SAPUL nang maupo bilang Chief PNP noong Mayo, walang tigil sa kanyang mga pag-iikot at personal na pagtiyak sa kaayusan ng kahit pinakamaliit na community police precinct itong ating kaibigan na si P/Gen. Guillermo Eleazar.
Sa kasalukuyan, walang police regional command na pala ang kanyang personal na nabisita— PRO1, PRO2, PRO3, PRO4, PRO5, PRO7, PRO8 at ang BARMM.
At bagaman may mga “diputado,” (deputies), aba’y personal pa rin niyang “ginagalugad” ang buong NCR upang matiyak na maayos ang implementasyon ng mga checkpoint ngayong panahon ng ECQ.
Kung sa bagay, halos hindi nakikita si NCRPO chief, P/MGen. Vicente Danao na nag-iinspeksyon ng mga presinto at checkpoint—pero huwag na nating pansinin ‘yan, dear readers, hindi ba? Komento lang naman yan ng mga miron, hehehe. “Kitang-kita” raw talaga kasi ang malaking “kaibahan,” ganern, hehehe!
Kung sa bagay pa rin, kahit naman noong QCPD at NCRPO director si Gen. Guillor at kahit sa iba pang matataas na posisyon na hinnawakan niya, sadyang bistado na ng media at publiko ang kanyang kasipagan.
Aber, kahit nga sa pagsagot sa mga tawag ng media—kahit anong oras—nagagawa pa rin niyang personal na sagutin samantalang ‘yung iba, station commander pa lang, suplado na at “pinipili” pa ang gustong kausapin, hindi ba, mga kapatid sa hanapbuhay?
Sa kuwento pa nga sa atin, sadyang mga “ogags” na pulis lang at mga korap ang nabubuwisit sa kanyang mga ipinatupad na reporma katulad ng bagong ‘QR Code Recruitment System’ ng PNP, kung saan inalis ang lumang kalakaran na “padrino” at sistemang “bata-bata.”
Ito ay upang matiyak na sa police recruitment pa lang, mga karapat-dapat magpulis ang makapasok sa serbisyo.
‘Andyan din ang bagong ‘E-sumbong’ na inilunsad ni Gen. Guillor kung saan mas mabilis ang pagrereklamo ng sino man sa mga abusado at ogags na mga pulis. Sa ilalim pa rin nito, direktang nakakarating sa Kampo Crame ang reklamo ng publiko para sa mas mabilis na aksyon.
At bilang pagkilala at pabuya rin sa mga matitinong pulis, inilunsad ni Gen. Guilor ang ‘Pulis Magiting Project’ kung saan, bukod sa pagkilala, may “pabuya” rin ang mga pulis na tapat, matino at propesyunal na tumutupad sa kanilang trabaho.
Sa kanyang mga kapuri-puring ginagawa at katapatan sa serbisyo na ikinalulugod nang lahat, eh, hindi masama na ulitin natin ang ating panawagan dito sa isa pa nating kaibigan, si DILG secretary Eduardo M. Año, na ‘beke nemen’ gusto ninyong bigyan ni PDU30 ng ‘term extension’ itong ating Chief PNP? Aba’y buong bansa ang papalakpak d’yan, peks man!
Abangan!