Banner Before Header

Guerrero, “pinepersonal” ang trabaho

0 286
“TAO lamang po tayo, at siyempre, nasasaktan din sa patuloy na mga batikos at mga tuligsa nila laban sa akin. Pero hindi po ito magiging dahilan para tayo ay panghinaan ng loob… lalo lamang nila akong pinatitibay at pinalalakas, kaya tuloy-tuloy-tuloy po ang ating mahigpit na kampanya against smugglers at pagpapatino sa ilang tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Customs.”

Ito ang mariing inihayag kamakailan ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero sa pitak na ito kaugnay ng patuloy na demolition job at hate campaign na natatanggap niya mula sa mga sektor na napipilayan na sa mga ilegal na trabaho nila sa loob ng BoC.

Ayon kay Guerrero, sinusuportahan niya ang adhikain ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na matupad at mabura na ang “mantsa” ng korapsyon na ilang dekada na ring nagpaparumi sa reputasyon ng BoC.

“Gaya po ng sabi ni Pangulong Duterte na kanyang pinepersonal ang kampanya laban sa tiwali at sa mga maling gawain. Ito rin po ang ating ginagawa, pagkat kailanman, ang mali ay mali sa kahit anoman ang sabihin ng iba,” sabi ni Guerrero.

Aniya, patuloy siya sa pagtatrabaho upang mapatino ang kawanihan, masugpo ang ismagling at makuha ang mataas na koleksiyon na naitakda sa BoC.

Aminado si Jagger na hindi  madali ang trabaho niya, pero ito ay gumagaan dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng Pangulo at ni Finance Secretary Carlos “Sonny” Garcia Dominguez III.

“Ang aking pamilya, siyempre ay apektado sa mga batikos at sa mga panlalait sa aking pagkatao at kinukwestiyon ang aking kaalaman sa trabaho… ang masasabi ko lamang, hindi po tayo magpapaapekto sa kanila… magpapatuloy po tayo; sa trabaho lang po tayo at walang sasantohin,” ani Guerrero.

Tiningnan ng commissioner na positibo ang patuloy na hate campaign laban sa kanya, at aniya, parang desperado ang may mga pakana ng demolition job laban sa kanya dahil hindi sila nagtagumpay na mapaaalis siya sa pwesto.

“Kilala na po natin ang nasa likod ng mga black propaganda laban sa akin, but like what I said, this smear campaign is part of the territory. Honest and dedicated officials and employees of the bureau are behind the reforms and good governance we have initiated, at sa kanilang lahat, ako po ay lubos ang pagpapasalamat sa kanila,” sabi ng opisyal.

Ipinangako niya na sa mga, susunod na araw at buwan, meron siyang huhubaran ng mga maskara na nasa likod ng mga iligal na gawain sa BoC, at ang mga protektor nila sa loob ng kawanihan.

***

May mga tanong na naiwan: kung sakali nga na mapatunayang nagwagi nga si Fernando Poe Jr. sa halalan noong 2004, ano ang pwedeng maging remedyo sa batas sa inhustisya sa namayapang Action King?

Nakatapos si dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo ng kanyang termino sa Malakanyang, ano ang paraan upang maituwid ang malaking pagkakamali sa Sambayanang Pilipino at sa kasaysayan ng bansa?

Ang kultura ba ng pagsasamantala, ang iligal na gawaing mandambong sa salapi ng bayan ay mananatiling akusasyon lamang at hindi maparurusahan ang mga tunay na maykasalanan.

Sa may kalyo ang budhi, ito ang inyong tandaan … ang paniningil naman ay nagmumula sa langit at ang dulot nito ay malulubhang sakit, piryud!

***

Sa mga nakaraang Senate hearing, partikular noong panahon ni PGMA nakita natin ang pag-amin mismo ng mga heneral ng PNP sa kanilang kawalaan ng respeto sa kanilang ranggo at sa kanilang sarili nang bilhin ang mga helicopter na sinasabing pag-aari ni dating First Gentelman Mike Arroyo – na hindi naman pala brand new lahat kungdi mga gamit na o segunda mano.

Makikitang tunay na walang kahihiyan ang mga heneral na sangkot sa pagbili ng mga segunda manong helicopter, di po ba?

Talagang matatalino ang mga kasabwat ng dating administrasyon na nagawa ang transaksiyon nang walang naiwang bakas.

Dapat na maparusahan at isangag sa kumukulong langis ng hustisya ang mga tunay na nagkasala.

***

Hinahamon natin ang mga senador at mga kongresista na ang kanilang mga pork barrel ay ibuhos nila sa edukasyon, poverty alleviation, health concerns ng ating milyon-milyong kababayan.

Kung pwede, ‘wag muna nilang intindihin ang mga bulsa nilang paldo na sa milyong pisong alam na natin kung saan hinugot.

Dapat ay magpasa sila ng mga batas na ang 40 porsiyento ng kanilang pork barrel ay ilagay sa mga proyektong pangkabuhayan, pantulong sa mga kababayang nais na magtrabaho at mag-ambag sa kabuhayan ng ating bansa.

Sino ang tatanggap sa ating hamon na ito.

***

Utak wang-wang nga ay atin nang itakwil. Sumuporta tayo sa nais ng administrasyong ito.

At tayo rin ang makikinabang kung tunay na magiging matino ang ating pamahalaan ngayon.

Gabayan sana tayo ng ating Dakilang Amang Diyos at ng Mananakop na si Kristo Hesus.

Amen.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply