‘BETTER QUIT’ PHILHEALTH—DND CHIEF
Dahil ayaw pa ring sibakin ni PDU30 si PhilHealth president Ricardo Morales
HINIKAYAT ni Department of National Defense (DND) Delfin Lorenzana, si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president, Ricardo Morales, na magbitiw na sa puwesto sa kabila ng patuloy na pagsuporta sa kanya ni Pang. Duterte.
Nilinaw naman ni Lorenzana na ang kanyang suhestiyon kay Morales ay hindi dahil kasama si Morales sa malawakang korapsyon sa PhilHealth bagkus, matapos mapabalitang mayroon itong kanser at kailangan ng mahabang pahinga.
“Kung ako sa kanya, magbibitiw na lang ako para makapagpahinga (If I were him, I would resign to rest and recover),” sagot ni Lorenzana nang matanong ng media noong isang linggo.
Ang “payong kapatid” ni Lorenzana ay sa kabila naman ng patuloy na pagpapakita ng tiwala ni Pang. Duterte kay Morales na dumaan sa ikalawang linggo ng “paggisa” ng mga mambabatas.
Ayon kay presidential spokesperson, Atty. Harry Roque, walang balak ang Pangulo na “pagbakasyunin” si Morales tulad ng kahilingan ng karamihan at sa kabila ng pagbubulgar ni Morales na mayroon umano siyang kanser at kailangang sumailalim sa ‘chemotherapy.’
Sa panayam ng media sa Palasyo, ikinatwiran naman ni Roque na ang desisyon ng Pangulo na huwag ‘i-pressure’ si Morales na umalis sa puwesto ay pagpapakita ng pagiging “mabait” na tao at lider ng Punong Ehekutibo.
“Ayaw nang makadagdag pa ng Pangulo sa mga problema ni Morales. Mabait talaga siya (Duterte) na tao,” ani Roque.
Matatandaan na sa pagsisimula ng pagdinig ng Senado sa isyu ng korapsyon sa PhilHealth noong Agosto 4, 2020, nabisto na hindi nasawata ni Morales ang korapsyon sa ahensiya subalit mabilis pa ring naglabas ng depensa sa kanya ang Palasyo.
Ani Roque noon, “walang balak” ang Pangulo na sibakin si Morales, partikular at wala namang ebidensiya na sangkot ito sa korapsyon.
Sa kabila nito, pinagbigyan naman ng Pangulo ang rekomendasyon ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, na magbuo ng special task force, sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ), upang busisiin ang mga bintang na katiwalian sa PhilHealth at mabigyan ng solusyon ang aniya pa ay “systemic corruption” sa ahensiya.
Inanunsiyo ng Palasyo ang bagong task force noong Agosto 7, 2020, ilang oras lang matapos itong ipanukala ng mambabatas na kilalang malapit kay Pang. Duterte.
Noong isang linggo, sinabi ni Morales sa mga senador ang kanyang “plano” na magbakasyon dahil ito rin umano ang “rekomendasyon” ng kanyang doktor.
Sa pag-uulat naman ni Presidential Anti-Corruption Commissione (PACC) commissioner, Greco Belgica, sa mga mambabatas, sinabi nito na sa kanilang pagtaya, nasa P154 bilyon na ang nawalang pondo sa PhilHealth sapul noong 2013, sa termino ni Pang. Noynoy Aquino.
Sinabi pa ni Belgica na aabot sa higit 36 katao sa hanay ng mga opisyal ng ahensiya ang nasilip nilang dapat alisin sa kani-kanilang mga posisyon at sampahan ng kaukulang mga kaso.
Sinopla rin ni Belgica ang sinabi ni Morales na kahit abutin pa ng tatlong taon na pagreporma, hindi matutuldukan ang malawakang korapsyon sa kanyang ahensiya.
Ani Belgica, sapat na ang anim na buwan upang malinis sa mga korap ang PhilHealth.
Una na ring inamin ng mga opisyal ng PhilHealth na “ubos” na ang pondo nito at wala nang sapat na badyet sa susunod na taon.
Natitiyak na rin ang tuluyang pagsasara ng PhilHealth sa 2022 kung hindi ito muling “sasagipin” ng pamahalaan.