Banner Before Header

Drug War: “Pinipili” ang mapaparusahan

0 291
HINIKAYAT ni Philippine National Police Chief Gen. Dionardo Carlos na magsumite ang lahat ng mga kandidato sa pagka-Pangulo ng resulta ng kanilang mga drug test.

Paghihikayat lamang siyempre ang magagawa ni PNP Chief Carlos dahil walang batas para sa mga kandidato na magsumite ng kanilang drug tests sa anumang posisyon.

At siyempre dito papasok ang malaking katanugan natin na bakit sa mga simpleng empleyado sa gobyerno o yung mga nasa rank and file ay kinakailangan ng drug test para matanggap sa trabaho?

Pero ang mga hahawak ng mga mataas na puwesto sa pambansa at lokal na pamahalaan ay hindi kailangan?

Malaki ang ating pagsuporta sa war on drugs ng Administrasyong Duterte at sa tingin natin isang malaking hakbang ang makapagpasa ng batas na mag-oobliga sa mga kandidato sa lahat ng puwesto na sumailalim sa drug test.

Sa tingin natin ito ay napapanahon na dahil hindi naman ito mahirap kung tutuusin.

Kung ang mga karaniwang taong aplikante sa gobyerno ay hinihingan ng drug test bilang requirement nila at nanggagaling sa kanilang sariling bulsa ang perang gagastusin dito ay nagagawa nilang makapagsumite, bakit hindi magagawa ng mga kandidato?

Madaling sabihin na walang batas para gawin ito ng mga kandidato sa ngayon.

Pero kung susundin ng mga kandidato ang panghihikayat ni PNP Chief Carlos, ay malaki ang mensahe nito sa mga mamayan: Na walang itinatago ang mga kandidatong ito; na malinis sila sa droga at suportado nila ang kampanya laban sa droga.

Maganda lamang ay mayroong magsimula na magpakita ng kanilang drug tests lalo na iyong mga tumatakbo sa mataas na posisyon.

Ito ay upang mapilitan ang mga ibang kandidato na magpasa ng kanilang mga drug test. Para magkaalamanan kung sino ang malinis.

Tulad nga ng nasabi natin kanina, ang mga ordinaryong empleyado nga ay requirement ang drug test, pero ang hahawak sa mataas na puwesto ay walang maipakitang drug test.

At siyempre, ito ay para sa pagiging patas ng sistema.

At yamang pagiging patas ng sistema ang pag-uusapan, marami ang nagulat kung bakit at paano napalaya ang katulad ng anak ng bilyonaryong si Roberto Ongpin na si Julian Ongpin?

Ito ay sa kabila ng kanyang pagkakasangkot sa pagkamatay ng kaniyang kasintahan sa La Union kung saan siya ay nahulian din ng hinihinalang 12.6 gramo ng cocaine?

Kaya naman minsan nagagamit ito ng mga kalaban ng gobyerno pagdating sa war on drugs na namamatay ang mga maliliit na napaghihinalaang mga pusher o user ng droga, samantalang napapalaya ang mga bilyonaryo.

Mahalaga ang war on drugs upang mapanatili natin ang kaayusan at kaligtasan ng marami nating kababayan.

Kung hindi ito naging prayoridad ng Administrasyong Duterte ay malamang naging narco-state na ang Pilipinas.

Walang sinumang Presidente ang may tapang at malasakit sa bayan na gumawa nito kundi sa kaniya lamang sa kabila ng mga batikos na kinakaharap nito.

Subalit hindi ito magiging matagumpay nang lubusan kung ito ay laging may pinagpipilian.

Leave A Reply