LINGGO-linggo ay “binubulaga” ng ‘fake news’ ang Bureau of Customs (BoC) nang may nagpakalat ng “balita” na papalitan na umano ni Presidente Rodrigo Roa Duterte si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero anumang araw ngayong buwan ng Disyembre.
Agad namang itinanggi ni Finance Secretary Sonny Dominguez ang balitang ito at sinabing mananatiling Customs Commissioner si Guerrero.
Unang umikot ang balita na aalisin na umano si Commissioner Guerrero sa BoC at balitang ililipat daw ito sa ibang puwesto.
Ayon sa sources natin, kaya daw aalisin si Guerrero ay may napipisil na raw na bagong magmamando sa Aduana ang mga anak ng Pangulo na sina Congressman Paulo “Polong” Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
At ang dahilan umano ng pagpapalit ay ang dahil (daw) sa talamak na korapsiyon, ismagling at iba pang ilegal na trabaho sa kawanihan.
“Sulsol” pa ng ating kuting, sa kabila ng kanyang mga ginagawang mga reporma, “nabigo” pa rin (daw) si Guerrero na masugpo ang mga katiwalian sa pantalan.
***
Krimen ba talaga ang maging sex workers para kumita sa legal na paraan?
May gusto bang maging prostitute sa mga babae at maging sa mga lalaki?
Wala ni isa sa kanila ang nais na magbenta ng sarili pero bakit nila ito ginagawa – dahil walang makitang maayos at may dignidad na hanapbuhay.
Dapat na baguhin ang pananaw ng gobyerno sa sex workers at tingnan ito na isang political at hindi social problem.
At tiyak, ang mga kakabit na problema tungkol sa sexually transmitted diseases, HIV at AIDS ay makikitaan ng lunas.
***
Sen. Grace Poe, Sen. Ping Lacson, Sen. Manny Pacquiao, ex-Sen BongBong Marcos, VP Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Sen. Christopher “Bong” Go, Sen. Kiko Pangilinan, ex-Sen. Mar Roxas at Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio.
Ilan sila sa matutunog na pangalan na kakandidato raw sa 2022 presidential race at may pinalulutang ding mga tandem tulad ng Paquiao-Bongbong Marcos o Marcos-Pacman; o Isko Moreno-Grace Poe o Poe-Isko; o Grace Poe-VP Leni o Leni-Kiko Pangilinan.
May mga utaw na nagsusulong na Pacquiao-DPWH Secretary Mark Villar. Merong ding nagsusulong na Bong Go-Pacquiao o Pacquiao-Bong Go o Bong Go-Isko Moreno. May nagsusulong na Inday Sara-Isko Moreno tandem o Sara Duterte-Pacquiao; Lacson-Poe o Poe-Lacson.
Pero ang mas nagpapayanig sa Oposisyon ay kung maisipan ni Presidente Rodrigo “Digong” Duterte na tumakbo bilang bise presidente na katandem si Mayor Inday Sara?
Mala-imposible raw ito, sabi ng mga kabig ni Tatay Digong kasi, ilang ulit na nitong sinabi na ayaw niyang tumakbong presidente ang anak na si Inday, na ayon sa Pangulo mismo ay mas “mabagsik” sa kanya ang anak na minsang nanuntok ng isang sheriff sa Davao.
Pero minsan nang nangyari na nagtandem ang mag-ama nang tumakbo at manalo sila sa local election sa Davao City, si Inday bilang mayor at vice mayor naman si Tatay Digong. Well, sa Philippine politics, lahat ay posibleng mangyari.
***
Ilang bilyon kada taon ang nawawalang buwis bunga ng smuggling ng mga karneng baboy at manok?
Imbes na ang bilyong halaga na ito ay mapasakamay ng gobyerno ang nangyayari ay shoot sa bulsa ng mga ismagler at mga kasabwat nila!
Wala namang ismagler kung walang protektor sila sa gobyerno, lalo na sa BoC.
Hindi naman siguro mahirap na makilala kung sino-sino ang mga meat smuggler na ito at ang kanilang mga kakutsaba sa loob ng Customs.
Ilang milyong halaga ba ng karneng baboy ang naipapasok sa bansa mula sa China, na siyempre, ito ay nakaaapekto sa mga lokal nating nag-aalaga at nagpapalaki ng baboy at manok?
Kaya “nagwawala” ang local hog and poultry raiser natin kasi, sila ang unang-unang nalulugi sa talamak na smuggling.
Sa bawat kilo ng baboy at manok, tayong Pilipino ang napeperwisyo dahil lumiliit ang negosyo ng pag-aalaga ng baboy at manok.
Namamatay ang industriyang ito at ang ating binubuhay sa pagbili ng imported meat products ay ang China at ang kanilang illegal importers.
May katwiran ngang mag-ingay at mag-aalma ang ating mga lokal na negosyante na hindi makayang makipagkumpetensiya sa presyo ng mga panindang mula sa China.
Komo nga hindi naipagbayad ng tamang buwis, kaya nilang maibaba ang presyo ng mga paninda nila na hindi makakayang matapatan ng lokal nating magmamanok at magbababoy.
Tama ngang lumabas ang ugat sa leeg nila at manggalaiti sa inis at galit.
Imagine, negosyong Pilipino ang pinapatay ng mga ismagler na ito, at ano ang ginagawa ng Customs para mapigilan ito?
Protektahan ang lokal na industriya at kung kailangan ang karne ng mga food manufacturers, isaayos ang importasyon na hindi naman direktang kakumpetensiya ng ating local hog and chicken raisers, di po ba?
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).