Banner Before Header

Wala nga bang problema sa Early Campaigning?

0 213
INANUNSIYO kamakailan ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na walang nilalabag na batas ang mga nagsasagawa ng early campaigning dahil hindi umano nangangahulugang kandidato na kaagad ang mga nagsumite ng kanilang Certificate of Candidacy o COC. Ibig sabihin hindi pa umano sila saklaw ng batas.

Matagal nang nagiging usapin ang maagang pangangampanya ng mga kandidato bago pa man ang opisyal na campaign period. Bagamat naririyan ang inilalabas na guidelines ng Comelec alam nating madali itong nalulusutan ng mga kandidato. Dahil talaga namang maluwag ang batas na ito.

Nakikita natin ang mga ito sa panahon ng eleksiyon o election season sa Pilipinas.

Kapag sinabi nating panahon ng eleksiyon sa Pilipinas ay nasa isang taon bago ang eleksiyon at kani-kaniyang gimik ang mga nagnanais tumakbo.

Ibig sabihin ay nagpapapansin na. Naririyan na makikita nating nagkabalandra ang kanilang mga mukha kung saan-saan. Babati ng ‘Merry Chirstmas’, ‘Happy Graduation’, ‘Happy Fiesta’. O di kaya’y may pa-Zumba o ‘Libreng Tuli’. At nangyayari lamang ang mga ito tuwing election season.

Yung mga dating mga nananahimik na pulitiko sa mga isyu ay biglang papapel ng kanilang mga posisyon sa mga popular na isyu kahit na hindi naman nila ginagawa bago ang election season. Kaya makikita na nating nagsisimula na silang mag-ingay.

Ang lahat ng mga ito ay ginagawa upang mapalapit na kaagad sa mga botante. Ito ay hindi tuwiran o direktang pangangampanya pero alam naman nating sa esensiya ay pangangampanya pa rin.

Malaki ang problema natin kung hindi ito nakikitang problema. Dahil ang prinsipyo kung bakit kailangang may tiyak na panahon lamang para mangampanya ay para kahit paano ay maging patas ang labanan ng mga kandidato.

Alam din nating hindi pantay-pantay ang kakayanan ng mga kandidato. Laging lamang ang may resources o yaman para makapag-sustain ng mahabang kampanya.

At siyempre, laging lamang ang mga nasa posisyon o incumbent candidates. Ilan ito sa mga dahilan kung bakit ipinagbabawal ang early campaigning.

Pero saan nga ba ang mali? Sa Comelec ba o sa mga kandidato mismo na nais lusutan ang mga batas sa pangangampanya?

Sa ngayon nakikita natin ang samu’t saring mga info-commercials na ng mga kandidato lalo na sa Internet o social media. Kahit bago ka manuod ng Youtube video ay mga ito ang bubungad sa iyo, ang mga “paalala” kuno ng mga kandidato.

Hindi nga ilegal pero tama bang gawin kung may delicadeza sa kampanya? Nasa isip pa kaya ng Comelec na suriin muli ang mga polisiya nito pagdating sa early campaigning?

Sa ganang atin, malaking pang-aabuso ito sa sistema.

Maaaring hindi natin masasabing ilegal pero alam nating hindi maganda ang ganitong galawan. Sa isang banda ito ay panloloko o pakitang tao ng mga kandidato lalo na kung hindi nila ito talagang gawain.

Pero sa mahabang panahon natutunan na nating tanggapin dahil walang nais tumutol o mag-ingay tungkol dito.

Habang hindi kumikilos ang Comelec para dito, magpapatuloy ang mga maaagang porma ng kampanya tuwing eleksiyon.

Pero gayunpaman, nakikita na rin natin kung sinu-sino ang mga politiko na kayang bumalahura ng mga batas o polisiya gaya nang mga regulasyon at panuntunan sa pangangampanya.

‘Yung tipong kandidato pa lang, eh mapanlamang o abusado na. Dapat bang iboto ang mga katulad nila?

Leave A Reply