Banner Before Header

BoC collection target, kayang lampasan

0 226
DATI, ang laging usap-usapan sa Aduana  ay kung paano maaabot ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang taunang revenue collection target.

Ngayon, sa panahon ng pandemya ay nag-iba ang sitwasyon.

Nakapapanibago, ang madalas na tinatanong ngayon ay “magkano kaya ang surplus collection ng BoC sa taong ito?

Ngayon pa lang kasi ay marami na ang umaasang malalampasan ng BoC ang kanilang 2020 target collection na higit P506 bilyon.

Sa ipinapakitang magandang performance ng BoC, kayang lampasan nito ang iniatas na kokolektahing buwis ng ahensiya.

Noong nakaraang Setyembre ay umabot ng P50.226 bilyon ang cash collection ng BOC.

Ito ay lampas ng P12.5 bilyon sa target na P37.1 bilyon.

Mula Enero hanggang Setyembre ay umabot na ng P397.5 bilyon ang kabuuang koleksyon ng BoC.

Kaya meron na lang P109.6 bilyon ang kailangang kolektahin ng mga tauhan ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero para maabot ang target.

Dahil sa muling pagdagsa ng importasyon kasama na ang  mga christmas goods ay siguradong malaki ang papasok na pera sa kaban ng BoC sa nalalabing tatlong buwan ng 2020.

Kailangan lang ng dagdag pang sipag at bantayang mabuti ang mga ismagler sa nalalabing tatlong buwan ng taon para maabot ang target.

***

Sa kagustuhang mapaganda ang serbisyo sa Aduana, kinausap noong nakaraang Biyernes, Oktubre 9, 2020, ng Bureau of Customs ang mga pangunahing ‘stakeholder’ ng ahensya.

Tinalakay sa ‘Webinar; na nagsimula ng ala-una ng hapon, ang mga polisiya at operasyon ng ahensiya.

Dumalo ang mga opisyal ng BoC, na pamumunuan ni Commissioner Rey Guerrero, at mga lider ng mga BoC stakeholders.

Naging resource persons sina Depcom Edward James Dy Buco at Vener Baquiran, Romeo Leneses ng IAS, Jemky Flor Sacar ng RMO, J.C. Hababag ng AMO at Jonathan Soriano ng MISTG.

Nagkaroon din ng open forum para makapagtanong ang mga kinatawan ng stakeholders na ang bilang ay umabot sa higit 100-katao, ayon kay Asst. Comm. Jett Maronilla.

***

Ngayon pa lang ay marami ang nagsasabing walang matututunan ang mga bata sa blended mode of learning na ipinapatupad ng DepEd, lalo na sa mga probinsiya.

Walang kaalam-alam ang mga magulang kung paano tuturuan ang mga bata.

Paano ipapaliwanag ng mga magulang ang mga bagay-bagay na natutunan ng mga guro ng apat na taon sa kolehiyo.

May mga magulang na hindi pa yata nakatapos ng elementarya.

Isa pa, maraming magulang ang kailangang magtrabaho para lang may maipakain sa mga anak.

Ang problema, ano ngayon ang gagawin ng gobyerno para matuto ang mga bata.

Kahit paano, sa pananaw ng mga magulang maging ng ibang mga guro, masyadong malaki ang problema ng blended learning na ipinilit ipatupad ng DepEd.

Tsk tsk tsk.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply