Banner Before Header

“Maglingkod sa tao,” ‘yan si Yorme Isko!

0 551
ISANG ‘eye-opener’ sa madla kung ano ang magiging administrasyon ni Yorme Isko, kung siya ang magiging pangulo natin sa 2022.

Cool, panatag, buo ang kumpiyansa na hinarap ni Mayor Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang matatalim na mapanuring mga tanong ng TV host na si Jessica Soho sa The Presidential Interviews (ng GMA-7).

Matapos ang interview, marami sa netizen ang pinuri si Yorme Isko sa pagiging prangka, direkta, matapat na paliwanag sa mga tanong, at nadarama ang katapatan – na totoo sa loob niya ang maglingkod sa bayan.

Kung idadaan sa rating ang interview sa apat na kandidato, si Domagoso ang ‘clear winner’ at halos 70 porsiyento, sa aking pagtingin ay nakuha ni Yorme ang puso at isip ng taumbayan.

Malinaw ang sagot niya: Hindi man siya humawak ng isang halal na puwesto sa gobyerno, hindi lang handa, kundi, handang-handa, kumbaga sa giyera, armado siya, puno ng karanasan at alam niya ang mga taktika at estratehiya upang matalo ang kalaban.

Laki sa hirap mula sa pagkabata, tinalo ni Yorme Isko ang dugyot na kalagayan, at ito ang matibay na patunay na hinog na siya para maging presidente – kung pagtitiwalaan ng bayang Pilipino.

Aniya: “Half of my life ay dedicated sa public service” at nagawa ni Isko ito sa Maynila simula ng siya ay maging konsehal, bise-alkalde at yorme sa loob ng mahigit na 23 taon.

Mahinahon, malinaw na naipaliwanag ni Yorme Isko na hindi siya trapo, ang totoo, hindi siya balimbing na paratang ng mga katunggali sa politika.

Hindi siya political butterfly at kung ang isang tao o isang partido ay hindi na totoo, hindi na nagseserbisyo sa bayan; at hindi na matapat, handa siya na labanan at iwanan.

Hindi niya personal na kaaway ang mga dating kapartido at kasama sa politika ng Maynila, sabi ni Yorme, ang sa kanya, kung wala nang katinuan sa pagsisilbi sa bayan ang kasama, mananatili ang loyalty niya sa tao, sa bayan, sa Pilipino.

Sa sagot na ito ni Yorme Isko, makikita natin na magiging mahusay siyang pangulo, mayroon siyang ‘bayag’, sabi nga, may political will siya na itakwil ang kasama o kaibigan kung ang ginagawa na nito ay kontra sa interes, sa kapakinabangan ng taumbayan.

Sabi nga niya, “It’s a calling,” na ibig niyang sabihin, tanging ang misyon niya, ang hangad ni Isko ngayon ay ang maglingkod, ang magsilbi, ang maiangat ang kalagayan ng tao, ng milyon-milyong pamilyang Pilipino.

Hindi siya papanig sa mali, hindi niya kakampi ang baluktot, hindi siya sasang-ayon sa liko at itatakwil niya ang kaibigan kung ang kabangga na ay ang katapatan niya sa taumbayan.

“Ang loyalty ko ay sa tao!”

Ang katapatan niya ay sa pamilyang Pilipino; hindi sa politiko.

Hinubad nga ni Yorme Isko kung sino nga siya: walang itinatago at deretsa ang sagot niya kay Jessica, nasa bulsa niya ang natirang P50-M mula sa donasyong P171-M nalikom nang tumakbo siyang senador noong 2016 na hindi siya sinuwerte.

Idineklara ni Yorme na “income” ang natirang donasyon sa kampanya, kasi ito ang maliwanag: wala siyang intensiyong itago ‘iyon.’

Hindi siya korap; siya ay lantad sa bayan: si Isko ang bukas, transparent sa publiko!

Siya nga ay magandang tularan ng iba pang politiko; si Yorme Isko ay isang tunay na lingkod-ng-bayan!

Ibinukas ni Yorme ang sarili niya nang ilista sa Statement of Contribution and Expenditures (SCE) sa Comelec ang natirang P50.55-M at nagbayad ng P9.7M na buwis sa BIR.

Direkta ang sabi niya sa interview: hindi siya pasaway at hindi siya lawbreaker: ayon sa atas ng BIR, ang anomang kinita ay dapat na ipagbayad ng buwis, at ginawa ito ni Yorme Isko.

Hindi tulad ng akusasyon sa isang kandidatong pangulo na hinatulan ng korte sa hindi paghaharap ng income tax return.

Sa interview, nilinaw ni Isko ang paratang na dahil sa sinabi noon na pagkakaisahin niya ang Pilipino, baka raw hindi na usigin ni Yorme Isko ang mga sangkot sa pandarambong sa salapi ng bayan na nangyari sa panahon ng diktadurya.

