Banner Before Header

‘Weekly filing’ ng mga kaso, inihahanda ng PACC

Pagtutulungan ng PACC, NPC, palalawigin pa

0 858
PLANO ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na gawing “lingguhan” ang pagsasampa ng mga kasong katiwalian laban sa mga opisyales ng pamahalaan bilang patunay na seryoso ang administrasyong Duterte sa kampanya nito laban sa korapsyon.

Sa isinagawang ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong nakaraang Hunyo 18, 2021, sinabi ni PACC chair, Greco Belgica na sunod-sunod na ang kanilang gagawing pagsasampa ng mga kaso na siniguro rin niyang “tatayo sa korte.”

Sa kanyang presentasyon, ilan sa mga opisyales at ahensiya ng pamahalaan na mayroon na ngayong “binubuno” na mga asunto ay ang National Electrification Administration (NEA), Pangasinan State University at ang Apo Production Unit, isang ahensiya sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na matagal nang inaakusahan ng samu’t-saring insidente ng katiwalian.

Binuo sa ilalim ng EO 43 na nilagdaan ni Pang. Duterte noong 2017, mandato ng PACC na imbestigahan ang lahat ng ‘presidential appointees’ sa loob at labas Ehekutibo at magbigay ng rekomendasyon kay Pang. Duterte sa resulta, kung dapat sampahan ng kaso sa Ombudsman o mapatawan ng ‘administrative remedy’ sakaling makumpirma na gumawa ng katiwalian. Kasama rin sa mandato ng PACC ang magsagawa ng ‘lifestyle check’ sa mga opisyal ng gobyerno.

Matapos namang maitalaga ni Pang. Duterte bilang PACC chair dahil sa pagpanaw ni chairman Dante Jimenez noong nakaraang Enero 2021, ibinulgar ni Belgica na binigyan na siya ng ‘go-signal’ ng Pangulo na direkta nang isampa sa Ombudsman ang resulta ng kanilang imbestigasyon nang hindi na hihintayin pa ang desisyon ng Palasyo.

“Kasuhan ninyo (PACC) nang kasuhan,” utos umano ng Pangulo kay Belgica.

Dahil sa nasabing direktiba, sinabi pa ni Belgica na mas “mapapabilis” na ang kanilang pagsasampa ng mga reklamo sa OMB.

Muling palalawigin ng PACC at National Press Club ang kanilang pagtutulungan laban sa katiwalian sa gobyerno

Sa kanyang presentasyon, lumalabas din na sa may 13,496 reklamo na natanggap ng PACC, mas maraming reklamo sa hanay ng mga ‘LGUs’ (local government units), na umabot sa 9,401 reklamo; 157 kaso naman ang naisampa na ng PACC sa OMB at 89 naman ang inindorso sa Department of Justice.

Nakatutok sa paglaban sa korapsyon

Sa nasabing forum, nilinaw din ni Belgica na taliwas sa mga kumalat na tsisimis, wala siyang balak na tumakbo sa darating na halalan at ang kanyang buong panahon ay iniuukol na lang niya umano sa programa ni Pang. Duterte na sugpuin ang katiwalian.

Aniya pa, naghahanda na rin sila ng panukalang batas upang maging isang ganap nang “institusyon” ang mga gawain ng PACC sa pagsupo sa korapsyon sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.

Bukod sa paglulunsad ng ‘oath of honesty’ sa hanay ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan katulad sa Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Department of Public Works and Highways at iba pang ahensiya, kung saan “nangangako” ang mga ito na seryosong lalabanan ang korapsyon at nakahandang magbitiw sakaling masangkot sa kaso, sinabi pa ni Belgica na palalawigin pa nila ang kanilang pakikipagtulungan sa lahat ng sektor, kasama na ang media.

Ani Belgica, nakahanda ang PACC na ituloy ang ‘MOA’ (memorandum of agreement) sa pagitan ng National Press Club at PACC na nilagdaan ng dalawang panig noong Pebrero 7, 2020.

Sa ilalim ng kasunduan, tutulong ang NPC sa PACC sa pagkalap ng mga ulat at ebidensiya sa mga opisyales ng pamahalaan na sangkot sa anomalya at nasasakupan ng mandato ng PACC.

Ayon pa kay Belgica, naghahanda na rin ang PACC para sa isang ‘national consultation’ na lalahukan ng lahat ng sektor at ahensiya ng gobyerno upang mapatibay pa ang kampanya laban sa katiwalian.

Leave A Reply