Banner Before Header

Para kay Yorme Isko: ‘God First!’

0 343
HINDI na bago ang mga nakaraang hostage crisis at iba pang trahedya na nangyari na sa ngayon ay nagbibigay ng malaking problema at kahihiyan sa dangal ng Pilipinas at sa sambayanang Pilipino.

Ang mga kritiko ni Pang. Rodrigo Roa Duterte at iba pang mga naging Pangulo ng bansa ay hindi ligtas sa pagbatikos ng ibang  bansa, at kung inaakala nila na dahil kinokondena nila ang nangyaring trahedya nung mga nakaraan, sila ay “ligtas” at “dapat na hangaan.”

Ang kapalpakan at malaking kahihiyan na nangyari noong mga nakalipas na panahon ay hindi lamang sa kanila nakaturo ang mga daliri ng paninisi.

Hindi ang mga “palpak” na umatake sa hostagetaker ang may kasalanan.

Hindi lamang ang mga commanding officials sa lokal at pambansang pamahalaan dapat sisihin sa kahiya-hiyang pangyayari na dahilan upang ang bansa natin ay gawing punching bag ng pagkondena ng mga opisyal ng Hong Kong, ng China at ng Canada.

Ang sisi ay dapat na ibagsak sa ating lahat na mga Pilipino.

May tudyo noong panahon ni Pang. Marcos na tayo raw ay isang bansa ng milyong Pilipinong bobo at isang henyong buktot na pangulo at mga kasabwat na mababagsik na kasamang opisyal sa pamahalaan, sa pulisya, sa militar at sa mga hukuman.

Ang pagtukoy ay ang malaking batik sa ating kaluluwang Pinoy at ito ang kultura ng walang pakikialam.

Nasanay na tayo sa ‘kami-kami,’ ‘sila-sila’ at nakalimutan  natin na tayo ay iisang bansa, at ang katotohanan ng kasabihan: “Ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan!”

Huwag nating sisihin ang iilan, kungdi tingnan sa kabuuan.

Hindi sa kung ano pa man, dapat na bigyan ng matinding alalay lagi ang lahat na nagpapatakbo sa lokal o pambansang pamahalaan kung may mga matitinding krisis o trahedya na nangyari.

Pero umano ang media – na sinasabing tinig ng bayan – ay ano ang ginagawa?

***

Konting kibot, upak sa mga mali o di sinasadyang pagkakamali.

Ga-buhok na mali, ginagawang lubid na pambigti sa mga opisyal ng kahit kaninong admnistrasyon.

Imbes na pag-unawa at pag-alalay, naglalagay ang media at ang mga nasa oposisyon ng mga pako at harang upang ang mga administrasyong nasasangkot noon at ngayon sa mga matitinding trahedya at krisis ay hindi makagapang at makatayo at makalakad at makatakbo.

Walang mali kungdi ang nakaupo at ang sampay-bakod na kritiko ang laging tama at may kahenyuhan na gawin ang solusyon sa ating mga problema.

Ang bahid ng mga nakaraang pagkakamaling ito ay minana at pinapasan lagi ng mga bagong pamahalaan at sa halip na tayo ay tumulong upang “makibalikat” at “makipasan,” mistulang sa mga “pasanin” ni Pang. Duterte, naglalambitin pa tayo sa mabigat na kasalanan ng nakaraan upang siya ay mabigo at tuluyang bumagsak.

Oops! Ang pagbagsak ni Pang. Duterte ay pagbagsak din nating lahat.

Ang krisis ng mga nakaraang Pangulo at ni Pangulong Duterte ay krisis nating lahat.

***

Walang lider na nagtagumpay sa pamamahala kung sarili lamang ang iniintindi.

Walang lungsod o bayan na umunlad kung ligalig ito at talamak sa kriminalidad, nagkalat ang droga at bisyo na ang magnakaw sa kaban ng bayan.

Sabi nga sa banal na kasulatan, libo-libong anghel sa langit ang nagbubunyi sa magandang pag-awit kung matino ang pinuno at maayos ang pamamahala nito.

Pero kung suwail at taksil sa bayan ang isang lider, tumatangis ang bayan, at dito, ihahanda ng Diyos ang parusa sa kanilang masasamang pamamahala.

Batid marahil ito ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nakaranas ng kalupitan sa hirap ng buhay noong ito ay bata pa.

At alam niya ang isang damdamin ng isang mahirap at inaapi sa buhay.

Batid din ni Isko, ang “kamay ng Diyos” ay magpaparusa sa mga masasama at ito marahil ang nais niya – siya ang maging kasangkapan ng Maykapal sa pagsasaayos ng buong Maynila.

Ang hiling niya: pakikipagtulungan at pakikiisa ng lahat ang kailangang-kailangan ngayon sa Maynila para maiayos, mapaganda, mapanumbalik ang katahimikan at masugpo ang lahat ng kailigalan at tunay na maibalik ang dangal ng lungsod.

Kay Yorme Isko: Manila, God First! 

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply