Banner Before Header

‘Go-Duterte’ tandem sa 2022!

Para sa tuloy-tuloy na pagbabago

0 619
NANINIWALA ang isang mambabatas na kung gusto ng mga Pinoy na magtuloy-tuloy ang mga pagbabago sa lipunang Pilipino na isinusulong at ipinapatupad ng administrasyon ni Pang. Rodrigo Duterte, mas mainam na iboto bilang susunod na pangulo ng bansa si Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa pambansang halalan sa susunod na taon.

Sa panayam ng Pinoy Exposé, pinuri rin ni Patrol Partylist representative, Jorge Bustos ang ‘multi-role’ na ginagampanan ng mambabatas na aniya ay isang “inspirasyon” sa lahat ng mga lingkod-bayan.

“Ewan ko kung saan pa kumukuha ng lakas (energy) si Sen. Bong Go, sa kanyang kasipagan na talagang nakaka-inspire,” anang mambabatas.

Noong Marso 4, 2021, sinabi pa ni Bustos na “nagkasama” sila pansamantala ni Go sa Angeles City, Pampanga, kung saan panauhing pandangal sa inagurasyon ng ika-102 ‘Malasakit Center’ ang dating ‘special assistant’ (SAP) ni Pang. Duterte.

Ang inagurasyon ay ginanap sa ‘Rafael Lazatin Memorial Medical Center.’

Si Go ang principal author ng RA 11463 o ang ‘Malasakit Center Act of 2019,’ na nagmamandato sa lahat ng ospital na nasa pangangasiwa ng Department of Health (DOH) na magtayo ng kani-kanilang Malasakit Center na tutugon sa pangangailangang medikal at pangkalusugan ng mga mahihirap.

Nasa Angeles City rin ang grupo ni Bustos para naman magbigay ng tulong at ayuda sa mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) at Simbahang Katoliko para sa kani-kanilang mga proyekto.

Ani Bustos, na idinaan sa ‘gift-giving’ ang kanyang ika-50 kaarawan, binigyan naman ng kanyang grupo ng mga ‘computer sets’ ang ilang mga ‘police stations’ sa Pampanga at Pangasinan at mga ‘mountain bikes’ para sa kanilang pagpapatrulya.

Aniya pa, sa mga okasyon na nagkakasama sila ni Go, saksi siya sa “masaya” at “mainit” na pagtanggap ng taumbayan sa huli, dahil na rin sa mga katangian nitong mapagkumbaba at “walang ere sa katawan.”

Ang panawagan naman ng Patrol Partylist na isulong ang ‘Go-Duterte’ tandem sa 2022 election ay bunsod ng paniwala na tanging si Go ang puwedeng magtuloy ng mga “magagandang nasimulan” ng kasalukuyang administrasyon.

“Napakaikli ng 6 years (termino ng presidente ng bansa) at kung may isang tao na puwedeng magtuloy ng mga nagawa ni Pang. Duterte, ito ay si SAP Bong Go,” paliwanag pa ni Bustos.

Dapat din aniyang manggaling sa ‘same team’ ang kandidato sa pagkapangulo ng administrasyon upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang mga programa ng administrasyon na nakatutok sa paglaban sa korapsyon at pagbabalik ng katahimikan sa mga komunidad.

“Dapat nasa ‘same team’ para may continuity,” dagdag pa ni Bustos.

Una nang nabuo ang isang kilusan (‘Run Sara Run’) upang hikayatin si Davao City mayor, Sara ‘Mayor Inday’ Duterte na tumakbong pangulo bilang kapalit ng kanyang ama.

Subalit nananatili ang agam-agam sa isipan ng mga Pilipino matapos sabihin ni Pang. Duterte na “hindi” tatakbo ang kanyang anak.

Wala pa ring pinal na desisyon si Mayor Inday hinggil sa kanyang target na posisyon pagdating ng halalan.

Leave A Reply