PALOBO pa rin nang palobo ang nagkakaroon ng corona virus disease o COVID-19, higit tatlong buwan matapos ilagay ng gobyeno sa lockdown ang buong Luzon at ilan pang bahagi ng bansa.
Mas maluwag na ngayon ang sitwasyon kumpara sa unang buwan ng lockdown.
Ang Metro Manila ay nasa tinatawag na general community quarantine (GCQ) kung kaya ang mga mamamayan ay tila nakawala sa hawla ng pagkaka-quarantine.
Hindi masisisi ang mga tao kung magsilabasan o magsipasok sa kanilang trabaho para makapaghanapbuhay o makahanap ng maipakakain sa kanilang pamilya.
Mamumuti lang ang kanilang mata o mamamatay sa gutom kung maghihintay at aasa sa ayuda ng gobyerno.
E kasi naman, mga tarantado ang ilan sa mga nasa barangay na inuuna ang kanilang pamilya, kakilala at mga bumoto sa kanila.
Inamin ng gobyerno na sila man ay hindi na kakayanin kung tatagal pa ang ganitong sitwasyon.
Mauubos sa ayuda ang salaping bayan na dinudugas pa ng mga buwitre at buwaya.
Kaya binuksan na ang ilang industriya para unti-unting maibangon ang ekonomiya sa ilalim ng GCG.
Posibleng isunod na rin ang deklarasyon ng modified general community quarantine o MGCQ. Mas may kaluwagan na ito.
Ngunit marami ang nangangamba na nangyayari na nga dahil sa datos na inilalabas ng Department of Health (DOH), hindi nababawasan bagkus ay parami nang parami ang nahahawahan ng virus.
At hanggang ngayon, wala pang inilalabas na bakuna o gamot kontra COVID-19 na isang pandemya.
Ngunit sabi nga ng marami, paano na ang kanilang sikmura at ng pamilya kung hindi sila kikilos?
Kaya sapalaran na lang. Matira ang matibay.
Sabi nga, paktay kung paktay! Bahala na ang Diyos ng Intsik!
###
Ilang araw matapos magpalit ng liderato ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, siya naman ang biglang pagpapakitang gilas ng Philippine National Police (PNP) laban sa droga.
Magkasunod na bilyong halaga ng droga ang nasabat ng mga pulis, una sa Marilao, Bulacan at nitong huli ay sa Gen. Trias, Cavite.
May napatay pa silang dalawang Chinese drug lords sa isang operasyon sa bandang Paranaque kamakailan.
Maganda itong balita. Aba’y dapat lang maubos ang droga at mapatay ang mga halang ang kaluluwa.
Nakagugulat ang performance na ito ngayon ng PNP.
Hindi kaya may kinalaman ito sa sinasabing “request” ni PNP chief, Gen. Archie Gamboa na ma-extend pa siya sa puwesto? Hehehe!
Pero teka, bakit wala pa yatang accomplishment ang bagong PDEA chief na si Wilkins Villanueva. Hindi ba dapat e nagpapakitang gilas din siya?
Anyway, hihintayin natin ang pagpapasiklab n’ya kay Boss Digong. Abangan!