Banner Before Header

MERALCO, MAG-REFUND MUNA KAYO NG P19.26B

0 331
MARAMING consumer ng Manila Electric Railroad ang Light Company (MERALCO) ang talagang nag-aalboroto sa galit dahil kuwestiyonable at napakataas na singil sa koryente, ito ay sa kabila ng maraming brownout.

Isang netizen nga ang dinaan naman sa biro ang natanggap na electricity bill at sabi niya, hindi naman kasinglaki ng Quezon City ang bahay niya para makakunsumo siya ng P1 milyon sa paggamit ng aircon.

Marami nga ay walang trabaho sa loob ng mahigit nang tatlong buwan bunga ng pesteng COVID-19 pandemic, makatatanggap ka pa ng singiling abot sa langit, e sino ang hindi magwawala sa ngitngit at galit?

Kapag binusisi ang bill, lalabas na hinokus-pokus ang pagbasa sa nakunsumong kuryente na katakatakang “nabasa” ng kanilang meter reader sa panahong bawal ang lumabas dahil nga sa pinaiiral na enhance community quarantine (ECQ) sa 22 lungsod at 86 na munisipalidad na sinerbisyuhan nito.

Pati ang nakaw at nawawalang kuryente dahil sa depekto ng transmission ay sinisingil sa mga consumer na hindi naman sila ang may kasalanan.

At dagdag na kunsumisyon ay ang biglang pagpuputol o pag-aalis ng kontador kapag hindi nakabayad sa takdang araw ng bayarin.

Kung makabayad naman, aabutin ng ilang araw ang pagkakabit uli ng linya at may connection fee pero kapag sila ang may kasalanan sa kawalan ng kuryente, ni kapirasong “Sorry po” ay wala kang maririnig sa Meralco.

Wala sa kompanyang ito ang tinatawag na corporate accountability na magbigay ng maaasahan, palagian at mapagkakatiwalaang pagtustos ng suplay ng ekektrisidad.

Dagdag dito ang napakataas na electricity rate — pinakamataas sa buong Asya na malaking dahilan kaya maraming dayuhang investor ang tamad na tamad na maglagak ng negosyo sa ating bansa.

Isa pang nakadidismaya ay ang walang abisong pagdaragdag na dagdag singil na P47 fee kung magbabayad ng kunsumo gamit ang online payment.

Kung hindi ito pagsasamantala, ano ang maitatawag dito?

Ang nakagagalit pa, kung hindi nga makabayad agad, kinukuha ang kuntador na ang may-ari mismo ay ang electric consumer!

Tandaan na bago makabitan ng linya ng kuryente, kasama ang pagbabayad ng kuntador at ang pagtatanggal nito nang walang permiso ng may-ari ay isang krimen– robbery ito, mga kababayan!

At ngayong pandemic, nag-aapura ang Meralco sa paniningil.

Wala na ngang kinikita ang mga tao, pero ang inuuna ay ang negosyo na bilyon-bilyon naman ang kinikita at kailanman ay walang pagkalugi.

Kaya hindi pwedeng ikatwiran na kaya pursigido sa paniningil gawa ng “malulugi.”

Palibhasa ay monopolyo ang serbisyo ng elektrisidad kaya ganoon na lamang kabagsik ang kompanyang ito sa paniningil pero ang kupad magbalik ng perang di-maayos na nasingil sa mga consumer.

Luging-lugi ang publiko sa Meralco na sa kabila ng utos ng Supreme Court ay ayaw pa ring ibalik ang nasingil sa mga consumer.

Mayroong ‘unpaid refunds’, kasama ang interes na umaabot sa P19.26 bilyoon ang hindi pa naibabalik sa consumers mula pa noong 2003.

Nangako ang Meralco na gagawin ito sa pamamagitan ng pagbabawas sa singil sa kuryente, pero hindi nito ginagawa!

Bunga nito, lumalakas ang panawagan na kuhanin ng gobyerno ang Meralco na ang totoo ay pag-aari talaga ng pamahalaan noong panahon ni dating Presidente Ferdinand Marcos.

Binayaran ng gobyerno ang malaking utang ng Meralco na halagang P100 milyon noong 1972 na ito ay pinatutunayan ng dalawang sulat ng pamilya Lopez kay Marcos noong Pebrero 9, 1973 at Marso 20, 1973.

Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw kung paano naibalik ang Meralco sa kamay ng mga Lopez na ngayon ay nasa kontrol ni Mr. Manny V. Pangilinan (MVP).

Mahalagang muling bisitahin ng pamahalaang Duterte ang mga dokumento at pag-aari ng kompanyang ito na naisauli sa Lopez noong panahon ng administrasyon ni Cory Aquino.

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com

Leave A Reply