PATULOY ang magandang ‘revenue collection performance’ ng Bureau of Customs (BoC).
Hindi na nagtataka ang mga oldtimer sa Aduana, kabilang na ang mga mamamahayag.
Alam nila kung paano magtrabaho ang mga taga-BoC.
May pandemya o wala, subsob sila sa trabaho.
Sa totoo lang, noong ngang nakaraang buwan ay nalampasan na naman ng ahensya ang kanilang buwanang collection target.
Ang tax take noong Marso ay umabot nang tumataginting na P54.5 bilyon.
Ito’y lampas ng 14.2 percent o P6.8 bilyon kumpara sa target na P47.7 bilyon.
Dahil dito, umabot ng P148 bilyon ang koleksyon ng BoC sa unang tatlong buwan ng 2021.
Ang target ng ahensiya sa unang quarter ng 2021 ay P134 bilyon lamang.
Labing-tatlo sa labimpitong collection districts ay nagawang lampasan ang kanilang assigned tax take.
Ito ang ports of San Fernando, NAIA, Batangas, Iloilo, Cebu, Tacloban, Surigao, Cagayan de Oro, Zamboanga, Davao, Subic, Clark at Limay.
Nabigo ang iba na maabot ang kanilang target; sa tingin naman natin, hindi rin naman sila nagpabaya sa trabaho.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na wala sa kamay ng mga taga-BoC ang nalilikom nilang buwis.
Nasa klase at dami ng mga dumarating na importasyon kung magkano ang makokolektang buwis at taripa.
Kailangan siyempre ng pagbabantay at pagtitiyak na tama ang buwis na binabayaran ng mga dumarating na kargamento.
Sa tingin naman ng mga nagmamasid sa Aduana, suportado ng mga taga-BoC ang mga programa ni Commissioner Rey Guerrero kaya gumaganda ang serbisyo at koleksyon sa waterfront.
Nakikita nila ang sinseridad ng pamunuan ng ahensya.
Nakikita rin siguro ito ng Malakanyang kaya nananatili si Comm. Rey sa puwesto.
Isa rin tayo sa naniniwala na mananatili si Guerrero sa BoC hanggang sa huling araw ng administrasyong Duterte.
Tama ba kami, Senador Bong Go?
***
Kamakailan ay nakadiskubre na naman ng Bureau of Customs ng mga iligal na droga sa NAIA, Pasay City.
Ang mga droga – mga ecstasy at high-grade marijuana – ay nagkakahalaga ng higit na P3 milyon.
Ang 1,681 tableta ng ecstasy, na nagkakahalaga ng higit P2.8 milyon, ay galing sa Netherlands at itinago sa isang microwave oven.
Nakita ang mga ecstasy sa isang pakete sa isang warehouse sa Pasay City.
Ito ay pinadala sa isang taga-Quezon City samantalang ang marijuana ay naka-consigned sa isang residente ng Pasay City.
Galing Amerika, ang mga marijuana na nagkakahalaga ng P159,600 ay nakatago sa kahon ng laruan.
Nai-turnover na noong Abril 6 ng BoC sa PDEA ang mga droga.
Mabuti na lang at alerto ang mga tauhan ni Port of NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan.
Kung hindi ay baka nakalusot pa ang mga droga.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-4765430/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)