“WALANG kuwenta.” Ito ang buod ng pahayag ni CPP Information Officer Marco L. Valbuena noong Mayo 27, 2021, isang araw matapos ibida ni DILG undersecretary at spokesperson, Jonathan Malaya, na “84 porsiyento” na o 1746 na mula sa kabuuang 1,715 LGUS ang naglabas ng resolusyon na kumondena sa mga pang-aabuso ng CPP-NPA at pagdeklara sa kanila bilang mga ‘PNGs’ (persona-non-grata).
Ayon pa kay Valbuena, ang patunay nito ay ang umano’y ginagawang pakikipagtalastasan sa CPP-NPA ng mga pulitiko partikular na at palapit na ng palapit ang eleksyon sa Mayo 9, 2022.
Oops! Huwag nating kalimutan na ngayong Oktubre, ‘election season’ na dahil ito ang panahon na ang mga tatakbo sa pambansang posisyon (presidente, bise president at senador) ay kailangan nang magsumite ng kanilang ‘certificate of candidacy’ (COC) sa Comelec.
Ano ang sinasabi ni Valbuena, DILG secretary Ed Año, Chief PNP Guillermo Eleazar at AFP chief, Cirilito Sobejana, mga bosing?
Eh, simple lang yan— “tuloy ang ligaya” ng pangongkolekta ng NPA ng ‘PTC’ (permit to campaign) at PTW (permit to win) sa mga pulitiko at mga kandidato.
Bakit tuloy lang? Simple lang ulit– kahit talaga namang bawal, may mga pulitiko at mga kandidato pa rin na nakahandang “mag-gaybi” sa mga terorista.
Kumbaga, parang ‘drug addiction’ lang din yan, hindi ba, dear readers? Na kung walang ‘addict,’ walang pusher.
Hmm. Marahil ay sadyang para sa ilan nating mga pulitiko, partikular sa mga probinsiya, ‘no choice’ sila dahil sa kabila ng pagpupunyagi ng gobyerno na matuldukan na ang higit 5-dekada na “pamamayagpag” ng CPP-NPA, hindi pa rin ito “nararamdaman” sa kanilang lugar?
Ano nga ba ang gagawin ng isang kandidato sakaling tumanggi silang magbigay sa mga NPA at pagkatapos eh, makidnap, ehek, mabihag sila, aber?
Ayon pa nga sa isang pulitiko na nakausap natin, “hindi” rin naman daw “seryoso” ang gobyerno na panagutin sila sa kanilang pagsuporta sa CPP-NPA—sapilitan man o boluntaryo.
Ibinigay niyang halimbawa ang kasong isinampa sa isang “bokal” (provincial board member) sa lalawigan ng Quezon na “naabsuwelto” pala sa kasong “pagkandili” sa mga NPA!
Translation? Sakali mang kasuhan sila ng gobyerno, kaya naman palang “lusutan,” ganun ba ‘yun, Solcom chief, Lt. General Jun Parlade?
Samantala, kung hindi naman sila “makikisama” sa mga ‘Nice People Around’ (ayon kay dating VP Salvador Laurel), eh, bukod sa puwede silang “mabihag” o ‘ma-salvage,’ baka wala rin silang makuhang boto dahil sinong botante ang pupunta sa presinto para bumoto kung haharangin ng NPA, aber?
Sa ganang atin naman, habang papalapit ang halalan, mas lalong higit na dapat patunayan ng gobyerno at militar na “totoo” na hindi na banta sa seguridad ng mga kandidato at integridad ang presensiya ng mga NPA.
Kung hindi nila magagawa ito, eh, malaki ang tama ni Valbuena!
At teka nga pala, bakit ba hanggang ngayon, “atubili” si Manila mayor Isko Moreno, Parañaque City mayor Edwin Olivarez at Pasay City mayor, Emy Calixto, kasama na ang kanilang mga konseho na ideklarang PNGs ang CPP-NPA? Dahil ba “namumutuktik ang mga ‘urban poor’ sa mga lugar na ito kung saan sinasabing “malakas” at “balwarte” pa rin ng Kadamay at iba pang mga prenteng grupo ng CPP-NPA?
Nagtatanong lang naman.