Banner Before Header

‘Fund conversion’ ni Ressa, Rappler, sinopla ng SEC

Pagkasenla sa rehistro, lisensiya, pinanindigan

0 1,036
HINDI nakalusot sa pagbabantay ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang maniobra ni Maria Ressa at ng kanyang ‘online publication’ na ‘Rappler’ na ‘i-convert’ sa “donasyon” ang ibinigay na puhunan ng dayuhang ‘Omidyar Network’ kapalit ng hindi pagkansela sa rehistro at lisensiya nito.

Sa ulat ng CNN Philippines at iba pang mainstream media noong Nobyembre 22, 2021, nanindigan ang SEC sa ‘Court of Appeal’ (CA) na walang epekto (“no effect”) ang naging sabwatan ng Rappler at Omidyar na gawin na lang donasyon ang higit P78 milyon ($1.5 million) puhunan ng Omidyar noong 2018.

Sa nasabi ring taon, kinansela ng SEC ang rehistro at lisensiya ng Rappler matapos makumpirma na tumanggap ng puhunan ang huli mula sa Omidyar, isang dayuhang kumpanya na notoryus bilang instrumento ng mga Amerikano at mga Kanluraning bansa sa panggugulo sa mga bansa na hindi sumusunod sa kagustuhan ng mga imperyalista.

Batay sa Saligang Batas, hindi puwedeng mamuhunan ang mga dayuhan sa ano mang porma ng mass media sa bansa dahil 100-porsiyentong nakareserba ito sa mga Pilipino.

Ipinipilit naman ngayon ng Rappler at ng abogado nitong si Francis Lim na “naremedyuhan” na ang isyu matapos umanong pumayag ang Omidyar na gawin na lang donasyon ang puhunan nito pabor sa mga opisyales ng Rappler sa pangunguna ni Ressa.

Sa desisyon ng pagbasura ng CA sa apela ng Rappler, tanging nireresolba na lang ng SEC ay ang utos ng korte na alamin ang legalidad ng nasabing maniobra ng Omidyar at Rappler– kung puwede nga ba na gawing donasyon ang puhunan ng Omidyar, gamit ang instrumento ng ‘Philippine Depository Receipts’ (PDRs).

Sa una namang pagdinig ng SEC sa kaso ng Rappler noong 2018, nadiskubre nitong ‘fraudulent transaction’ o puno ng katiwalian ang paggamit ng Omidyar at Rappler ng PDRs.

Sa imbestigasyon pa ng SEC, taong 2014 pa ay nagmamaniobra na ang Rappler upang maitago sa awtoridad ang ginagawa nitong pagkalap ng puhunan mula sa mga dayuhan at ang paglabag nito sa Saligang Batas matapos itatag ang ‘Rappler Holdings’ na siyang tumanggap ng mga PDRs kapalit ng pondo mula sa labas ng bansa.

Bukod sa Omidyar, nabisto rin ng SEC na tumanggap din ang Rappler ng pera mula sa Northbase Media, isa pa ring dayuhang kumpanya.

Bukod sa mga kaso sa SEC, hinahabol na rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Rappler dahil sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis.

Noong 2020, na-convict naman sa kasong ‘cyber libel’ si Ressa na isinampa ng isang negosyante na naging biktima ng paninirang-puri ng Rappler.

Iginigiit naman ni Ressa at Rappler na ang kanilang mga problemang ligal ay patunay na “pinag-iinitan” lang sila ng administrasyong Duterte.

Leave A Reply