Lahat ng nagkasala sa batas, maging sinoman siya, makapangyarihan man siya, “pananagutin natin siya sa batas.”

Sa mata ng batas, uusigin, parurusahan ang isang nagkasala, at hindi niya gagantihan ang isang tao dahil sa ito ay nagkasala sa kanya o dahil sa kalaban sa politika.

Ito ay patotoo sa unang pahayag ni Yorme na siya ay magiging “Healing President,” na ang kahulugan, yayakapin niya ang lahat, maging ang hindi niya kakampi, kung ito ang magiging susi sa pagkakaisa ng bayang Pilipino.

Yayakapin niya ang nagkasala kung humingi ng kapatawaran, pero pananagutin pa rin, ayon sa tama at ayon sa batas.

Sa gayon, ang mga naapi, ang mga biktima ay mabibigyang hustisya at ang mga nagkamali ay mabibigyan ng katapat na parusang nakalapat sa pagkakasala.

Sa kanyang panunungkulan, iuukol ni Isko ang panahon upang buwagin ang elitistang pamumuno at ang magiging sentro ng paglilingkod ay kabuuang kapakinabangan at  kagalingan ng tao, ng pamilyang Pilipino.

Ang kaaway niya ay hindi si Duterte, hindi si Marcos, hindi si Aquino: ang kaaway niya ay ang kaaway ng Pilipino.

Kokopyahin niya ang mabuting ginawa ni Duterte, ni dating Pangulong Marcos, ni Noynoy Aquino, pero itatakwil niya ang mali at gawaing kontra sa interes ng Pilipino.

Basta magandang proyekto, makabubuti sa tao, gagawin niya, gagayahin niya, sabi ni Yorme, pero kung masama, baluktot, tiwali, uusigin niya.

Ano ang mga patunay na magagawa niya ang iniaalok niyang programa sa taumbayan kung siya ang pangulo?

Pandemyang COVID-19 ang mabigat na problema ng bansa na pinadapa ang ekonomiya at  kabuhayan ng bansa.

Malinaw ang sagot ni Yorme Isko, sa loob ng dalawang taon, uunahin niya ay programa sa Buhay, Kabuhayan at Trabaho.

Ginagawa na niya ito sa Maynila: mabilis na aksyon sa pagbili ng gamot laban sa pandemya, pagbili ng modernong gamit sa ospital at mabilisang pagbabakuna sa lahat, at welcome maging ang hindi taga-Maynila.

Iligtas ang tao, iyon ang pinakamahalaga sa lahat.

Kabuhayan ay pasisiglahin niya, tulad ng ginawa sa Maynila na general amnesty sa pagbabayad ng buwis gawa ng perwisyong pandemya; incentive at kaluwagan sa pagnenegosyo at paglikha ng maraming trabaho.

Itutuloy niya ang “Build, Build, Build’ program na ikakalat sa bansa at kasabay ang patuloy na programa sa edukasyon, pabahay, hanapbuhay at pagpapalakas sa agrikultura, pangisdaan at paghahayupan upang matiyak ang food security ng Pilipino.

Tiyak ang mabilis na kilos ni Isko sa Palasyo.

“Itatawid natin yung tao, makaraos tayo sa pandemyang ito. Maraming nawalan ng trabaho and I hope we can create more jobs,” sabi ni Yorme Isko sa taumbayan.

Palalawakin nila, palalakihin niya ang ginawa niya sa Maynila para sa “kapakinabangan ng taumbayan.”

Mahirap ang maging pangulo, at handa si Yorme Isko na balikatin ang papasaning bigat ng problema ng bayan, at hindi siya takot na harapin iyon dahil sabi nga niya, normal na sa kanya ang kahirapan.

Sa buong buhay niya, pagkamulat ng mga mata sa iskwater ng Tondo, ” Buong buhay ko, puro hirap ang inabot ko. Itong mga challenges na ito, para sa akin.”

Normal lang kay Yorme ang hirap sa buhay na nagturo sa kanya na maging matatag, masikap at laging magtiwala sa awa at pagmamahal ng Diyos.

Ang iasa ang pag-asa sa buhay sa Diyos ay laging dasal niya sa pagkabata pa, at ngayon na naabot na niya ang pangarap na pag-angat sa buhay, iisa na lang ang hangad niya:

Kabutihan ng tao, mabuting pamamahala: lahat ng gagawin niya, puro, lahat sa kapakanan ng tao.

Lagi na, sinasabi ni Yorme:”Mahalaga sa akin, ang kapakinabangan ng tao.”

Ang adhikain niya, ‘yung makapaglingkod sa taong bayan.

Ang nais ni Isko ay iukol ang anim na taon sa Palasyo kung siya si “Presidente Moreno” ay maglingkod, magmahal, magsakripisyo para mapabuti ang buhay at kabuhayan ng tao, ang maging masaya, maunlad ang pamilyang Pilipino.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply