MABUTI na lang at alerto ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kung hindi ay baka kung anu-anong bawal na produkto na ang nakapapasok sa bansa.
Kamakailan lang ay nabuko ng mga taga-BoC-NAIA ang tangkang pagpupuslit ng liquid marijuana na galing ng Estados Unidos.
Ang liquid marijuana ay nakapaloob sa 21 vape cartridges na nakalagay sa dalawang pakete.
Ang mga pakete ay dumating sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Ang unang pakete ay ipinadala ng isang “Tan” ng California, USA.
Ito’y idineklarang naglalaman ng “cosmetic beauty cream.”
Ang pangalawang pakete naman ay galing sa isang “Travis Arvin” ng Oregon, USA.
Ito naman ay idineklarang naglalaman ng “video.”
Ang importasyon ng marijuana at ang kanyang compounds, components at derivatives ay mahigpit na ipinagbabawal ng Republic Act (RA) No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang anti-drugs campaign sa pangunahing paliparan ay joint project ng BoC-NAIA, na pinamumunuan ni District Collector Carmelita ‘Mimel’ S. Manahan-Talusan, PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Ang kontrabando ay isinalin na sa pangangalaga ng PDEA “for further profiling and case build-up against the importers.”
Determinado ang mga taga-BoC-NAIA na sundin ang utos ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga bawal na produkto.
***
Pinapurihan ng United States Fish and Wildlife Service ang Bureau of Customs.
Nagalak ang Estados Unidos dahil napigilan ng BoC-NAIA ang eksportasyon ng buhay na sawa papuntang New York.
Ang reticulated python ay nakita sa warehouse ng isang ‘German courier firm.’
Natuklasan ng isang customs examiner ang buhay na sawa na nakatago sa isang rattan basket.
Ang komendasyon ng USFWS ay nakapaloob sa sulat ni Alfred Colby sa BoC.
Sinabi ni Colby, Senior Special Agent ng USFWS, na ang importasyon ng sawa ay “strictly regulated” sa Amerika.
Ang kinumpiskang sawa ay kaagad na ibinigay ng BoC-NAIA sa Department of Environment and Natural Resources.
***
Unti-unti ng niluluwagan ng gobyerno ang mga quarantine restriction.
Kailangang gawin ito dahil hindi makaarangkada ang ekonomiya.
Walang trabaho ang marami dahil sa kakulangan ng masasakyang pampublikong behikulo at marami pa rin ang mga saradong kumpanya.
Ang kailangan lang ay mahigpit na ipatupad ng bawat isa ang mga ‘health protocols.’
Kailangang rin paigtingin pa ang information dissemination campaign ukol sa kahalagahan ng pagsusuot ng face mask, face shield, hand washing, at social distancing.
Hindi puwedeng bumagsak ang ekonomiya.
Baka hindi tayo sa Covid-19 mamatay kundi sa gutom!
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)