‘Sex for grade’ sa Gapan City College, nabisto!
22-anyos na lalaking estudyante pumalag sa gusto ni ‘Prof’
NIYANIG ng ‘sex scandal’ ang Gapan City, Nueva Ecija, matapos pormal na sampahan ng kasong sexual harassment sa piskalya ng isang 22-anyos na lalaking estudyante ang isang mataas na opisyal ng Gapan City College (GCC).
Sa sinumpaang reklamo ng biktima na itinago sa pangalang alias ‘Marlon,’ sa City Prosecutor ng Gapan na may petsang Nobyembre 23, 2021, inakusahan ang opisyal ng paglabag sa RA 7877 (Sexual Harassment Act of 1995).
Ang suspek, nasa hustong gulang, binate, ay itinalaga sa posisyon ni Gapan City mayor, Emerson ‘Emeng’ Pascual habang ang campus naman GCC ay matatagpuan sa City Hall Compound sa Bgy. Bayanihan.
Sa kopya ng 3-pahinang reklamo na hawak ng Pinoy Exposé, estudyante ng suspek ang biktima sa ‘Law 2 subject’ noong kanilang ‘summer class’ kung saan hindi niya nakumpleto sa oras ang mga rekisitos ng naturang school subject.
Sa paghahangad na makapasa, noong gabi ng Agosto 27, 2021, tinawagan ni ‘Marlon’ ang opisyal ng GCC sa telepono upang makiusap na payagan siyang makapag-sumite ng kanyang requirement na ‘notebook’ subalit hindi pumayag ang suspek dahil tapos na umano ang pagmamarka ng mga grado.
Matapos marinig ang tugon, nagpasalamat na lang ang biktima at ibinaba na ang telepono.
Subalit, pasado hatinggabi, nagulat umano si Marlon nang siya naman ang tinawagan ng suspek at utusan na dalhin sa kanyang ‘apartment’ sa Bgy. Bayanihan, Gapan City, ang kailangang requirement.
Ayon pa sa salaysay, pumayag na ang propesor na ipasa sa nasabing subject ang biktima kapalit ng “oral sex,” na kanya namang tinanggihan.
Makailang beses umano siyang muling tinawagan ng suspek upang ipilit ang alok nito na hindi naman matanggap ng biktima. “Sinasabi niya (suspek) na kapalit ng puri at katawan ang pagpasa,” ayon pa reklamo.
Bilang patunay, isinumite rin ni ‘Marlon’ sa piskalya ang ‘chat conversation’ at ‘call log’ nila ng suspek sa nasabing oras at petsa.
Ayon pa sa biktima, nagdesisyon siyang magsampa ng reklamo upang matigil na ang pang-aabuso ng mataas na opisyal ng GCC sa mga lalaking estudyante matapos maikuwento kamakailan sa kanyang mga kaibigan ang insidente at mabatid sa kanila na hindi siya ang unang biktima nito.
“…matapos ito (insidente) ay ikinuwento ko sa aking mga kaibigan ang pangyayari sapagkat lubha akong nababagabag at nag-aalala at doon ko din nalaman na marami kaming gustong biktimahin at marami na rin ang naabuso…” salaysay pa ng biktima.
Aniya pa, nakahandang tumestigo laban sa itinalagang opisyal ni Pascual ang 3 iba pang estudyanteng lalaki na umano’y naging biktima rin nito.