Banner Before Header

Pinagbentahan sa Divisoria, ginamit para sa tao

0 506
ANG tunay na lider ay mabilis umaksiyon sa panahon ng krisis.

Kung laging lutang at makupad at puro iwas sa mapaghamong responsiblidad, pagkalugmok ng bayan, paghihirap ng mamamayan ang magaganap, hindi kaligtasan ng buhay, lalo pa ay kapahamakan.

Sa halip na pasalamatan ang mabilis na kilos ng pamahalaang siyudad ng Maynila, sa katindihan ng krisis ng pandemyang COVID-19, ito ngayon ay ginagamit sa maruming laro ng politika laban kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah ‘Honey Lacuna’ Pangan.

May anomalya raw sa pagbebenta ng Divisoria Public Market at ang may kasalanan dito ay si Yorme Isko – na kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko.

Kasabwat daw rito si Vice Mayor Honey – top choice sa mga mayoral candidates ng Maynila – na kapag nanalo, maipagpapatuloy niya ang napakagandang ginawa ni Yorme Isko.

Paninira na walang batayan, puro haka-haka, puro tsismis at lantarang sabotahe para tumagilid ang inaasahang panalo nina Yorme Isko at Vice Mayor Honey sa darating na eleksyon sa Mayo 9, 2022.

***

Taong 2020, hindi sapat ang pondo ng Manila City government para malabanan ang perwisyo at kamatayang dala ng pandemyang COVID-19.

Kailangan ang karagdagang pondo para sa “cash assistance” at “food allocation subsidy” para sa bawat pamilyang Manilenyo, saan ito kukunin?

Kailangan ang mabilis na kilos, maraming mahihirapan, maraming manganganib sa gutom at sakit at kamatayan ng maraming mahihirap na residente ng siyudad.

Sa pag-aaral at imbentaryo ng Asset Management Committee (AMC) sa “patrimonial properties”ng pamahalaang lungsod ng Maynila, inirekomenda ang pagbebenta (disposition) ng isang parselang lupa na may sukat na 8,038.70 metro kwadrado at sakop ng Transfer Certificate of Title No. 10319.

Nakita, noong Marso 13, 1992, naibigay sa panahon ni dating Manila Mayor Mel Lopez ang  pamamahala sa lupang kinatatayuan ng Divisoria Public Market sa Linkword Construction and Development Corporation.

Sa kasunduan, magbabayad ng buwanang renta ang Linkword ng halagang Bente Pesos (Php 20.00) kada metro kwadrado sa lupa ng Divisoria Market sa loob ng 25 taon.

***

Ayon sa AMC, P57,696,078.41 ang naging income ng city government sa loob ng 25 na taon ng pagrenta ng Linkword sa Divisoria Market – na kahit sino kaya ang tumingin, sasabihin na luging-lugi naman ang mamamayang Manilenyo.

Eto ang masakit: Disyembre 13, 2013, pinalawig sa panahon ni dating Mayor Joseph Estrada, ang nasabing kasunduan ng karagdagang 25 taon mula Marso 13, 2021 hanggang Marso 12, 2046.

Luging-lugi talaga ang mamamayang Manilenyo sa kasunduang ito!

Panahon nang putulin ang agrabyadong kasunduang ito at napagpasyahan na ibenta na ang Divisoria Public Market pero bago ito ginawa, sumunod sa legal na proseso tulad ng iniuutos ng Section 18 ng Local Government Code.

Malisyoso ang paratang na iligal at may anomalya ang bentahan.

Paninira ito, black propaganda at panlilinlang sa mamamayang Manilenyo.

***

Ang Manila City Government ay may kapangyarihan batay sa Section 18 [Power to Generate and Apply Resources] ng Local Government Code na makapag-dispose ng tinatawag na “patrimonial properties” mapagkuhanan ng karagdagang pondo na gagamitin para sa pakinabang at serbisyo sa bawat pamilyang Manilenyo.

May karapatan at kapangyarihang ibinigay ang Manila City Council, ito ang Resolution Nos. 171 at 180 kay Yorme Isko na katawanin at pumasok sa kontrata ang Pamahalaang Lungsod sa pagbebenta ng nasabing sukat na 8,038.70 metro kwadrado at basement portion na kinatatayuan ng Divisoria Public Market.

Idinaan sa legal na proseso ng Committee on Awards, Appraisal and Disposal ang public bidding sa pagbebenta at tatlong kompanya ang sumali, at nanalo ang Festina Holdings, Inc. sa pinakamataas nitong bid na kabuuang halaga na P1,446,966,000.00.

Oktubre 16, 2020, ginawa ang Deed of Absolute Sale at Oktubre 19, 2020, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang Resolution No. 171 at 180 – pinagtibay ng  Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng Festina Holdings, Inc. ang Deed of Absolute Sale ng Divisoria Public Market.

***

Saan ginamit ang salapi sa pagbenta ng nasabing lote na kinatatayuan ng publiong palengke?

Ginastos ito sa proyekto upang maitawid ang bawat pamilyang Manilenyo sa hagupit na dulot ng pandemya; ginamit sa pagpapatayo ng mga ospital para sa COVID-19, ayuda sa CACAF o City Amelioration Crisis Assistance Funds, food boxes, mga gamot, bakuna, pasilidad at iba para protektahan at mailigtas ang buhay ng maraming Manilenyo at ng iba pang mamamayang Pilipino sa peligro ng pandemya at iba pang sakit.

Sulit, walang korapsiyon sa paggamit ng salaping nalikom sa bentahan ng patrimonial property ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Bilis-kilos laban sa krisis at sagot sa problema ng pandemya ang naging bunga ng ginawa ng mga lider ng Manila City Government.

Para sa maraming Manilenyo, kapuri-puri ang mabilis na aksyong ginawa ng gobyernong Moreno-Lacuna na sagot sa krisis na gawa ng pandemya at pakinabang sa Buhay at Kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply