Banner Before Header

Seguridad at trabaho, titiyakin ng ‘Team Isko’

0 565
UUNAHING aksyunan ng Team Isko ang paglikha ng mga bagong trabaho at hanapbuhay sa 2022.

Ipinangako ito ni Manila Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso at kung nakabawi na at nakabangon na sa perwisyong likha ng pandemyang COVID-19, aasikasuhin niya ang problema sa mga kontraktwal na kawani sa mga kompanyang pribado at sa mga ahensiya ng gobyerno.

“Now, cross fingers. Kapag bumuti na ang buhay, then, let’s talk about permanency of jobs, security of jobs, the value of effort ng tao,” paliwanag ni Yorme Isko sa ginanap na press conference sa Oriental Mindoro.

Tanging maigagarantiya niya, kung manalong pangulo, ay ang paglikha ng maraming trabaho.

“… But my first agenda is to create more jobs whether it is temporary for six months or one year,” sabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.

Binanggit ni Isko ang kapos na ayudang pera ng pambansang gobyerno, kaya mas mabuti sa ngayon na hayaan ang mga tao na magkatrabaho at makatawid sa gutom sa panahon ng pandemya.

Mas mahalaga ay makapaghanapbuhay muna, ito ay dahil sa hindi na makakaya pa ng gobyerno na mabigyan ng ayuda ang mamamayan kada buwan.

“Basta makapag-hanapbuhay muna more than anything,”sabi ni Yorme Isko, “mahihirapan ang gobyerno na ayuda nang ayuda bawat buwan.”

Saka na lang maaaring gawin ang reporma sa paggawa kapag nakabawi at nakabangon na sa pinsala ng pandemya ang ekonomya ng bansa.

“Let’s be honest to ourselves: when we dream, we dream big but we work on what can we work on for now to survive,” sabi ng 47-anyos na kandidatong pangulo.

***

Hindi nagbabago ang tayo ni Isko sa isyu ng ‘Endo’ o labor contractualization.

“End of contract” ang popular na tawag sa isang kawani na inaalis sa trabaho matapos ang ilang buwang kontrata.

Tumanggap ng pagkutya at kritisismo mula sa mga unyon at sektor ng mga manggagawa ang pahayag ni Yorme Isko sa Pampanga na hindi muna maaksyunan ng kanyang gobyerno ang isyu ng “Endo” kung manalo siyang pangulo sa Mayo 2022.

Tama lang na mabigyan ng permanenteng trabaho ang isang obrero, sabi ni Isko, pero kailangang maunawaan na maraming nagsasarang kompanya.

“Aanhin mo ang permanenteng trabaho kung wala naman trabaho? Ang gusto ko, makatrabaho ka muna ng anim na buwan, makatrabaho ka uli ng anim na buwan, magkatrabaho ka uli anim na buwan,” paliwanag ni Yorme.

“Ngayon, sinabi ko ‘yung pangarap natin two years after, three years after, bumuti ang ekonomiya, pumanatag ang negosyo, then we start talking about long term.

“So, gusto ko itawid muna ang tao,” paliwanag ni Yorme Isko sa umpukan ng mga Isko volunteers sa Quezon Memorial Circle noong nakaraang buwan.

Sabi pa ni Isko, gusto lamang niya na maging prangka at maging matapat sa taumbayan.

“I’m being honest telling the people that what I want is to provide more jobs, create more jobs, temporary, immediate, para meron silang mapagharimunan.

“Gumaan ang presyo ng bilihin para sa ganun dumami naman yung mabibili nilang produkto, pangunahing bilihin sa perang hawak-hawak nila,” sabi ni Isko.

Upang makalikha ng maraming bagong trabaho, itutuloy niya ang “Build, Build, Build program” ng administrasyong Duterte.

“Gawa muna tayo ng tulay. Huwag muna tayo maging makasarili, kailangan tayong mga Pilipino, mag-unawaan tayo.”

Kailangan na magtulungan at magkaisa ang lahat, “iisang bangka tayo,” at kung lumubog ito, kasama ang lahat sa paglubog.

***

Pakiusap ni Yorme Isko, makaraan ang dalawa o tatlong taon kung makabangon na ang bansa at ang ekonomya, handa na siya na pag-usapan ang isyu ng “Endo.”

“For the meantime, gusto ko trabaho, trabaho. Tatlong buwan may available, thank you. Anim na buwan thank you. Isang taon, thank you,” paliwanag ni Isko.

Inihalimbawa niya sa mga kausap ang naging buhay niya noon bilang basurero na hindi siya nagreklamo.

Aniya, nairaos niya ang pamilya sa trabahong sidecar boy.

“… hindi ako nagreklamo. Bakit? Ang mahalaga sa akin, makapag-trabaho muna tayo nang may mapagharimunan ang pamilya natin …first things first,” sabi ni Yorme Isko.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply