Banner Before Header

P5.024-T National Budget, dadaan sa ‘butas ng karayom’

0 162
NAIPADALA na ng Department of Budget and Management o DBM sa Kongreso ang panukalang pambansang badyet para sa 2022.

Unang tatalakayin ang P5.024 trilyong 2022 national budget sa House of Representatives.

Sa tingin natin, hindi masyadong “madugo” ang diskusyon sa Mababang Kapulungan dahil maraming kongresista ay kapanalig ng administrasyon.

Sa katunayan, inaasahang lulusot ang budget sa mababang kapulungan bago Oktubre 1.

Ang paghahain ng Certificates of Candidacy (CoC) para sa May 9 elections ay magsisimula ng Oktubre l at matatapos ng Oktubre 8.

Sa Senado, siguradong dadaan sa ”butas ng karayom” ang panukalang 2022 national budget.

Masusing hihimay-himayin ng mga senador ang budget ng mga ahensya ng gobyerno.

Partikular pa nga at ‘andyan ang bigating lider ng political opposition na kinabibilangan nina Senate minority Frank Drilon, Sen Francis ” Kiko” Pangilinan, Sen Leila de Lima at Sen. Risa Hontiveros.

Nandiyan pa si Senador Ping Lacson, na kilalang anti-pork barrel.

Masusing bubusisihin ng mga Senador ang budget proposal dahil presidential election year ang 2022.

Nagbitiw na nga si Lacson bilang vice chair ng Senate Finance Committee para paghandaan ang diskusyon sa proposed budget para sa isang taon.

Si Lacson ay kakandidato para sa pagkapangulo sa 2022 polls.

Si Senate President Tito Sotto lll ang kanyang vice presidential bet.

Magagamit lang ni Pang. Duterte ang 2022 budget hanggang Hunyo 30.

Matatapos na kasi ang kanyang  termino bilang pangulo ng bansa sa nasabing petsa.

****

Hangga’t nandito ang COVID-l9 ay inaasahang marami pang mahuhuling lumalabag sa mga quarantine protocol.

Talaga naman kasing maraming pasaway sa ating mga kababayan.

Ayaw magsuot ng maskara at face shield.

Ang ibang nahuhuli ay lumalabag sa social distancing protocol.

Paulit-ulit nang sinasabi ng mga otoridad na ang pagsunod sa minimum health protocol ay malaki ang maitutulong sa pagsugpo at pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Sumunod lang tayo, lalo na ang mga hindi bakunado!

****

Isa pang problema ang mga nagsasamantalang trader, vendor at tricycle driver.

Marami tayong natatanggap na reklamo na may mga negosyante na sobrang magpatong ng tubo sa mga paninda nilang produkto.

Marami rin ang mga tricycle driver na sobrang maningil ng pasahe, lalo na sa mga probinsiya.

Hindi nga sila nanghahawa ng COVID-l9 pero marami silang pinapahirapan dahil sa pagtataas ng presyo at pasahe.

Kulang na nga ang pera ng mga mahihirap para makabili ng mga pangunahing pangangailangan  tapos sobrang taas pa ng presyo.

Ang problema sa mga taong ito, kapwa Pilipino ang kanilang pinahihirapan.

Ano ba DTI, hanggang press release na lang ba kayo?

***

Apat na mamahaling yate ang kinumpiska ng BoC-MICP noong Linggo.

Ang mga yate na nagkakahalaga ng Pl20 milyon ay ginagamit bilang transport services at “tirahan.”

Nakadaong sa MICP ang mga yate pero dinala na ang mga ito sa Pier 13 “for safety and security.”

Ang pagkumpiska sa mga yate ay parte ng trabaho ng BoC na pangalagaan ang border security at labanan ang ismagling.

May standing order si BoC Chief Rey Guerrero sa kanyang mga tauhan na paigtingin ang pagbabantay sa mga border ng bansa.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply