Banner Before Header

Ex-Sorsogon Gob, 3 iba pa, ‘swak’ sa katiwalian

0 367
PINATAWAN ng pagkakulong na 12 hanggang 16 taon ng Sandiganbayan si dating Sorsogon governor, Raul ‘Rodrigueza’ Lee, dahil sa tiwaling transaksyon sa kanyang termino kung saan pinatawan din ng 8 taon pagkakulong ang kanyang mga dating empleyado sa provincial capitol.

Sa ulat ng mainstream media, ang hatol kay Lee at kanyang mga kasamahan ay nakapaloob sa 66-pahinang desisyon ng ika-6 Dibisyon ng Sandiganbayan na inilabas noong Lunes, Marso 15, 2021.

Unang isinampa ng Ombusdman sa Sandiganbayan ang kaso noon pang 2013.

Nag-ugat naman ang reklamong paglabag ni Lee at kanyang mga tauhan sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sa ma-anomalyang pagpasok nila sa 2 transaksyon sa ‘First Education and Training Ventures Inc.’ (FETVI) noong 2004 at 2005.

Si Lee ay gobernador ng Sorsogon mula 2001 hanggang 2007.

Bago ito, batay sa ulat ng blogsite na ‘bicol initiative,’ nagsimula sa pulitika si Lee bilang barangay captain noong 1968 hanggang maging alkalde ng Sorsogon noong 1970 hanggang 1978, kung saan una siyang naging gobernador kapalit ni Gov. Juan Frivaldo.

Naging gobernador din si Lee noong 1998, matapos muling talunin si Frivaldo.

Sa rekord naman ng kaso, sinabi ng Sandiganbayan na ‘guilty’ si Lee ng 2 beses na paglabag sa RA 3019, matapos pumasok sa kontrata sa FETVI para sa suplay ng mga computer at mga kaugnay na serbisyo sa kabuuang halaga na P22.8 milyon, kahit hindi ito aprubado ng lokal na ‘Bids and Awards Committee (BAC).

Bukod kay Lee, napatunayang ‘guilty’ rin (2 counts) si dating provincial general services officer Teresita Paladin habang guilty rin (1 count) sina dating provincial inspection officer Manuel Laurora at dating accounting clerk, Felicisimo Brondial.

Pinarusahan ang 3 nang pagkakakulong na 8 taon sa bawat paglabag.

Katulad ni Lee, ‘perpetual disqualification to hold public office’ ang naging karagdagang parusa sa kanila ng korte.

Absuwelto naman sa kaso sina dating provincial legal officer Antonio Huab, provincial assessor Florencio Diño II, officer-in-charge budget officer Rosie Agnis at, provincial engineer Arnie de Vera matapos mabigo ang Ombudsman na mapatunayang sila ay ‘guilty beyond reasonable doubt.’

Inilagay naman sa ‘archive’ ng korte ang kaso laban kay Enrico Velasco, pangulo ng FETVI dahil kasalukuyan pa rin itong nakalalaya.

Ang hatol ay isinulat ni Associate Justice Kevin Narce Vivero at sinang-ayunan ni Associate Justice Bernelito Fernandez at Associate Justice Sarah Jane Fernandez.

Leave A Reply