‘Noynoy-era’ na ‘JAO’ pabor sa mga “kolorum”– LCSP
NANAWAGAN ang ‘Lawyers for Commuter Safety and Protection’ (LCSP) sa ‘Department of Trasportation’ (DOTr) at sa mga ‘attached agency’ nito na ‘Land Transportation and Franchise Regulatory Board’ (LTFRB) at ‘Land Transportation Office’ (LTO), para sa agarang pagrebisa at pag-amyenda sa ‘Joint Administrative Order (JAO) 2014-01’ na anila ay mas “pumapabor” sa mga behikulong “kolorum” at isang “parusa” sa mga nabigyan ng prangkisa ng LTFRB.
Sa panayam ng Pinoy Exposé, ipinaliwanag ni Atty. Ariel Inton, lider ng LCSP, na batay sa nasabing kautusan, multa sa halagang P50,000 hanggang P1 milyon, kanselasyon ng prangkisa at pag-impound na hanggang 3 buwan ang parusa sa sino mang may prangkisa na ang rehistradong sasakyan ay mahuhuli bilang isang “kolorum.”
“Damay” din sa nasabing regulasyon ang iba pang sasakyan na kasali sa prangkisa sa kanselasyon at ‘blacklisting’ ng LTFRB kahit walang nilalabag na regulasyon ang mga ito.
“Halimbawa, mayroon kang 5 sasakyan na nabigyan ng prangkisa at isa lang sa mga ito ang nahuling kolorum, kasama sa tatanggalan ng prangkisa at idedeklarang ‘blacklisted’ yung apat na iba pa,” paliwanag pa ni Inton.
Kinokonsidera na “kolorum” ang isang ‘public utility vehicle’ (PUV) sakaling bumiyahe ito ng walang prangkisa, ‘out of line’ (ruta na hindi nakasaad sa prangkisa) at, ‘expired’ na ang prangkisa na walang bagong aplikasyon.
Batay pa rin sa JAO, ipinaliwanag pa ni Inton na “kolorum” din ang isang sasakyan na nabigyan ng prangkisa bilang ‘tourist van’ subalit ibiniyahe bilang ‘UV Express.’
“Ngayon, kung halimbawa ay meron ka ring 5 sasakyan at lahat ay kolorum, yung sasakyan lang na nahuli ang ma-impound, magbabayad na multa na P200,000 para sa mga ‘van’ at malalagay sa blacklist.
‘Yung 4 mo pang sasakyan, hindi ‘yun sakop kasi nga wala silang prangkisa at magbabayad lang kapag nahuli,” patuloy pa ni Inton.
Bukod naman umano sa pagbabayad ng drayber ng mga kolorum ng kaukulang ‘penalty’ sa LTO sakaling mahuli, wala na umanong iba pang responsibilidad pa ang mga ito at ang bigat ng parusa at pagbabayad ay “papasanin” ng mga operator.
Para sa mga taxi, ipinaliwanag pa ni Inton, na “kolorum” ang isang taxi sakaling mahuli itong hindi sinusunod ang “metro” ng kanilang yunit, naniningil ng “per ulo” o “kinokontrata” ang kanilang pasahero.
Sa ngayon, ibinulgar pa ni Inton na marami silang tinutulungan na mga maliliit na operator ng mga taxi at UV Express na palaging nahuhuli bilang kolorum sa isyu ng ‘out-of-line’ o hindi pagsunod sa metro ng taxi.
“Una, bigyang diin natin na ayaw din natin sa kolorum.
Pero dapat siguro, repasuhin din itong JAO ng DOTr, partikular ngayong may pandemya at ang mga drayber at operator ay gusto lang naman ding mabuhay, kaya ‘yung iba, napipilitang bumiyahe sa ibang ruta o kontratahin ang kanilang mga pasahero.”
Batay sa dokumento, ang JAO 2014-01 ay inilabas noong Hunyo 2, 2014 at pirmado nina dating DOTC secretary, Joseph EA Abaya, Atty. Winston Gines, chairman ng LTFRB at, Atty. Alfonso Tan Jr., dating DOTC assistant secretary at nangangasiwa sa LTO.
Ayon pa kay Inton, tinangka niyang magrekomenda ng mga pagbabago sa JAO bilang miyembro ng LTFRB board subalit “hindi” siya pinakinggan.
Sapul aniya ng mailabas ang kautusan ay tinutulan na rin ito ng mga apektadong sektor sa transportasyon subalit hindi rin umaksyon ang DOTC (na ngayon ay DOTr).
“At may korapsyon din ngayon sa pagpapatupad n’yan na ang apektado ay yung mga maliliit na transport operator,” dagdag pa ni Inton.