Banner Before Header

Mga katangian na hinahanap ko sa susunod na Pangulo

0 1,493
QUO vadis, Filipinas? Matapos ang EDSA 1 at 2, saan na tayo patungo ngayon.

Matapos ang 21 taong diktadurya ni dating Presidente Ferdinand E. Marcos, ano na ba ang ganansiya at mga tagumpay natin sa pagkakamit muli ng “demokrasya?”

Ano ang nangyari sa matayog na pangarap ng pagbabago, pag-unlad at matiwasay na demokrasyang ipinangako ng ‘Bloodless People Power” sa apat na araw na pag-aalsa sa EDSA noong 1986?

Matagumpay ngang napatalsik ang diktador na si Marcos, pero nangyaring nakabalik ang maraming uri ng ‘diktadurya’ ng mga pami-pamilyang dinastiya ng mga politiko sa ating bansa, sa pangunguna ng mga Cojuangco-Aquino.

Hindi dahil kay dating Presidente Corazon “Cory” Aquino kaya naging ‘bloodless revolution’ ang EDSA Uno.

Kayang-kayang buwagin ng militar ang  kumpol-kumpol na taong nagpoprotesta noon sa harap ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo, pero ano ang iniutos ni Marcos kay AFP Chief of Staff Fabian Ver?

Iniutos ni Marcos: Huwag paputukan at tahimik na itaboy ang mga tao sa EDSA.

Dahil kay Marcos, kaya nagtagumpay ang ‘bloodless’ EDSA Uno.

Taong 1987, 13 magsasaka ang napatay sa bloodiest protest sa Mendiola at noong 2004 sa Hacienda Luisita na napatay ng PNP at AFP ang 7 magsasaka na nagprotesta laban sa hindi pamamahagi ng lupang sakahan sa kabila ng utos ng Korte Suprema.

Maraming korporasyong, impraestruktura at iba pang pag-aari ng taumbayan ang isinauli at o ibinenta sa panahon ni Cory at ni Pres. Fidel Ramos na hinahamak sa tawag sa kanya na “Boy Benta.”

Walang gaanong nagawa si Pres. Erap Estrada nang patalksikin sa EDSA 2 at wala ring gaanong naiunlad ang bansa sa panahon ng mahigit na siyam na taong administrasyon ni Pres. Gloria Arroyo.

Namukadkad sa panahon ni Noynoy Aquino, ang korapsiyan sa hindi maipaliwanag na pagkawala ng bilyon-bilyon pisong pondo at donasyong salapi at relief goods para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Humihiyaw ng katarungan ang pamilya ng minasaker na SAP 44; di-maipaliwanag na bilyon-bilyong Disbursement Acceleration Program (DAP) fund na sinabing unconstitutional ng Supreme Court at ang pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona dahil sa pagdiin sa naunang desisyon ng korte na ipamamahagi na ang lupang sakahan sa Hacienda Luisita.

***

Libo-libong biktima raw ng extrajudicial killing (EJK) ng war on drugs ni Presidente Rodrigo Roa Duterte; human rights violations at maraming korapsiyon at pagsuko sa sobereniya ng bansa laban sa pananakop daw ng China sa teritoryo ng bansa, ayon sa kanyang mga kritiko.

Bigong-bigo, sabi ng marami ang pangarap na pagbabagong ipinangako nina Cory hanggang ngayon kay Duterte.

Mas mabuti pa raw sa panahon ni Marcos na exporter tayo ng bigas at mayroon tayong malakas na ekonomya at ang Pilipinas ay isa sa angat na bansa sa Asia.

Ngayon, napag-iwanan na tayo ng Vietnam at South Korea na nilumpo ng maraming taon ng giyera.

Quo vadis, Filipinas?

***

Mahigit na lang isang taon at iilang buwan na lamang, matatapos na si Duterte pero nadagdagan pa ang kalbaryo ng bayang Pinoy dahil sa pandemyang COVID-19.

