Banner Before Header

Lacuna, iboboto lang dahil kay Isko

Media, aarugain ni Atty. Alex Lopez

0 579
HINDI ang kanyang personal na abilidad at galing ang dahilan kung bakit iboboto ng mga Manilenyo si Vice Mayor Shielah ‘Honey’ Lacuna bilang alkalde ng lungsod, bagkus dahil sa ginagawang pagsuporta sa kanya ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Ito ang naging konklusyon sa resulta ng ‘Rapid Voters’ Preference Survey’ na isinagawa ng ng ‘Issues and Advocacy Center’ (The Center) sa Maynila noong nakaraang Pebrero 11 hanggang Pebrero 15, 2022.

“Enumerators also found out that…the sample population…get their information on who to vote for from Mayor Isko Moreno, which in turn is reflected in their choice for Lacuna,” anang ulat ng The Center, sa resulta ng ‘non-commissioned survey’ na nilahukan ng may 1,200 botante mula sa anim na distrito ng lungsod.

Sa kabila naman ng pagsuporta ni Moreno, na ngayon ay tumatakbong pangulo ng bansa, lumabas din sa survey na ‘statistically-tied’ na sa unang puwesto si Lacuna at ang respetadong negosyante, abogado at ekonomista na si Atty. Alex Lopez sa listahan ng apat na kandidato sa pagka-alkalde ng lungsod na ibobotong alkalde ng mga Manilenyo sa halalan sa Mayo 9, 2022.

Ang mga respondents ay sumagot sa tanong na, ‘Kung ngayon gagawin ang halalan, sino sa mga kandidato para sa mayor ng Maynila ang iboboto ninyo?’

Bagaman nagtala ng 43 porsiyento si Lacuna, kumuha naman ng 41.58 porsiyento si Lopez.

Ayon naman sa The Center, nangahulugan ito na “table” na sa unang posisyon ang dalawa.

“Given the +/- 2 margin of error of the survey data, the two-leading candidates are actually in a statistical tie with less than 1.5 percent separating VM Lacuna from Lopez,” ayon pa sa ulat ng The Center.

Nasa malayong ikatlong puwesto naman si District 5 Rep. Amado Bagatsing sa 12.25 porsiyento at nasa hulihan si retired police general, Elmer Jamias, na nagtala ng 3.16 porsiyento.

Ayon pa sa pahayag ng The Center, itinuturing ng mga respondents na “natapos” na ang panahon ni Bagatsing sa pulitika habang hindi naman kilala ng karamihan sa mga Manilenyo si Jamias.

Malaking bagay din, ayon pa sa The Center, ang ginawang pag-endorso ng BBM-Sara UniTeam sa kandidatura ni Lopez sa napipintong pag-ungos nito bilang pangunahing kandidatong alkalde ng Maynila.

Si Lopez ang opisyal na kandidato ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang partido ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong/BBM Marcos Jr., at nasa likod ng matagumpay ng ‘Manila Caravan’ ng buong UniTeam sa Maynila noong Pebrero 20, 2022, kung saan humugos sa kalsada ang mga Manilenyo upang ipakita ang kanilan suporta sa BBM-Sara tandem at kay Lopez.

Si Lopez din ang nasa likod ng matagumpay na pagbisita sa Maynila noong Marso 5, 2022, ni Mayor Sara Duterte na muling dinumog ng mga tao bilang pagpapakita ng suporta sa kanyang kandidatura ay kay Lopez.

Batay pa rin sa resulta, “lamang” si Lacuna sa District 1 (120 votes Lacuna; 71 votes, Lopez) at District 2 (102 vs. 46) habang nakaungos naman si Lopez sa District 3 (119 Lopez vs. 51 Lacuna) at District 4 (129 vs. 99).

“Dikit” naman ang laban ni Lacuna at Lopez sa District 6 (104 votes, Lacuna; 95 votes Lopez), habang kahit sa District 5 na “balwarte ni Bagatsing ay nakaungos si Lopez sa kanyang mga kalaban (42 Lopez; 35, Bagatsing; 40 Lacuna; at, 15, Jamias).

Lumabas pa rin sa survey na 41.5 porsiyento ng mga Manilenyo ay nagbabatay ng kanilang pananaw sa social media at 21.33 ay sa mainstream media, katulad ng radyo, pahayagan at telebisyon.

Nasa 17 porsiyento naman ang nagbabatay ng kanilang suporta sa kanilang personal na relasyon sa mga kandidato.

Pagtulong at ‘aruga’ sa media, tiniyak ni Lopez

Samantala, tiniyak ni Lopez sa mga kasapi ng media na susuportahan ng kanyang administrasyon ang kanilang mga pangangailangan upang mapanatili ang demokrasya at kalayaan sa pamamahayag sa Maynila.

Sa programang ‘Usapan sa Balay’ ng National Press Club (NPC) noong Marso 2, 2022, kasama ang kanyang vice-mayor na si Raymond Bagatsing, sinabi ni Lopez na nakahanda siyang suportahan ang programa sa edukasyon ng NPC na naglalayong tulungan ang mga anak ng mamamahayag na makapagtapos ng kolehiyo.

“Magbibigay ako ng ‘full scholarship’ sa mga kasapi ng media, sa Lyceum University of the Philippines (Lyceum) bilang suporta sa programa ninyo,” pagtitiyak ni Lopez.

Anya pa, “matagal” na siyang tumutulong sa NPC at madalas pa ngang bumisita sa gusali nito sa lungsod bago pa man siya naging lingkod-bayan.

Magiging bukas din umano ang kanyang tanggapan sa mga kasapi ng media na ngayon ay nahihirapang makakuha ng panayam sa mga opisyal ng City Hall, partikular kung wala sa Maynila si Moreno at nasa ibang lugar upang mangampanya bilang pangulo.

Dagdag pa ni Lopez, palalakasin niya ang ugnayan ng kanyang tanggapan at ng NPC sa paglikha ng mga programang makakatulong sa mga kasapi ng media. ###

Leave A Reply