuturo ng social psychology and Filipino psychology sa Ateneo de Davao University.
Inirekomenda si  Vega, inilarawan niya ang opisyal bilang “health action man from the South.”
“Vega can take the lead to handle the national health crisis. He can bring fire, energy, and excellence in contrast to the inertia, lack of sense of urgency and the miserable leadership of Duque,” sabi ni Balajadia.
Leave A Reply