Ang Pangulong kailangan natin ay matatag at kayang panindigan ang pagtayo sa ngalan ng ating kalayaan at may kakayahang ipagtanggol ang ating sobereniya at may tikas at taas-noo na maihahalintulad sa pamilya ng mga bansa ang katangiang makabayan, makabansa at maka-Diyos.

Sa May 2022, muli tayong pipili ng bagong Presidente at ano ba ang mga katangiang dapat nating hanapin sa kandidatong Pangulo?

Nagtanong tayo sa maraming eksperto sa politika at mga kaibigan sa akademya.

Sabi nila: Dapat ‘brilliant’ ang utak, charismartic siya, maalam sa maraming bagay, edukado at may bukas na isipan sa mangyayari at may mabilis na aksiyon sa panahon ng krisis.

Visionary, malikhain, praktikal at handang sumubok sa naiibang solusyon sa harap ng krisis.

Dapat sa magiging Pangulo ay kaisa sa isip, damdamin at hangarin ng mamamayang Filipino.

Wag tayo sa trapo at bagito na maboladas, mabulaklak at walang sentido ang mga pahayag at walang isang salita.

Ang Pangulong kailangan natin ay matapang, may paninindigan at buo ang loob, hindi agad-agad na mauudyukan ng sinoman na tuwaran ang prinsipyo at integridad.

Dapat sa Pangulo ay kapuso, kapulso at kadamdamin ng taumbayan.

Ang kailangan natin sa isang Pangulo ay may matikas at hindi mapipintasang karakter at katapatan sa sinumpaang tungkulin at pananagutan.

Dapat sa kanya ang maprinsipyo, may matatag na pagtitiwala at pananalig sa Diyos, sa mamamayan at sa bansa.

Siya ay makatarungan sa lahat – nang walang kinikilingan at magpapataw ng hustisya ayon sa batas, kalayaan at nagagabayan ng damdaming makatao at maka-Diyos.

Dapat pro-active siya; hindi madaling maudyukan ng mapag-imbot na interes ng politika at ng mga oligarkiya.

Dapat ang susunod na Pangulo ay alam kung paano haharapin ang krisis at mga problema – simple man o mabigat ito.

Ayaw natin ng mayabang at mapagmataas; nais natin ang mapagkumbaba at maunawain lalo na sa panahon ng pagtatagumpay.

Gayunman, matatag siya, mahirap mapasuko sa panahon ng kagipitan, pagkatalo at kabiguan.

Marunong siyang tumanggap ng kritisismo at marunong umintindi at makinig sa nais ng taumbayan.

Dapat marunong siyang kumilatis ng matitino at mapagkakatiwalaang ginoo at binibini sa kanyang Gabinete.

Hindi siya pipili ng katuwang sa panunungkulan dahil sa kaibigan, kakilala o dahil lamang sa politika.

Kung mayroon mang pipiliin na kapartido, sila ay mula sa piling hanay ng matatalino, mapagkakatiwalaan at experto sa hahawakang puwesto sa gobyerno.

Sila yung nag-aapoy ang puso sa lantay na pagmamahal sa mamamayan at sa bansa; dapat ang mga pipiliin sa Gabinete ay may komitment at paninindigang matatag sa pagtatanggol na nakasandig sa katarungan, tamang katwiran, makabayang damdamin at paggalang sa batas at sumusunod sa adhikaing maka-Diyos.

Ang Pangulong kailangan natin ay matatag at kayang panindigan ang pagtayo sa ngalan ng ating kalayaan at may kakayahang ipagtanggol ang ating sobereniya at may tikas at taas-noo na maihahalintulad sa pamilya ng mga bansa ang katangiang makabayan, makabansa at maka-Diyos.

Sana mataglay ng mga kakandidato ang mga kuwalipikasyon at kalidad na nais kong susunod na Pangulo sa Malakanyang sa Mayo 2022.

(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply