Banner Before Header

Suporta sa HPG tiniyak ni Pres. Rody

Matapos ang madugong insidente sa Cavite

0 242
TINIYAK ni Pang. Duterte na mabibigyan ng mas mataas na kalibre ng mga baril at mga ‘bullet proof vests’ ang mga tauhan ng ‘Highway Patrol Group’ ng Philippine National Police (HPG-PNP) matapos ang isang madugong insidente noong Biyernes, Nobyembre 6, 2020, sa Cavite City.

Patay sa nasabing insidente sa Manila – Cavite Road, Bgy. 8, Pulo 3, Cavite City, si HPG Master Sergeant Julius Arcalas at ang suspect na si Methusael Cambia, na dating kadete sa Philippine Military Academy Class of 2007 subalit hindi nakapagtapos ng kanyang kurso.

Sugatan naman sina HPG Captain Eduardo Joy Guadamor, HPG Staff Sgt. Emerson Domingo at ang sibilyan na si Eduardo Magbana na tinamaan ng ng ligaw na bala mula sa ‘5.56 Bushmaster’ na ginamit ni Cambia.

Sa ulat na natanggap ni HPG director, P/BGen. Alexander Tagum, sinita ng grupo ni Arcalas mula sa Cavite Highway Patrol Team, ang sasakyan na ‘Nissan Terra’ na sinasakyan ni Cambia at kasama nito matapos mapansin na tumatakbo ng walang plaka.

Nagpakilala naman si Cambia at ang kasama nito na si Raymond Zuñiga, na mga kasapi sila ng Philippine Navy subalit wala namang maipakitang mga dokumento patungkol sa kanilang pagkakilanlan.

Nabatid pa na si Zuñiga, na siyang drayber ng sasakyan, ay isa lang ‘striker’ (hindi legal na empleyado) sa PN Naval Base sa Sangley Point.

Dahil walang maipakitang dokumento si Zuñiga, bumaba na lang ng sasakyan si Cambia bitbit ang kanyang mahabang baril at agarang niratrat ang mga operatiba ng HPG kung saan napuruhan si Arcalas.

Bagaman sugatan, nagawa namang makaganti ng putok sina Gudamor at Domingo na nagresulta sa pagkamatay ni Cambia.

Mabilis namang tumakas si Zuñiga subalit sumuko rin pagkaraan sa HPG.

Ayon pa kay Calabarzon HPG director, P/Lt. Colonel Samson Belmonte, nasangkot na rin si Cambia sa isang insidente noong 2016 sa isang insidente sa Cavite kung saan nakunan ito ng video na tinutukan ng baril ang isang nakaalitan na babae bago ang halalan kung saan ipinatutupad ang ‘nationwide gun ban,’ Nakasuhan sa insidenteng ito si Cambia, ayon pa kay Belmonte.

Sa pulong naman ni Tagum at Pang. Duterte, pinansin umano ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan ng HPG ng mga matataas na kalibre ng baril at mga bulletproof vests upang mabigyan ang mga operatiba ng HPG ng proteksyon habang ipinatutupad ang kanilang tungkulin.

Leave A Reply