Banner Before Header

Ano ang gagawin ngayon ng SC, Comelec?

0 333
NOONG Enero 14, 2022, pormal nang inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito sa kaso ni Surigao Rep. Prospero Pichay (GR No. 211515/GR No. 236288), bagaman batay sa kopya ng desisyon ng First Division, natapos na pala ito noon pang Nobyembre 11, 2021.

Batay sa desisyon at sa lumabas na mga balita, ‘guilty’ sa mga akusasyon ng korapsyon ang mambabatas na may kinalaman sa mga naging transaksyon ng LWUA (Local Water Utilities Administration) noong siya pa ang board chairman doon sa panahon ni PGMA.

Ang mga kaso ay may kinalaman sa ginawang “pagbili” ng LWUA sa ‘Express Savings Bank’ noong 2009 nang walang pahintulot ng sino mang awtoridad, kasama na si PGMA.

Mula naman sa Ombudsman, nakarating ang asunto sa Sandiganbayan, Court of Appeals at sa dakong huli, sa Korte Suprema, na naglabas nga ng hatol noong Nobyembre 11, 2021.

Batay pa rin sa desisyon at sa mga lumabas na balita, bukod sa utos na sampahan na ng mga kasong kriminal ng OMB si Pichay at mga kasabwat nito sa Sandiganbayan, kasama rin ang parusang ‘perpetual disqualification to hold public office’ laban sa kanya.

Samantala, si Pichay ay muling kandidato bilang congressman ng Surigao sa darating na eleksyon sa Mayo 9.

Isang malaking hamon sa Korte Suprema ang naging reaksyon at posisyon ni Pichay. Isa rin itong malaking hamon sa Comelec. Kaya ba nilang itindig ang ‘rule of law’ sa ating bayan?

Sa kanya namang mga press release bilang depensa sa kanyang sarili, sinabi naman ni Pichay—na kilalang ‘die hard’ isa sa mga “pinakamaingay” na mambabatas pabor kay PGMA—na hindi pa ‘final and executory’ ang desisyon ng SC First Division.

Translation? Mag-aapela pa si Pichay sa buong SC (en banc).

Nabasa rin natin na kinukuwestyon ni Pichay ang parusang ‘perpetual disqualification to hold public office’ na unang parusa ng OMB at kinatigan naman ng SC.

Para kasi kay Pichay, ang parusa ay para lang sa mga ‘appointive positions’ at hindi sa mga ‘elective position’ katulad ng congressman. Aniya pa, “pinagkaitan” din siya ng SC ng ‘right to due process.’

Kung titingnan ang mga PR ni Pichay, sa dalawang palusot, ehek, posisyon, na ito umiikot ngayon ang kanyang mga argumento.

Hmm. Hindi tayo abogado, dear readers, pero, hindi rin kaya nabasa ni Cong. Pichay sa desisyon ng SC na kahit ang mga argumento niyang ito ay ibinasura?

Sa harap naman ng ganitong “pagmamatigas” ng isang kilalang trapo ano ang susunod na gagawin ng Korte Suprema?

Hindi ba parang “binabastos” at “binabalewala” lang ng isang ‘astig’ na kasapi ng Kongreso ang SC, ano sa palagay ninyo, CJ Alexander Gesmundo at SC OCA at ngayon ay associate justice, Midas Marquez?

At ngayon na hindi pa naman nasisimulan ang pag-imprenta ng mga balota, ano rin kaya ang gagawin ng Comelec? Kasama pa rin ba ang pangalan ni Rep. Pichay sa listahan ng mga opisyal na kandidato?

Nabasa rin natin na tila “gusto” pang “ibintang” ni Pichay sa kanyang mga kalaban sa pulitika ang desisyon ng SC.

Susme, 2009 pa yang kaso na ‘yan na ang dahilan ay ang mga nakita ng mga korte– na dinaanan ng kanilang mga kaso– sa ginawang pagbalewala ni Pichay at kanyang mga kasabwat sa ating mga umiiral na mga proseso. Eh, bakit magiging pulitika yan?

Kulang na lang sabihin ni Pichay na “sinuhulan” ang ating mga mahistrado ng kanyang mga kalaban para “idiin” siya sa kaso, hehehe!

Isang malaking hamon sa Korte Suprema ang naging reaksyon at posisyon ni Pichay. Isa rin itong malaking hamon sa Comelec.

Kaya ba nilang itindig ang ‘rule of law’ sa ating bayan?

Abangan na lang natin.

Leave A Reply