Banner Before Header

Paano at alin ang “bumubuti?”

0 189
“BUMUBUTI” na raw ang “paghawak” ng Department of Health sa pandemya, ayon kay Secretary Francisco Duque.

Ito ang kanyang pahayag kay Pang. Rody noong nakaraang Lunes, Pebrero 8, 2021.

Ang kanyang opinion ay batay sa kanyang mga kinalap na datos (self-serving?) na nagpapakita na kesyo mas maliit na ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 na meron sa bansa, kumpara sa mga bansang kaniyang pinili gaya ng Malaysia, Indonesia at Singapore.

Bagamat masasabi nating hindi na lumulobo ang bagong bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, hindi ibig sabihin nito ay mabuti na ang nagiging paghawak ng DOH sa sitwasyon.

Dahil kung titingnan natin, wala namang nagbago sa polisiya o sistema ng DOH para dito. Meron ba?

Bagaman at dumating na simula ntong Lunes, Pebrero 15, 2021, ang inaasahang bakuna para sa Covid 19, ay muling nagkakaroon ng bagong variant nito sa ibang mga bansa gaya ng sa Europa at Africa.

Ang mga bagong variant na ito ay sinasabing mas nakakahawa, ayon sa mga eksperto at katunayan, bumalik sa lockdown ang ibang mga bansa doon gaya ng the Netherlands.

Kung ang dating variant ay hirap na ang DOH, paano pa ang bagong variant kapag pumasok sa bansa na ayon pa rin sa ibang ulat ay sadyang narito na nga sa Pinas. Harinawang huwag na itong kumalat pa.

Kung sakali, anong plano ba ang nakahanda na ginawa o ginagawa ng DOH para dito?

Sa totoo lamang, sa tinagal-tagal ng lockdown na ating naranasan, hindi nakabibilib ang naging trabaho ng DOH sa pagtugon dito.

Dahilan kung bakit lumobo ang bilang ng mga nagkaroon nito. Maging ang mga ospital ay kailangan pang magsara upang makapagpahinga ang mga health workers na walang naging pahinga sa pagtugon nila sa pandemya.

At dahil “salto” ang DOH, tila nasanay na lamang ang mga Pilipino na nariyan ang covid-19.

Nagkasya sa paglalagay ng facemask, face shield at paggamit ng alcohol.

Kaya naman ang tanong ulit natin, paano at alin ang bumubuti sa ginagawa ng DOH?

Kung sakaling biglang lumobo ulit ang bilang ng mga may Covid dahil sa mga variants nito, ano ang plano ng DOH?

Hindi pwedeng magkukumpara lamang tayo ng numero sa katabi nating mga bansa para masabi nating bumubuti ang ating sitwasyon, dahil kung ikukumpara natin sa kanila ang ating nagiging pagtugon, katulad ng Vietnam, sadyang nakakahiya.

Hindi natin sinasabing sinungaling si Secretary Duque, pero mukhang iba ang kaniyang pagtingin sa nagiging pagtugon ng DOH sa pandemyang ito.

Tandaan natin na ang kapalpakan ng DOH ay nagiging kapalpakan ng administrasyon.

Sayang lang ang tiwalang ibinibigay ni Pangulong Duterte kay Duque, sa totoo lang.

Leave A Reply