Banner Before Header

Yorme Isko: Pagtutulungan, pagkakaisa, “susi” sa kaunlaran

0 342
HINDI na bago sa kaalaman natin ang kahalagahan ng pagkakaisa at ang pagkakaroon ng disiplina upang ang anomang mabigat na gawain at pasanin ay madali na matupad at madala kung saan man nais na dalhin.

Bago pa man naupong alkalde, inihanda na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang plano ng pagbabagong anyo ng Maynila.

Anyong pisikal sa pamamagitan ng paglilinis sa siyudad, at ang pagpapatupad ng mga proyekto at imprastruktura.

Sa anyong pamamahala, ang paglilinis sa mga hindi wastong paraan sa paglilingkod sa madlang kalungsod ng Maynila at ang pagtataguyod sa lantad at hayag na mga gawain at transaksiyon sa City Hall.

Ang pagbibigay ng insentibo sa matitinong kawani at opisyal ng pamahalaan at sa pagdidisiplina sa mga dapat na disiplinahin sa pagtataguyod ng maayos na pamamahala ng siyudad.

Tandaan, ang tungkulin ni Yorme Isko at ang lahat ng nasa City Hall ay ang maglingkod – hindi paglilingkod na basta na lamang kungdi paglilingkod na kalakip ang sakripisyo at ang hangaring tunay na makapagsilbi sa bayan.

Ang lahat ng ito ay madaling magagawa kung ang lahat ay makikipagtulungan at makikiisa upang pagaanin ang mabigat na tungkulin.

Manila, God first!

***

Eto ang nagpasaya sa mga ‘squamish (iskwater), pramis ni Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao, aniya: “Kung ako maging presidente, four to five years wala kang makikitang squatter sa buong Pilipinas. Lahat magkakaroon ng sariling tahanan, lalo na ang Metro Manila…”

Talaga lang Sen. Manny, aba’y mapapa- ala Matt Monro tayo ng kantang “This land is mine….!”

Imagine, pangako ni Sen. Pacquiao, “…lahat ng squatter magkakaroon ng tahanan, condominium o subdivision. Wala silang babayaran kahit piso!”

Wow na wow! Magkakabahay na rin ang tulad kong “squamish.”

Magagawa raw niya ang pangakong ito pag siya na ang Pangulo, sabi ni Pacquiao, marami na raw siyang naipagawang bahay at naipamigay sa mahihirap noon pang 2010, wow, ha?

***

Sabi ng mga kritiko ni Pacman, nakatutulong naman siya kahit hindi maging Pangulo, at pinayuhan siya na tumakbo na lang uling senador at ‘wag muna – sa ngayon – na mag-Presidente.

Baka raw matulad siya kay dating Senate President Manny Villar na natalo at hindi umubra ang galing sa politika at kamal-kamal na pera nang tumakbong Pangulo noong 2010.

Sa interbyu kay Villar, balewala raw ang mahigit sa P-1 billion na ginastos niya pero dinamdam niya ay ang black propaganda laban sa kanya.

“Hindi ako corrupt!” sabi ni Villar noon.

Mararanasan na ngayon ni Pacman ang paninira at todo-bira, tulad ng paratang na “mahina ang utak” niya, at may kantiyaw na “genius” siya dahil tinapos lang sa loob ng 16 buwan ang apat-na-taong kursong Bachelor’s degree in Political Science sa University of Makati.

Nag-uumpisa na ang mga banat sa kanya, pero, sabi ni Pacman, hindi siya nagsisisi sa pagpasok niya sa politika.

Noon daw, talagang ayaw niya sa politika, kasi iyon ay dirty, marumi.

Pero naisip niya, kuwento ni Pacman kay Ka Tunying, nais niyang maig-iwan ng isang “pamana,” isang di-malilimutang ‘legacy’ bukod sa pagiging 8-division world boxing champ.

Gusto niya, sabi ni Pacman ay matandaan ng mga Pinoy bilang isang lider na magbibigay inspirasyon at katuparan ng mga pangarap ng tulad niyang mahirap noon.

Pero kahit nasa isip na niya na tumakbong Pangulo, hinihintay pa rin niya umano ang “senyales” na manggagaling sa Diyos, Amen!

Paboritong sabihin ni Pacman: “Ang pagiging Pangulo ay destiny, kaloob ng Panginoong Diyos. Marami ang naghangad pero nangabigo.” Tsk…tsk…tsk!

***

Sa isang interbyu sa radyo, sabi niya, wag munang pag-usapan ang politika, at wag munang isipin ang mga kulay, “wala munang dilaw, pula o kahit anong kulay,  magtulungan muna tayo, ngayong panahon ng pandemya.”

Basta ang nasa isip niya na dapat taglay na katangian ng isang magiging Pangulo ay ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga Filipino, bolero na rin ba si Pacman?

Nagtatanong lang naman.

***

Meron umanong bilyon-bilyong pisong gagastusin sa kampanya si Pacquiao na handang ubusin, maipanalo lang ang Panguluhan.

Handa ba siya sa maruming laro ng politika?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply