SINASABING sa panahon ng krisis, makikita ang tunay na karakter ng isang tao.
Ngayong nagsisimula ng dumating ang mga bakuna laban sa COVID-19, ang prayoridad na dapat bigyan ay ang ating mga health and medical frontliners na araw-araw ay nanganganib na mahawa ng sakit na ito dahil sa kanilang trabaho.
Hindi madaling makakuha ng COVID-19 vaccine, lalo pa nga’t halos nakopo na ng mga mayayamang bansa ang karamihan sa stocks ng bakuna.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit masyadong naantala ang pagdating sa atin ng bakuna na noon lang huling araw ng Pebrero nakarating— donasyon pa ng China ang ‘Coronavac’ o ‘Sinovac.’
Kaya naman hindi dapat na nasasayang ang bakuna at hindi dapat “mauna” sa “pila” ang hindi dapat mauna sa matuturukan ng bakuna— katulad ng ating mga kongresista.
May nailatag na kasing ‘schedule’ kung sino ang dapat unahin na maturukan ng bakuna.
At alam na alam yan ng ating mga mambabatas.
“Pampito” (number 7) sila sa ‘order of priority’ bilang ‘government workers.’
Translation? Hindi dapat mauna ang ating mga mambabatas, maliban na lamang kung sila ay ‘senior citizen’ o ‘person with comorbidities.’
Mga health and medical frontliners muna ang unang tuturukan, ayon sa iskedyul na ginawa ng ‘Interim National Immunization Technical Advisory Group’ (iNITAG).
Ang iNITAG ay ang grupo ng mga ‘health experts’ na kinokonsulta ng IATF o Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Kaya nga ayon sa ating mga miron, marami sa kanyang mga kasamahan ang “nagulat”— at “nadismaya”— nang malaman nilang tapos na palang mabakunahan ng Sinovac si Quezon congresswoman, Helen Tan!
Lumalabas kasi na sa kabila ng iskedyul ng iNITAG at “usapan” nila sa Kongreso, si Cong. Tan ang “pinakauna” sa ating mga mambabatas sa Kamara de Representante na nagpaturok ng COVID-19 vaccine.
Katwiran naman niya? “Kasama” siya bilang miyembro ng ‘immediate family’ ng kanyang anak na doctor na nagtatrabaho sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Oo nga at isa ring doktora si Madam Helen Tan, pero obvious naman na hindi siya medical frontline worker.
Oo nga at kasama siya sa immediate family ng kanyang anak na taga-VMMC pero, ‘out of delicadeza’ sana ay hindi na lang sana niya tinanggap ang alok na mabakunahan siya.
Madali namang sabihin na hihintayin na lang niya ang bakuna na para sa alokasyon ng mga miyembro ng Kamara de Representante, pero tila “nagmamadali” si Madam na mabakunahan?
Hindi naman daw VIP treatment yung nauna siya sa lahat sa mga kapwa niya kongresista at sa ating lahat na mabakunahan.
Aba, eh sabi pa nga ni Madam, kung siya daw ay pa-VIP, sana daw ay hinintay na lang nya ang parating pang ibang bakuna na mas popular sa masa, ang ibig sabihin nya ay ang paparating na Astra Zeneca vaccine.
Pambihira ka naman Madam, nabigyan ka na nga ng libreng bakuna, pahapyaw mo pang binanatan ang Coronavac at ang China!
Para mo na ring sinabi na “pinagtiyagaan” mo lang ‘yang tinurok sa yong Coronavac.
“Napapahiya” tuloy sa iyo si Speaker Lord Allan Velasco.
Kakasabi lang kasi ni Speaker Lord na “magpapahuli” (read: susunod sa iskedyul) ang lahat ng miyembro ng Kamara, kasama siya, sa pagpapabakuna.
Uunahin daw, sabi pa ni Speaker Lord, ang mga empleyado ng Kamara at miyembro ng media, kasama ang kanilang immediate family members.
Gagastusan ng Kamara ang pambili para maibigay nang libre ang bakuna.
Ipinaalam kaya ni Cong. Tan kay Speaker na mauuna na siyang magpabakuna?
Anyway, ‘congrats’ na rin kay Madam Doktora Congresswoman Helen Tan ng Quezon. At ‘sakto sa kanya ang bago niyang “titulo” bilang ‘Bakuna Queen,’ ahahay!