Banner Before Header

Mayor Isko: Gawin nating maunlad ang Maynila; ang ‘BTS’ ni Cayetano

0 309
NOON, ang Maynila ay destinasyon ng mga turista, pero sino ang magnanais na magliwaliw at magbakasyon sa Maynila kung laganap dito ang kriminalidad?

“Inuna kong inayos at nilinis ang Divisoria, Blumentritt at pinatino ang police force,” sabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na idinagdag na kailangang mawala ang mga police scalawags na nagbigay ng pangit na impresyon sa Manila’ Finest.

Kaya humina noon ang negosyo sa Maynila ay dahil sa nagkalat ang kotong cops sa maraming business center sa lungsod at sa mga sentro ng kalakalan tulad sa Divioria area, “kaya akin ngang inasikaso at nilinis ang Divisoria at pinatino ang police force,” dagdag ni Yorme Isko.

Isa pa sa unang naging prioridad ni Yorme Isko ay ang pagtataas ng uri ng sistema ng pagtuturo edukasyon sa siyudad; at ang pagbibigay ng disente at marangal na pasahod sa mga guro.

Sa bawat pagtitipon, mga meeting at konsultasyon partikular sa mga Batang Maynila madalas ay sinasabi ni Yorme Isko: Kung may trabaho at maayos na pinagkakakitaan ang bawat pamilya, mababawasan ang kahirapan at kriminalidad.

***

Busilak at malaki ang puso ni Yorme Isko sa mga hirap sa buhay na mga Batang Maynila dahil naranasan niya ito at ang paniwala niya, wala dapat na iskwater sa Maynila.

Kaya agad ring iniutos ni Yorme Isko ang pagkakaroon ng malawakang pag-aaral para malutas ang matagal nang problema sa mga iskwater, kaya nalikha ang pagsasakatuparan at pagtayo ng Baseco Community at soon to rise na Tondominium 1 at 2 sa Vitas, Tondo at Binondominium sa Delpan Street, Binondo.

“Mahirap maging iskwater. Walang kapanatagan. Ayokong danasin ninyo iyon. Hangga’t kaya natin, hangga’t may pagkakataon, ibigay natin ang mga proyektong pakikinabangan ng tao,” sabi Yorme Isko.

Pero aminado si Yorme Isko: Kung siya lamang, hindi niya magagawa ang lahat ng pangakong maibalik ang ganda at dangal ng Maynila.

“Kailangan ko po ang tulong ng lahat … dapat ay magtulungan para ang Maynila ay gawin nating progressive city sa mundo tulad ng Hong Kong at Singapore,” paliwanag ni Yorme Isko. “Kailangan ko po kayong lahat … at sa tulong ng gabay at pagbabasbas ng ating Dakilang Diyos, walang imposible sa matinong pamamahala, … walang magiging hadlang upang ang Maynila ay maging isa sa progresibong siyudad sa bansa,” mataginting na sabi ni Yorme Isko.

***

Patuloy lang na nagsusumikap si dating Speaker Rep. Alan Peter Cayetano at mga kaalyado sa pag-iisip kung paano matutulungan ang ordinaryong pamilyang Filipino na maisakatuparan ang pagbigay ng tulong ng ’10K ayudang cash’ sa bawat mamamayang Filipino.

Ani Rep. Cayetano, kailangan natin talaga ng tulong na salapi na pambili ng ating mga pangunahing pangangailangan; malaking tulong ang ’10K ayuda’ sa pagbuhay ng maliliit na negosyong Filipino.

Sana ay suportahan ng maraming mambabatas ang “1-2-3 punch” na estratehiya ng gobyerno sa pamamahagi ng ayuda.

Isinusulong kasi ni Cayetano at iba pang kaalyado ang panukalang Bayanihan 3 – na nakapaloob dinang five-year economic plan ang gobyerno.

Ito, ayon sa kanya ay estratehiya na binubuo ng: 1) economic recovery plan tulad ng Bayanihan 3; 2) isang 5-year economic at post-pandemic plan; at 3) ang 2022 budget laban sa COVID-19” na may probisyon sa pamamahagi ng P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Pilipino.

Bilyon-bilyong piso ang badyet na ito at para masigurado na maayos na maipamimigay, ang nais ni Cayetano ay mga opisyal na “neutral” at “non-partisan” at may malawak na  kaalaman sa ekonomiya ang hahawak sa nasabing post-pandemic plan.

Kamakailan, nagpanukala siya at mga kaalyado ng limang-taon economic stimulus plan.

Ibig sabihin, Balik sa Tamang Serbisyo o BTS ang nais niya sa Kongreso.

“Tinatrabaho na namin ito, ‘yung economic stimulus plan, [‘yung] five-year plan… and of course, [‘yung] 2022 budget,” sabi ni Cayetano.

Ganyan sana ang lahat ng mambabatas: masipag at mapagmalasakit sa bayan at mamamayang Filipino.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com)
Leave A Reply