Banner Before Header

MORALES ‘DI PA RIN SISIBAKIN NI PDU30

Pondo ng PhilHealth “nilimas” ng mga korap; bankrupt na!

0 355
WALA pa ring balak si Pang. Duterte na sibakin o kahit “pagbakasyunin” pansamantala si Philippine Insurance Health Corporation (PhilHealth) president, retired Army general, Ricardo Morales.

Ito ay sa kabila ng pag-amin ni Morales na talamak pa rin ang korapsyon sa kanyang ahensiya kung saan higit P10 bilyon sa pondo ng PhilHealth ang “nalimas” ng mga korap at “sindikato” noon lang nakaraang taon.

Sa ulat mula sa Malakanyang noong Miyerkules, Agosto 5, 2020, mananatili sa kanyang posisyon si Morales hanggang walang sapat na ebidensiya na sangkot ito sa katiwalian.

Ayon pa kay presidential spokesman, Atty. Harry Roque, ang impormasyon ay galing naman kay Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, na kilalang malapit sa Pangulo.

“May tiwala pa rin ang Presidente (kay Morales) subalit gusto rin niyang makita ang ebidensiya (ng katiwalian),” ani Roque, na isa sa mga ‘principal author’ ng ‘Universal Health Care Law’ sa termino niya sa Kongreso.

Noong Martes, Agosto 4, 2020, pormal na binuksan ng Senado, bilang ‘Committee of the Whole,’ ang imbestigasyon sa mga panibagong bintang ng korapsyon sa ahensiya, batay sa tatlong resolusyon inihain ng mga mambabatas.

Una nang “tinalupan” ng Senado ang PhilHealth noong isang taon dahil sa isyu pa rin ng katiwalian katulad ng mga ‘ghost claims’ at anomalya sa pagbabayad sa mga ‘dialysis centers’ na nagresulta sa malawakang balasahan at pag-upo ni Morales bilang presidente noong Hunyo 2019.

Noong 2018, tinanggal din ni Pang. Duterte si PhilHealth president, Celestina dela Serna dahil sa mga “maluhong pagbibiyahe” kahit lumobo na sa higit P8 bilyon ang pagkalugi ng ahensiya.

Itinalaga si Morales bilang presidente ng PhilHealth na inaasahan ng Malakanyang na tutuldok sa katiwalian dahil sa magandang rekord nito ng paglilingkod bilang opisyal ng Sandatahang Lakas.

Si Morales ay dating kasapi ng ‘Reform the AFP Movement’ (RAM) noong panahon ni Pang. Marcos na ang isa sa mga isyu laban kay Marcos ay ang anila’y “talamak” na korapsyon sa pamahalaan.

Ayon na rin kay Morales, isa lang ang ‘marching order’ sa kanya ni Pang. Duterte: “Linisin” ang katiwalian sa PhilHealth.

Nagdesisyon naman ang Senado na muling mag-imbestiga noong isang linggo matapos magbitiw si Atty. Thorrsson Montes Keith, noong Hulyo 23, 2020, dahil aniya sa malawakang korapsyon sa PhilHealth na kinasasangkutan ng mga opisyales nito, kasama na si Morales.

Si Keith ang ‘anti-fraud officer’ ng PhilHealth na ang pangunahing trabaho ay labanan ang korapsyon sa ahensiya.

Sa kanya pang testimonya, sinabi ni Keith na may pagkakataon na inutusan pa siya ni Morales na kausapin si Commissioner Greco Belgica ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) upang “imasahe” o “hilutin” ang ginagawang imbestigasyon ng PACC sa korapsyon sa PhilHealth.

Sa pagtatanong naman ni Sen. Grace Poe, walang mabanggit si Morales na kahit isang hakbang na nagawa na niya upang labanan ang korapsyon sa PhilHealth.

Ayon na rin kay Morales, umabot sa higit P10 bilyon noong 2019 at maari pang lumobo sa higit P18 bilyon sa susunod na taon ang posibleng manakaw na kuwarta ng taumbayan dahil sa hindi matuldukang anomalya sa ahensiya.

Sa depensa pa ni Morales na ikinapikon ng mga mambabatas, hamak na mas “mababa” ang korapsyon sa PhilHealth kumpara sa korapsyon sa mga katulad na ahensiya sa ibang bansa.

Hindi rin nasagot ni Morales ang nabisto ni Sen. Francis ‘Tol’ Tolentino na sa halip parusahan, binigyan pa ni Morales ng promosyon sa puwesto ang may apat na opisyal na sumabit sa imbestigasyon ng Senado noong isang taon.

Sa pagtatanong naman ni Sen. Franklin Drilon, inamin ni PhilHealth vice president Nerissa Santiago na bangkarote na ang PhilHealth dahil inaasahan nilang aabot sa higit P90 bilyon ang lugi nito ngayong taon at higit P147 bilyon sa 2021.

Aniya pa, kung hindi na “sasagipin” ng pamahalaan ang PhilHealth, wala na itong pondo sa susunod na taon at posibleng tuluyang nang magsara sa 2022.

Leave A Reply