Banner Before Header

Joma Sison, ‘ulyanin’ ka na! — Parlade

Higit 17K CPP-NPA members, supporters, ayaw na sa terorismo

0 1,066
NANINIWALA si Southern Luzon (Solcom) area commander, Lt. General Antonio ‘Jun’ Parlade na isa nang “ulyanin” si Communist Party of the Philippines (CPP) founder, Jose Maria ‘Joma’ Sison, matapos itanggi ni Sison na may inilabas siyang direktiba upang muling magbuo ang New People’s Army (NPA) ng mga ‘hit squads’ (SPARUs) sa mga kalunsuran na may layuning patayin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Ginawa ni Parlade, tagapagsalita rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang paglalarawan kay Sison matapos maglabas ng reaksyon ang huli sa matagumpay na operasyon ng militar at Philippine National Police (PNP) sa isang bahay sa Bgy. Macabling, Sta. Rosa City, Laguna, noong Mayo 21, 2021, kung saan napatay ng mga awtoridad ang lider ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng NPA at dalawa pang kasamahan nito.

Napatay sa nasabing operasyon si Rommel Rizza, aka, ‘Jomar/Bernie,’ lider ng RSOG sa buong Timog Katagalugan at hepe rin ng ‘MRGU’ (main regional guerilla unit) ng NPA at Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) ng CPP.

Patay rin sa operasyon sina Ka Blue/Billy, Medic/Supply Officer, RSOG, at, Ka Dean, Intel Officer, RSOG.

Nabawi rin sa operasyon ang isang M-16 rifle, 2 kalibre .45, mga ‘electronic devices’ at mga subersibong dokumento (Pinoy Exposé Issue No. 20).

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Sison na “wala” umano siya sa posisyon at wala ring “kakayahan” na utusan ang CPP-NPA na muling magbuo ng mga SPARUs na ang tanging pakay ay patayin ang maghasik ng terorismo sa mga kalunsuran, kasama na ang pagpaslang sa mga opisyales ng gobyerno.

“Paano niya sasabihin na wala siyang utos, samantalang kahit si Marco Valbuena (CPP information officer) ay naglabas din ng pahayag noon lang Bagong Taon na kinatigan niya (Sison) sumunod na araw,” ani Parlade, bilang patutsada kay Sison na ngayon ay 82 anyos na.

“Dalawang bagay: ‘Ulyanin’ na si Sison o ginagawa niya ang bagay kung saan siya magaling, ang magsinungaling,” dagdag pa ng opisyal.

Bago ang operasyon sa Laguna, pinaalala rin ni Parlade kay Sison na ang mga suspek ay “nakatakas” lang sa naunang operasyon ng militar at PNP sa Baras, Rizal noong Disyembre 17, 2020, kung saan 5 pang kasapi ng RSOG ang napatay ng mga awtoridad.

Para naman sa mga prenteng organisasyon ng CPP, ang limang napaslang ay mga ordinaryong mga “magsasaka.”

Ani Parlade, paano nasabi ng Karapatan at iba pang mga prenteng grupo ng CPP-NPA ang binasagan ng mga ito na ‘Baras 5’ bilang mga ordinaryong mga magsasaka samantalang nabawi sa mga ito ang 2-M16 automatic rifles, 1 Uzi submachine gun, 1-Cal .45 pistol, 1-38-caliber revolver, mga granada, laptop computers, mga cellphones, mga ‘ATM’ (automatic teller machines), cards at mga subersibong dokumento.

17,958 kasapi, ‘mass supporters’ ng CPP-NPA “sumuko” na

Samantala, inihayag ng NTF-ELCAC na sa kanilang talaan, aabot na sa higit 17,000 na mga kasapi ng CPP-NPA at kanilang mga ‘mass supporters’ ang nagdesisyon nang kumalas sa kilusang komunista at magbalik-loob sa gobyerno, sa nakaraang 5 taon.

“Dalawang bagay: ‘Ulyanin’ na si Sison o ginagawa niya ang bagay kung saan siya magaling, ang magsinungaling,”

Sa ‘virtual press conference’ ng task force noong Mayo 31, 2021 na pinangunahan ni national security adviser (NSA) Hermogenes Esperon, presidential undersecretary Joel Sy Egco, presidential communications undersecretary Lorraine Badoy at, Navy captain, Ferdinand Buscato, executive director, Task Force Balik Loob (TFBL), inilahad na umabot na sa 17,958 na dating mga kasapi at tagasuporta ng CPP-NPA ang sumuko at nagbalik na sa pamahalaan sa nakaraang 5 taon (Hulyo 1, 2016 – Mayo 28, 2021).

Sa nasabing bilang, iniulat ni Buscato na 3,684 sa mga ito ay mga regular na armadong kasapi ng NPA, 2,039 ay mga ‘MB’ (milisyang bayan) habang 1,376 naman ang mga dating kasapi ng mga prenteng organisasyon ng CPP sa ilalim ng National Democratic Front (NDF).

Umabot naman sa 7,074 na dating mga taga-suporta ng teroristang grupo ang umayaw na rin sa kilusang komunista habang 636 na kumpirmadong mga opisyal ng CPP (sangay ng partido sa larangan, SPLs) ang kumalas na rin sa grupo.

Ayon pa kay Buscato, kinukumpirma rin nila ang estado ng may 2,789 katao upang tiyakin ang kanilang partisipasyon sa mga teroristang gawain at pagkakaugnay sa CPP.

Ayon naman kay Esperon, sa nakaraang 3 taon, 36 na prenteng gerilya (‘guerilla fronts,’ GFs) ang nalusaw na ng gobyerno at aabot na lang sa ngayon sa 52 GFs ang pinagtutuunan ngayon ng pamahalaan.

Aniya pa, hindi nakapagtataka kung bakit sa kabila ng mga pagsuko at pagkamatay ng mga NPA, mistulang hindi naman nauubos ang hanay nito ay dahil na rin sa katotohanang mayroon ang CPP na “balon” ng ‘recruitment’ gamit ang kanilang mga prenteng organisasyon at mga kasapi ng ‘MBs.’ Sa kasaluyan, sinabi pa ni Esperon na tinatayang umaabot na lang sa 4,000 ang kabuuang billang ng armadong NPA sa buong bansa.

Iniulat pa ni Esperon na higit na naging mabilis ang “pagbawi” ng pamahalaan ngayon sa mga barangay na dating “pugad” ng NPA, kung saan umabot na ito sa 2,220 barangay sa unang semester ng 2021, kumpara sa 822 barangays na “nalinis” na sa NPA simula 2016, hanggang 2020.

Leave A Reply