HETO na naman mga kabayan at nauulit na naman tayo sa senaryo natin noong nakaraang taon kung saan patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng Covid 19.
Isang taon na ngayon subalit mukhang lumalala ang ating sitwasyon dahil sa halos araw-araw ay nasa 7,000 ang bagong kasong naitatala.
Nito lamang Sabado, inakala natin na nakatingin tayo sa Lazada nang makita natin ang 7,999. Akala natin discount promo sa isang produkto, yun pala, bilang pala ito nang pinakamataas na naitalang bilang ng bagong kaso sa loob ng isang araw, hehehe, ayy, huhuhu!
Kaya naman, nahaharap na (naman) tayo sa panibagong paghihigpit upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng Covid-19 sa bansa.
***
Bagaman hindi tayo tutol sa pagkakaroon ng panibagong lockdown at sa tingin natin ay dapat talagang magkaroon ng mga hakbang upang mahigpit na maipatupad kahit ang minimum health protocols, kailangan din nating tanungin kung sasapat ba ang lockdown?
Alam nating kailangang pagtuunan ng pansin na pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.
Subalit sa kalagayan ngayon ng ating ekonomiya may pangangailangan na tanungin kung paano ba natin tinitignan ang sitwasyon sa ibang perspektiba?
At malinaw din kasi na hindi nasolusyunan ng lockdown ang pagkalat ng Covid-19, tumpak ba, DOH secretary, Francisco Duque at Pang. Rody?
Nakita natin na nitong mga panahon na nagluwag ang ating gobyerno sa galaw ng mga mamamayan ay nagawa nating patakbuhin unti-unti ang ating ekonomiya.
Nagawa ng mga tao na unti-unting bumangon sa krisis na dulot ng pandemya.
Bagaman nga, may pangangailangang maghigpit ay may pangangailangang ding panatilihin na tumatakbo ang ating ekonomiya na may kasamang pag-iingat sa kalusugan ng mga mamamayan.
Mahihirapan ang ekonomiya na tugunan ang pangkalusugang pangangailangan ng mga mamamayan kung ang ekonomiya mismo ang hindi humihinga.
Mabilis man makahawa ang sakit na ito subalit nakikita natin na kayang gumaling ang mga nabiktima.
Sa loob ng isang taon marami na dapat tayong natutunan kung paano natin hahawakan ang sitwasyon at mabuhay “kasama” ang Covid.
Kung nakakapagtrabaho ang mga frontliners, kaya ding magtrabaho ng iba pa basta may sapat na pag-iingat at impormasyon tungkol sa sakit na ito.
Idagdag pa natin ang pagkakaroon na nang bakuna bagaman nga at sa ngayon ay limitado pa lamang ito.
Pero alam natin na sa taong ito ay parating na rin ang mga bakunang ating inaasahan upang maproteksiyunan tayo.
Alam natin na nakakaalarma na ang pagtaas ng bilang sa araw-araw.
Kasabay nito ang patuloy na sakripisyo ng lahat ng mga frontliners gaya ng ating mga health care workers na marami na rin ang nasawi dahil sa sakit na ito.
Gayunpaman, may pangangailangan ang bawat isang pamilya na mabuhay kahit sa panahon ngayon ng pandemya.
Ayaw natin na mamili sila sa pagitan ng Covid-19 at ng gutom. Kahit na sabihin pa nating may ayuda ang mga lokal na gobyerno sa kanilang mga nasasakupan pero alam nating hindi ito sapat.
At ilang lokal na gobyerno lang ba ang nagbibigay ayuda sa kanilang mga mamamayan?
Maaari tayong mag-lockdown pero hindi tayo maaaring mag-lockdown na wala tayong natutunan sa sitwasyong ito.
Marahil panahon na para magkaroon tayo ng bagong ‘mindset’ sa pagtingin natin sa Covid na ito dahil sa tingin natin, mga kabayan, ay hindi na sasapat ang lockdown na lamang.
Siguro, Mr. President, the time has come to change your ‘Covid-19 Team,’ simula sa bumubuo sa DOH hanggang sa bumubuo sa IATF.
Abangan!