IPINAGDIWANG ng United Nations General Assembly (UNGA) noong ika- 21 ng Setyembre ang ika-75 anibersaryo nito na dinaluhan ng mga matataas na pinuno ng iba’t ibang bansa sa pamamagitan ng Internet (virtual meeting).
Binigyang diin ng pagpupulong ang pagkakaisa ng sandaigdigan sa panawagang: , “The Future We Want, the UN We Need: Reaffirming our Collective Commitment to Multilaterism”.
“Multilateralism” ay minsan ding tinawag na “Internationalism” kung saan ang una (“multilateralism “) ay mas partikular sa pagbubuo ng ikalawa (“internationalism”) para sa maigting na kooperasyon ng iba’t ibang estado na may iisang adhikain o mga layunin.
Ang kasalukuyang pandemya at krisis dulot ng COVID-19 ay napapanahon sa paggiit sa muling panawagan ng multilateralismo.
***
Binigyang-pansin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga partikular na pangyayari tungo sa kolektibong paghamon sa sangkatauhan kagaya ng COVID-19 pandemic at ang pangangailangang suporta para sa World Health Organization (WHO), ang suliranin sa pangkalahatang paglipat (global migration), “climate change” at makataong hamon tulad ng “refugee asylum”, na lalong nagpapaigting sa katapatan ng Pilipinas sa multilateralismo upang harapin ang mga suliranin na ito.
Ang mga ito ay kasama sa kanyang talumpati sa UNGA noong Setyembre 22, 20202.
“To this end, we rededicate ourselves to multilateralism. The UN remains humanity’s essential Organization. But it is only as effective as we make it,” paalala pa nga ni Pang. Duterte sa kasukdulan ng kanyang talumpati.
Ang iba’t ibang pinuno ng mga bansa sa “teleconference” ng UNGA na nagtalumpati ay nakiisa sa panawagan at katapatan para sa multilateralismo.
Ang partisipasyon ng bansang Tsina ay nakikita sa pagsaad ng kanilang lider na si XI Jinping ng pangako sa pagbibigay ng suporta sa WHO ng 2 bilyong dolyar na karagdang pondo para sa pagtulong sa operasyon laban sa COVID-19 pandemic.
Gayon din ang pangakong suporta sa mga mihihirap na bansa sa pamamgitan ng bakuna – sa ikabubuti ng mas nakararami.
“Encapsulating Mankind’s experience and the need for global cooperation,” ito naman ang tema na talumpati ni Pres. Xi. Aniya pa:
“The history of development of human society is a history of our struggles against all challenges and difficulties and our victories over them…
“Humankind can no longer afford to ignore the repeated warnings of Nature and go down the beaten path of extracting resources without investing in conservation, pursuing development at the expense of protection…”
Inabangan din ang talumpati ng Pangulo ng Estados Unidos na sa di inaasahang pagkakataon ay nabalot ng mga naratibo ng kanilang pambansang halalan na nagpalabo sa misyon ng okasyon tungo sa pagkakaisa ng sangkatauhan na humaharap sa WHO at sa mga bansa para sa positibong pagsisikap sa pagharap sa pandemya.
Tunay ngang mahalaga ang “multilateralism” sa ating mundo sa kasalukuyan.
Ipinakita ng COVID-19 na ang isang “virus” sa isang kontinente ay maaaring kumalat sa buong mundo – sa lahat ng kontinente na makaaapekto sa milyun-milyong tao.
Hindi lang lokal o pambansang pagsugpo sa “virus” ang kailangan kungdi ang sama-samang pagtutulungan ng mga bansa sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19.
Isa lang ang pandemya sa napakaraming paghamon sa sangkatauhan na dapat harapin bilang isang komunidad.
Nariyan ang Climate Change, ang malawakang kahirapan, ang posibleng pagtama ng asteroid sa mundo na maaaring magdulot ng mga sakuna.
Ang sama-samang pagtugon sa mga suliranin na ito ay hindi lang dapat ngunit ito ay napakahalaga para sa sangkatauhan.