P15 bilyon “inutang” ng Maynila, saan napunta— Atty. Alex Lopez
HINAMON ni Manila mayoralty candidate, Atty. Alex Lopez, ang kampo ni Manila Vice Mayor Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, na “ipaliwanag” kung saan na napunta ang aniya’y P15 bilyon na inutang ng lungsod bilang dagdag-pondo ngayong taon.
Sa panayam ng midya noong Linggo, Pebrero 6, 2022, hindi umano sapat ang simpleng pagbalewala ni Lacuna at pagsasabing ‘fake news’ ang ibinunyag niyang pangungutang ng Maynila ng nasabing halaga.
Ibinigay halimbawa ni Lopez, kandidatong alkalde ng ‘BBM-Sara Uniteam,’ ang aniya’y paglalaan ng P1.7 bilyon ng Manila City Council para sa rehabilitasyon ng Manila Zoo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubuksan sa publiko.
“Kung susumahin, nasa 30 lang yata ang mga hayop sa Manila Zoo na papatak sa P60 milyon ang halaga bawat isa,” ani Lopez.
Tinawag din ni Lopez na “unprecedented, historical and unconscionable” ang ginawang pangungutang ng Maynila dahil sa laki ng inutang na halaga at sa panahon pa ng pandemya.
Aniya, “pagsama-samahin” man ang halagang inutang ng mga nakaraang administrasyon, “simula kay Mahoma hanggang kay Erap,” hindi ito aabot sa halagang P15 bilyon.
Hindi rin aniya matanggap ng kanyang konsensiya na umutang ng P15 bilyon ang administrasyon ni Lacunat at Mayor Isko Moreno subalit nakasentro ang gastusin sa mga imprastruktura at hindi sa pagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mga Manilenyo.
Hindi rin umano sapat ang ibinigay na ‘tax amnesty’ ni Moreno sa mga Manilenyo na magtatapos ngayong Marso dahil hindi rin sapat ang ibinigay na palugit sa kanila.
Ani Lopez, sakaling mahalal sa darating na Mayo 9, 2022, bibigyan niya ng ‘extension’ ang tax amnesty hanggang sa buwan ng Hulyo upang makatulong sa mga negosyante ng lungsod.
Una rin umanong ibabalik ni Lopez ang “propesyunalismo” sa mga empleyado ng Manila City Hall taliwas sa umiiral sa ngayon na “halos lahat” ng matataas na posisyon ay okupado ng mga kamag-anak ni Lacuna.
Sa bukod na pahayag, binalewala rin ng kampo ni Lopez ang kumakalat na balitang “bagito” siya sa pulitika at wala rin umano siyang naitulong sa mga Manilenyo sa panahon ng pandemya.
“Ang may pananagutan sa taong-bayan ay iyong mga iniluklok noong halalan, sila ang dapat tinatanong ng ano nga ba ang nagawa mo,” paglilinaw ni Lopez.
“Ang pagtulong ay hindi na kailangan pang i-post sa social media, at mas lalong hindi dapat tumulong para may ma-ipost sa social media,” aniya pa.