TAHASANG inakusahan ni Department of Energy (DOE) secretary, Alfonso Cusi, ang ‘National Grid Corporation of the Philippines’ (NGCP) nang “pambababoy” sa suplay ng kuryente nang bansa, matapos makumpirma na pumasok sa mga ‘ancillary service contract’ sa mg kumpanya na wala namang reserbang kuryente na agarang magagamit sa panahong kinakailangan.
“Itong isyu ng ‘reserve’ (suplay ng kuryente) ‘nababoy’ na ito,” mariing pahayag ng kalihim sa idinaos na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Hulyo 2, 2021.
Binanggit ng kalihim na sa pagpasok ng administrasyong Duterte noong 2016, agaran niyang “hinanap” ang “listahan” ng mga planta ng kuryente na kinontrata ng NGCP at nagulat nang malaman na ang mga ito ay mga ‘non-firm’ power plants o mga planta ng kuryente na walang kapasidad magbigay ng suplay ng kuryente.
Bilang kalihim ng DOE, nilinaw pa ni Cusi na tinitingnan niya ang isyu ng suplay ng kuryente sa punto de bista ng mga konsyumer na “ang gusto lang naman ay matatag, maayos at affordable” na suplay ng kuryente.
Ikinumpara rin ni Cusi ang sitwasyon ngayon sa isang sasakyan na may reserbang gulong (‘spare tire). “Paano kung ma-flat ka at wala palang hangin ‘yung reserba mo,” paliwanag pa ng opisyal.
Hindi rin umano katanggap-tanggap ang paliwanag ng NGCP na puwede naman silang bumili sa ‘wholesale electricity spot market’ (WESM) sakaling magkaroon ng problema sa suplay.
“’Yang spot market, ‘nagkakadakutan’ din d’yan, paano kung manipis ang suplay, eh, di, wala rin.”
Ayon pa kay Cusi, dahil “paikot-ikot” na lang ang kanilang diskusyon, noong Disyembre 2019, naglabas na siya ng isang kautusan (DOE Circular 2019-11-0015) na dapat tiyaking sa mga ‘firm power suppliers’ makikipagtransaksyon ang NGCP, o sa mga kumpanya na may ‘stand-by power supply.’
Aniya pa, bukod sa ‘tranmission’ ng kuryente mula sa mga planta patungo sa mga distributors na siya namang magsusuplay sa mga konsyumer, mandato rin ng NGCP ang ‘mag-trapik’ sa suplay ng kuryente at tiyakin na hindi magkakaroon ng ‘brownout.’
“Namihasa na kasi sila sa dati nilang ginagawa (bago ang administrasyong Duterte),” pansin pa ng kalihim, sa ginagawang pagbalewala ng NGCP kahit sa ‘National Grid Code’ kung saan nakalatag ang mga obligasyon at responsibilidad ng gobyerno at mga miyembro sa industriya ng kuryente (industry stakeholders).
‘Sabwatan ng NGCP at ERC?
Para naman kay Pete Ilagan, pangulo ng ‘Nasecore’ (National Association of Electricity Consumer for Reforms), panahon na upang magsagawa ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng ‘regulatory audit’ sa NGCP.
Ito ay sa kabila ng katotohanan na ang ERC ang nag-apruba sa mga ‘ancillary supply contract’ ng NGCP na kinukuwestyon ng DOE at ng kanilang grupo. Mandato ng ERC na tiyaking hindi argabyado ang mga konsyumer sa kontratang may kinalaman sa suplay ng kuryente.
Nagpahayag din si Ilagan ng hinala na may “sabwatan” ang ERC at ang NGCP dahil tahasang nilalabag ng ERC ang utos ni Cusi hanggang ngayon.
Bukod sa pagbalewala sa utos ni Cusi at sa National Grid Code, pinansin pa ni Ilagan ang ibinulgar ni Sen. Risa Hontiveros na higit P4 bilyon na ang ginastos ng NGCP para sa ‘representation and entertainment’ kung saan kabilang ang mga kasapi ng media.
“Bakit isang senador pa ang nakasilip dito at hindi ang ERC na nagsasabing palagi naman ang kanilang ‘audit’ sa NGCP,” tanong pa ni Ilagan.
Napapanahon na umano ang regulatory audit sa NGCP upang malaman kung sobra-sobra na ang tinutubo ng kumpanya sa operasyon nito.
Bukod sa paghimok sa ERC, tatawagan din umano ng pansin ng Nasecore ang Kongreso, ang DOE at ang Malakanyang para sa hirit nilang audit sa NGCP.