Bangkay ng NPA kumander nahukay ng militar sa Leyte
HIndi ginamot ng mga kasamahan, pinabayaang mamatay
MABIBIGYAN na ng marangal na libing ang isang dating mataas na lider ng komunistang New People’s Army (BHB/NPA), matapos sumuko ang isa nitong dating kasamahan at ibulgar sa militar ang naging huling hantungan ng biktima.
Sa pahayag mula kay Caharudin Cadil, tagapagsalita ng 93rd Infantry Battalion, 803RD Brigade, 8TH Infantry Division, Philippine Army, kinilala ang biktima na si Eleazar Sabidalas, alias, ‘Sangay.’
Si Sabidalas ay dating NPA ‘front commander’ sa Leyte sa ilalim ng Eastern Visayas Committee Party Committee ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP/CPP).
Nahukay ang bangkay ni Sabidalas sa isang madamong lugar sa Sitio Kapitungan, Bgy. Libo, Carigara, Leyte, nang pinasanib ng puwersa ng Phil. Army at ‘Scene of the Crime Operatives’ (SOCO), Philippine National Police, noong Abril 3, 2021.
Nakabalot lang ng plastic at kumot ang bangkay ni Sabidalas nang mabawi ng mga otoridad.
Ayon naman sa sumukong terorista na hindi ibinigay ang pangalan, malubhang nasugatan si Sabidalas matapos ang isang engkuwentro ng kanilang grupo sa mga sundalo noong Hulyo 18, 2015 sa Bgy. Caghalo, Carigara.
Sa halip namang bigyan ng karampatang lunas, “pinabayaan” lang umano ng kanyang mga kasahaman si Sabidalas hanggang bawian ito ng buhay at agarang inilibing sa nabanggit na lugar.
Dagdag pa ng impormante, “karaniwan nang gawain” ng mga NPA na hindi bigyan ng kailangang lunas ang kanilang mga nasugatang kasamahan o sadyang ilihim ang pagkamatay sa kanilang hanay at sa pamilya ng biktima.
Layunin umano nito ay upang hindi magkaroon ng demoralisasyon sa panig ng teroristang grupo.
Ayon naman kay 802ND Brigade commander, B/Gen. Zosimo Oliveros, kasalukuyan na nilang hinahanap ang pamilya ni Sabidalas upang maipabatid sa mga ito ang kanyang kinahinatnan at mabigyan ito ng maayos na libing at marangal na libing
Pasamantala namang dinala ang bangkay ni Sabidalas sa Carigara Funeral Homes bilang paghahanda sa pagpadadala sa kanyang huling hantungan.