Muling “pagkampi” ng ERC sa Meralco, pinalagan
Meralco “umamin” sa ‘overcharging;’ magsosoli ng P13.8 bilyon
MULING umani ng batikos ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mistulang “pagkampi” sa alok na higit P13.8 bilyon na ‘refund’ ng Manila Electric Company (Meralco)
na galing naman sa sobrang paniningil sa mga kostumer nito simula noong Hunyo 2015 hanggang Nobyembre 2020.
Sa ‘social media post’ noong Pebrero 20, 2021, kinuwestyon ni Romeo ‘Butch’ Junia ng Power for the People (P4P) Coalition at United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), binansagan niyang hindi makatarungan (“unjust”) sa panig ng mga kostumer ng kumpanya ang ang utos ng ERC na inilabas noong Pebrero 19, 2021 at pirmado ni ERC chair, Agnes Devanadera.
Nagbabala pa si Junia na ang “kapalit” sa alok na refund ng Meralco ay ang “pagpayag” ng ERC at gobyerno na “tablahin” o isantabi na lang ang lahat ng sobrang nasingil ng Meralco batay sa resulta ng PBR (performance-based review) simula 2011.
“This is cover-up in the guise of a true-up,” ani Junia.
Sa diskusyon ng nasabing utos na nakapaloob sa ‘ERC Case No. 2020-043-RC,’ inaprubahan ng ERC ang pagsosoli ng Meralco ng nasabing halaga sa susunod na dalawang taon (24 buwan).
Ang halaga, ayon pa sa Meralco ay batay sa sarili nitong komputasyon kung saan lumabas na “sobra” ang aktwal nitong siningil sa mga kostumer.
Matatandaan na sapul noong Hunyo 2020, matapos magkaroon ng pagluluwag sa ipinairal na ‘nationwide lockdown’ simula sa buwan ng Marso dahil sa pandemya ng COVID-19, mariin ang naging pagtanggi ng Meralco sa bumahang reklamo at bintang na ‘overcharging’ kung saan ilang pagdinig din ang isinagawa ng Kongreso at Senado sa isyu.
Sa mistulang pag-amin ng Meralco sa hinalang overcharging, sinabi pa ng Meralco na nakabatay ang komputasyon nito sa actual weighted average tariff (AWAT) o ang aktwal na siningil ng Meralco na halagang P1.4414/KwH, kumpara sa IAR (interim average rate) na P1.3810/KwH, na inaprubahan ng ERC.
Ayon pa sa ERC ang pagpayag nito sa alok ng Meralco, ay upang mabigyan ng ‘immediate relief’ ang mga kostumer ng kumpanya sa panahon ngayon ng pandemya.
“Kung ganun po, Maam (Devanadera), bakit P13.8 bilyon lang, bakit installment at bakit 24 months? Ano ang immediate relief ng refund sa 2023 kung ang krisis ay sana matapos na (ngayong 2021),” tanong pa ni Junia.
Ayon pa kay Junia at sa UFCC sa pangunguna ni RJ Javellana, higit 10 taon, sapul pa noong 2011, ang dapat naging batayan ng komputasyon.
“Minadali” rin umano ng ERC ang desisyon dahil may nakabimbin nang oposisyon ang kanilang grupo sa nasabing alok ng Meralco.
“At the time the provisional order was issued… we had already filed with ERC our objections to Meralco’s offer of P13.8B refund,” ani Junia.
Sa kanila pang komputasyon, sinabi pa ni Junia at Javellana na ang dapat ibalik ng Meralco sa mga kostumer nito ay nasa pagitan ng P70 bilyon hanggang P700 bilyon.
Dapat one time, big time ang refund
“Sabi ng ERC mag hea-hearing pa, pero ibinigay na ang 24 months (installment) to refund, binarat pa; sabi pag-aaralan pa pero sinabi na sa order na kung hindi man sila (ERC) nag-rate reset nag annual verification naman, ano daw???
“Halos tapos na ang ‘boksing’ para sa isang komisyon that ‘has the consumer welfare as its primary consideration,’” ani Junia.
Ipinanawagan din ni Junia ang ‘one-time, big-time refund’ na dapat aniyang iutos ng ERC sa Meralco at ang halaga ay batay sa aktwal na siningil ng kumpanya sa nakaraang isang dekada.
Aniya pa, kung gagawing “hulugan” (installment) ang refund ng Meralco, kukunin lang din ito sa ibinayad ng mga kostumer.
“The refund should be paid in full and in one full payment, taken from Meralco’s retained earnings or if insufficient, a capital call by Meralco so that Meralco’s cash flow is insulated from the refund (otherwise consumers would be refunding themselves if it comes from their rate/monthly payments),” paliwang pa ni Junia.
“And the computation or reckoning should be based on approved revenue requirements versus actual costs incurred and forecasted energy sales versus actual energy sales,” dagdag pa nito.
Batay naman sa talaan na nakalagay sa utos ng ERC, mga ‘residential customers’ (residential and general service A) ang nagpasan ng bigat ng overcharging ng Meralco sa halagang P0.2761/Kwh) o halos 28 sentimo.
“Niyari” din ng Meralco ang singil sa halagang P0.2870/KwH sa mga ilaw sa mga kalsada (streetlights) na ang pagbabayad ay pinapasan naman ng mga lokal na pamahalaan (LGUs).
ng komisyon.
20 ‘DUs’ sa Luzon, inutusan ding mag-refund
Sa bukod na pahayag ng ERC noong Enero 28, 2021, mistulang nakumpirma rin ng mga consumers’ groups na hindi lang ang Meralco ang sobra-sobra kung maningil sa kanilang mga kostumer matapos utusan ang 20 ‘distribution utilities’ (DUs) na nakabase sa Luzon, na magsoli rin ng kanilang ‘over collection’ sa pagitan ng Enero 2017 at Disyembre 2019.
“Upon our initial evaluation, the Commission found that the Luzon-based DUs incurred over recoveries in the various pass-through charges that they collected from their customers.
“These pass-through charges, should be revenue-neutral on the part of the DUs, and they are not allowed to incur any additional revenue or losses therefrom,” paliwanag pa ni Devanadera.
Bagaman hindi binanggit ang pangalan ng mga DUs, sinabi ng ERC na may sobrang pagsingil sa Generation Rate (GR), Transmission Rate (TR), System Loss Rate (SLR), Lifeline Subsidy Rate (LSR) at kahit sa Senior Citizen Subsidy Rate (SrSR) sa naloloban ng mga nasabing taon.
Ang pagsosoli ng sobrang singil, ayon pasa ERC ay dapat ipatupad sa susunod na 12 buwan (isang taon) at epektibo sa ‘next billing cycle.’
Sa komputasyon pa ng ERC, nasa pagitan ng P5,000 hanggang P146 milyon ang sobrang singil sa mga kostumer ng mga nasabing DUs.