Banner Before Header

PAGBUWAG NG PHILHEALTH PAG-ARALAN— SBG

PhilHealth ginamit ni Duque upang “dayain” si FPJ noong 2004

0 552
NAGPANUKALA si Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa pagbuwag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at pagtatayo ng bagong ahensiyang kapalit nito habang isang opisyal nito ang nagbulgar na ginamit ni Department of Health (DOH) secretary Francisco Duque III ang ahensiya upang makatulong sa pandaraya laban kay Fernando Poe Jr., noong 2004 presidential elections.

Sa ikatlong linggo ng pagdinig ng Senado bilang ‘Committee of the Whole’ ngayong araw, Agosto 18, 2020, hinimok ni Sen. Go ang Governance Commission on Government Owned and Controlled Corporations (GCG), na bigyang pansin ang paglusaw sa ahensiya dahil na rin sa talamak na korapsyon.

Aniya, dapat silipin ang ganitong alternatibo dahil pa rin sa patuloy na eskandalo ng korapsyon sa PhilHealth.

Sa nasabi pa ring pagdinig, ibinulgar ni Region 12 PhilHealth Vice President Dennis Adre na ginamit ni Department of Health (DOH) secretary, Francisco Duque III, ang ahensiya upang tulungan ang kandidatura ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo noong 2004 presidential election.

Sa kanyang 9-pahinang ‘sworn statement’ na isinumite sa Senado, pinansin ni Adre na si Duque ang pangulo ng PhilHealth sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

May higit 20 taon na ngayon si Adre bilang opisyal ng PhilHealth.

Aniya pa, papalapit ang eleksyon noong Mayo 2004, naglabas ng utos si Duque upang mamahagi ng 5 milyon piraso ng libreng PhilHealth cards, partikular sa Mindanao, sa ilalim ng ‘Plan 5M’ ng ahensiya.

Ang 5 milyon PhilHealth cards, ani Adre, ay tumutugma sa 5 milyon kalamangan ni FPJ kay Arroyo, batay sa mga surveys.

Matatandaan naman na tinalo ni Arroyo si Poe noong 2004 sa kalamangan na halos 1 milyon kung saan ang bulto ng boto ay sinasabing galing sa Mindanao.

Ang panalo ni Arroyo laban kay Poe ang pinakakontrobersyal na eleksyon sa Pilipinas kung saan muntik pang matanggal si Arroyo dahil ‘Hello Garci Scandal’ sumunod na taon.

Ayon pa rin kay Adre, maging si noon ay Davao City mayor, Rodrigo Duterte, ay nabiktima ng kampo ni Arroyo at Duque.

Aniya, “partikular” (specific) ang utos ni Duque sa PhilHealth na “huwag bibigyan” ng alokasyon ang Davao City ng libreng PhilHealth cards.

Noong 2004 elections, isa si Mayor Duterte sa hanay ng mga lokal na opisyal na sumuporta kay FPJ.

Pamilyar kay Adre ang buong insidente dahil siya ang PhilHealth Vice President sa Davao region sa nasabing panahon.

Leave A Reply