‘Remdesivir,’ 3 iba pa, ‘wa epek sa COVID—WHO
WALANG bisa laban sa COVID-19 ang ‘Remdesevir’ at 3 iba pang mga gamot na patuloy pa ring inirerekomenda ng Department of Health (DOH) upang labanan ang nakahahawang sakit at sa presyong hindi abot-kaya ng mga mahihirap.
Sa mismong imbestigasyon na isinagawa ng World Health Organization (WHO), una na itong naglabas ng anunsiyo noong Nobyembre 2020, hinggil sa pagiging inutil ng Remdesivir upang gamutin ang mga pasyente na tinamaan ng COVID-19.
“WHO has issued a conditional recommendation against the use of remdesivir in hospitalized patients, regardless of disease severity, as there is currently no evidence that remdesivir improves survival and other outcomes in these patients,” ayon sa opisyal na pahayag ng WHO noong Nobyembre 20, 2020.
Bukod sa Remdesivir, napatunayang wala ring bisa laban sa COVID-19 ang Hydroxychloroquine, Lopinavir at Interferon. Matatandaan na ang paggamit ng Hydroxychloroquine ay isa sa mga “inirekomenda” ni Donald Trump, dating pangulo ng Amerika.
Sa halip, sa ilalim ng ‘Solidarity Trial Plus’ ng WHO, tatlong bagong gamot sa mga pasyenteng naospital dahil sa COVID-19 ang idadan sa ‘global clinical trial’ na lalahukan ng 52 bansa, ayon pa sa WHO.
Ang mga ito ay ang: Artesunate, Imatinib at Infliximab, na pinili ng isang ‘independent expert panel’ dahil sa ipinapakitang potensiyal na mabawasan ang pagkamatay ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Ayon pa sa WHO, ang Artesunate (Ipca) ay ginagamit nang gamot laban sa malaria, ang Imatinib (Novartis) sa sakit na cancer habang ang Infliximab (Johnson and Johnson) ay ginagamit namang gamot para sa mga karamdaman sa ‘Immune System’ ng mga tao.
“Finding more effective and accessible therapeutics for COVID-19 patients remains a critical need, and WHO is proud to lead this global effort,” ayon pa kay Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, WHO Director-General.
Ang clinical trial para sa tatlong ‘repurpose drug’ ay lalahukan ng may 600 ospital sa may 52 bansa, ayon pa sa WHO.
“I would like to thank the participating governments, pharmaceutical companies, hospitals, clinicians and patients, who have come together to do this in true global solidarity,” dagdag pa ni Ghebreyesus, sa pahayag na inilabas ng WHO noong Agosto 11, 2021.