UMAAPELA sa Commission on Election (Comelec) ang dating alkalde ng Candaba, Pampanga, na si Engr. Dan Baylon, na lutasin na ang inihain niyang protesta laban sa kasalukuyang alkalde na si Candaba Mayor Rene Maglangque.
Sa panayam, sinabi ni Baylin na taong 2019 pa niya inihain sa Comelec ang kanyang protesta subalit hanggang ngayon ay mistulang “tinulugan” na ng Second Division sa ilalim ni Comm. Socorro Inting.
Aniya, kahit anong ‘notice’ ay wala pa rin siyang natatanggap hanggang ngayon, may 2 taon na matapos niyang ihain ang kanyang protesta.
Nabatid na makailang ulit na rin na nagpunta sa Comelec ang mga abogado ni Baylon subalit wala ring nangyari.
Ipinunto ni Baylon na may mga batas na nagtatakda ng panahon upang maresolba ang isang election protest ngunit lampas na aniya sa panahon mula nang ihain niya ang protesta ay hindi na ito gumalaw.
Ipinaliwanag ni Baylon na nais lamang niyang mabuksan ang kaso upang mapatunayan ang kanyang bintang na naganap na pandaraya noong 2019 mayoralty election sa kanyang bayan.
Aniya pa, “kung” natalo man siya o nanalo, “mahalaga” na malaman ng lahat upang “mabigyan ng hustisya” ang boto ng mga kababayan niya sa Candaba.
‘Niyari’ ng korte sa teknikalidad
Sa rekord ng kaso, unang isinampa ni Baylon ang kanyang protesta Regional Trial Court (RTC) sa Pampanga sa nalolooban ng itinakdang 10 araw matapos maideklara ng Comelec ang panalo ni Maglangque.
Ibinasura naman ng korte ang kanyang reklamo hindi batay sa merito bagkus, dahil sa “teknikalidad” o kakulangan ng ‘filing fee.’
Iginiit ni Baylon na dapat ay niliwanag ng ‘Clerk of Court’ ang nabanggit na pagkukulang upang agad naremedyuhan ng kanyang kampo at umabante ang kaso batay sa merito nito.
“Dapat agad na sinabi ng Clerk of Court sa abogado ko na kulang ang filing fee para nabayaran agad.
“Kung may pagkukulang man sa bahagi ng aking mga abogado, may obligasyon ang clerk of court na ipaliwanag iyon,” paliwanag pa ni Baylon.
Nabatid rin kay Baylon na pinaabot pa ng RTC Pampanga nang 5 buwan ang kanyang election protest bago naglabas ng desisyon na ibasura ito dahil sa teknikalidad.
Panawagan naman ni Baylon sa Comelec Second Division na “aksuyunan” na ang kanyang protesta partikular at muling nalalapit ang susunod na halalan.
Giit ni Baylon, may merito man o wala ang kanyang protesta, marapat lang na maglabas na ng desisyon ang Comelec.