Banner Before Header

Kasali tayo sa ‘giyera’ laban sa korapsyon

0 406
PATULOY na lumalala ang problema sa korapsyon, sa halip na mabawasan ito, ayon mismo kay Pang. Duterte.

Kaya sa kulang dalawang taon sa puwesto, nais ni Pang. Rody ay makapag-iwan ng marka na ginawa niya ang lahat ng higit sa makakaya niya para masugpo ang korapsiyon sa gobyerno.

Para magawa ito, lumikha si Duterte na isang ‘mega task force’ sa pamumuno ni Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra.

Binuo ang task force upang imbestigahan, usigin at sampahan ng mga kaso ang mga taong gobyerno na sangkot sa anomalya, korapsiyon at iba pang katiwalian, mga pag-abuso sa kapangyarihan at mapatutunayang nagkamal ng nakaw na yaman.

Maalaala, ito ang sinabi noon ni US Pres. Harry S. Truman: “You can’t get rich in politics unless you’re a crook.”

Ito pa raw ang sinabi ni Truman: “Show me a man that gets rich by being a politician, and I’ll show you a crook.”

Ibig sabihin, mahirap maging mayaman sa politika kung ikaw ay matino at matapat sa serbisyo publiko.

Dagdag pa ni Pres. Truman: “… (A)n honest public servant can’t become rich in politics.”

Sa maluwag na translasyon, kung korap ang isang politiko, madali siyang yayaman, pero ang matatapat, tanging pagpuri at malinis na pangalan at kadakilaan ang magiging kayamanan sa serbisyo publiko.

***

Sa mga tiwali, sa paggawa ng korapsiyon, mabilis ang pagyaman.

May mga batas tayo laban sa korapsiyon; may mabibigat na parusa laban sa mga korap at may mga ahensiya ng gobyerno na itinatag para mausig, mahabol at maparusahan ang mga mandarambong.

Hindi ba sapat ang mga ito at sa halip na mabawasan, mapigil at mawala ang korapsiyon, bakit ang matinding galit ni Duterte na nasabi niya, mas malala, mas grabe at tuloy-tuloy ang katiwalian sa gobyerno. Wala na bang solusyon?

***

Ang ‘mega task force’ ni Sec. Guevarra ay bubuuin ng iba pang mga ahensiya katulad ng National Bureau of Investigation (NBI), National Prosecution Office (NPO), mga anti-crime unit ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Salamat at nagpahayag ang Senado at ang Kamara na handa silang tumulong na ‘patayin’ na ang korapsiyon.

Nariyan pa ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa ilalim ng Office of the President, bukod ang constitutional body tulad ng Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA), Ombudsman at Sandiganbayan, kasama ang mga hukuman, Court of Appeals at ang Supreme Court.

Kailangan din na amyendahan ang mga batas na maraming mga butas na ginagamit ng mga korap upang malusutan ang pag-uusig ng batas.

Mga insekto lamang, hindi agila ang nahuhuli ng sapot ng gagamba.

***

Kailangan ang pakikiisa ng lahat, hindi lamang ang gobyerno ang dapat na umusig sa mga korap: tayo ang puso at isip at lakas sa labanang ito.

Suportahan natin ang kilusang ito: Sumama tayo sa laban sa korapsiyon.

Hindi ito laban ni Duterte: upang magtagumpay ito, dapat kasali tayo sa giyera laban sa mga mandarambong sa gobyerno.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply