Banner Before Header

‘Inspirasyon,’ ‘Bagong Pag-asa’ ang pangako ni Yorme Isko

0 435
MAS siguradong panalo uli si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kung pagka-alkalde ng Maynila ang itinakbo niya, o kaya pagka-senador sa May 2022 elections, pero bakit nga ba pagka-presidente?

Masyadong ambisyoso raw si Yorme Isko, at totoo nga, gusto niyang siya ang mamuno sa atin sa susunod na anim na taon.

Alam niya, dobleng bigat ang papasanin niya kung siya ang mananalo, sabi ng dating basurero, “bold actor,” konsehal, bise-alkalde at Yormeng galit sa mga tolongges, korap, pasaway, pa-ek-ek at makuda na walang gawa.

Kaakit-akit ang kuwento ng kanyang buhay: kargador ang amang si Joaquin na tumakas sa hirap sa Antique; sa pier na-meet ang nagpapitlag sa puso niya, ang maganda at mayuming probinsiyanang si Rosario Moreno; nakita sa pulaw (burol o lamay sa patay) ng isang showbiz talent, at sa magic wand ni master showman German ‘Walang Tulugan’ Moreno, ang basurerong taga-Tondo ay umakit ng libo-libong tagahanga at tagatanghod ng indak-indak at pakurit na sayaw, angkin ang guwapong mukha at makisig na tindig at mainit na sekswalidad, naging sikat na sikat si Isko Moreno.

Tulad ng iba na naging sikat na politiko, naakit ng kinang, ng kaway ng kapangyarihan at katanyagan ng politika, sa kamay ng dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna na ama ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, nahubog at kumisig na konsehal, bise-alkalde at Yorme ng Maynila ang batang basurero na ngayon, isa sa nag-aambisyong maging Pangulo.

“Kung mangangarap ka, taasan mo na, para kung maabot mo ang kalahati ng pangarap mo, kahit hindi mo maabot ang tuktok ng pangarap mo, nanalo ka na, nagtagumpay ka na.”

‘Yan ang madalas na sinasabi ni Yorme Isko na nagbibigay ng inspirasyon sa maraming musmos at batang lumaki sa hirap.

Sabagay, kung nagawa ni Isko, basta matiyaga lang, basta matiisin at hindi pala-suko sa pagkatalo, basta hindi patatangay sa panlalait at pagkutya, basta mag-aaral lang, magsisikap lang, magpapakatatag lang at magtitiwala sa Itaas, ang posibilidad sa tagumpay na pangarap ay magagawang maabot at makamtan.

***

Sa edad 47-anyos, bagito man, parang matalas na labaha sa labanan ng dila at diwa si Yorme. “Walang kodigo, alam na alam ang sinasabi sa mga isyu, hindi maiisahan, may talino at kaalaman sa mabibigat na usapan,” sabi ng isang politikong todo-suporta na sa pambato ng partido Aksyon Demokratiko.

Matatag ang pagtitiwala ng katiket niyang bise presidente, si Doc Willie Ong, na ginagarantiyahan niya, magiging mahusay, matapat na Pangulo si Isko at handa siya na ibigay ang lahat upang maipanalo si Yorme.

Prangka, brutal, at matalim mangusap si Isko na ikinahahanga ng mga tagasunod niya; sa paniwala nila, may yagbols, may kamay-na-bakal si Isko na magpapatino sa takbo ng makorap, matiwaling gobyerno.

Praktikal siya sa mga isyung bayan, at ang mahirap na mga intindihing bagay, naitatawid niya nang malinaw sa wika ng kausap: wikang kalye kung kaharap ay mga tambay; wikang politiko kung politiko ang kaharap; wikang intelektuwal kung matayog ang usapan.

Mabilis umangkop, bihasa sa pakikibagay: prangka, brutal sa pagsasalita kung kailangan nang gawin upang maitawid nang mabisa ang isyung kailangang ipaunawa sa kausap.

Walang duda, at kahanga-hangang masasabi, handang-handa si Yorme Isko sa labanan sa halalan sa Mayo 2022.

Kita ang liksi ng isip, hindi siya mapaiikot ng experto at batikang mamamahayag, at hindi mo maiipit si Yorme Isko sa isang isyu dahil nasanay na siya sa larong-kalye: dapat maliksing kumilos, dapat mabilis mag-isip, dapat madiskarte at hindi dapat maarte.

Inaaral muna ni Yorme Isko ang lugar na pupuntahan sa kanyang “Listening Tour,” at inaalam ang kasaysayan at mga taong haharapin sa mga binibisitang siyudad, bayan o lalawigan.

Tulad ng isang heneral ng hukbo, inaalam nila ang lakas at kahinaan ng kalaban; tulad ng isang mangingibig, alam ni Isko ang kiliti ng sinisintang politiko, tulad ng isang manliligaw kung paano paaamuin ang sinisinta at ang pamilya ng tinitingalang iniirog.

Nang dumalaw siya sa Cebu, hayagang sinabi ni Cebu Gov. Gwen Garcia ang paghanga kay Yorme Isko Moreno nang hilinging makita ang itinayong kooperatiba ng kanyang ina, ang yumaong Judge Inday Fiel Garcia, at hindi man ipinangako nang lantaran ang suporta, ipinahiwatig ng magkakapatid na Garcia ang paghanga sa 47-anyos na alkalde nang sabihing ikinararangal nila ang pagpapakita nang malasakit sa legacy ng kanilang ina.

***

Walang maibabatong masamang tinapay laban kay Yorme gaya ng bisyo, katiwalian at kulang sa talino at kakayahan.

Katangian pa ngang masasabi na lumaki siya sa hirap at walang maipipintas na kasalanan sa bayan, tulad ng katunggali sa panguluhan.

Wala siyang ama at inang may bahid ng kasalanan sa bayan, aniya, mahirap man, sa paraang marangal at mapitagan siya lumaki at nagsumikap sa tiyaga at sipag at pagtitiis upang makaahon sa dugyot na pamumuhay.

Wala siyang magulang na pinararatangang magnanakaw; mahirap man, sila ay pamilyang marangal.

Walang maipararatang na nandaya siya sa halalan; walang matutukoy na may ginawa siyang kasinungalingan sa lahat ng rekord niya bilang estudyante, artista, politiko, ‘di tulad ng ibang kandidato.

Marami pa nga siyang maipagmamalaking katangian na wala ang mga kalaban.

***

Sa panahon ng pandemya, ginugol niya ang salapi ng bayan sa maipagmamalaking gawain: mga bahay sa mahihirap, hanapbuhay sa nawalan ng trabaho; mabilis na aksyong gamot sa COVID-19, de kalidad na edukasyon at tuloy-tuloy na ayuda sa mamamayang Manilenyo sa maikling panahon sa City Hall.

Nahigitan ni Yorme Isko ang 32 LGUs sa bansa sa mabilis na aksyon laban sa pandemya, mahusay at maayos na pamamahala at mabilis na tulong sa negosyo at kabuhayan at maliksing kilos sa pagtatayo ng mga imprastruktura para sa pakinabang at ginhawa ng mamamayang Manilenyo.

Pag-asa, kredibilidad, tiwala at pangako ng mabilis na kilos sa pagliligtas ng buhay at pagpabago sa kabuhayan ang handang gawin ng kanyang gobyerno kung papalaring maging pangulo sa 2022.

Pangako ng mabilis na alalay sa krisis na dala ng pandemya ang programang ora mismo ay agad na ipatutupad, bigyan lamang siya ng pagkakataong makapaglingkod, itatawid niya ang bansa at palalaguin ang buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

Una ang pagnanalig sa awa at pag-ibig ng Diyos, ang pangakong bagong bukas ng Pilipinas ay maibibigay ni Yorme Isko, pagtiwalaan lamang siya sa darating na halalan sa Mayo 2022.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply