Banner Before Header

Chel, Eleazar, JV, Raffy, Maka-Diyos, matulungin

0 213
MAHIGIT isang buwan na lang ay pipili na ang mahigit animnapu’t-pitong milyong rehistradong botante ng mga bagong opisyal sa nasyonal at lokal na gobyerno.

Kabilang na rito ang bagong Pangulo ng bansa, na papalit kay Presidente Rodrigo R. Duterte, Pangalawang Pangulo at labin-dalawang miyembro ng Philippine Senate.

Kagaya ng marami nating kababayan, nainiwala tayo na “politically mature” na ang mga botanteng Pilipino, kasama na ang mga “ordinaryong mamamayan.”

Kaya nga huwag na tayong magtaka kung marami sa mga mananalong kandidato sa darating na eleksyon sa Mayo 9 (Lunes) ay mga karapat-dapat na politiko.

Mapanuri na ang mga botante, hindi na puwedeng makalusot ang mga kandidatong nagbabalat-kayong mga matitino, mababait, masisipag at “incorruptible.”

Huwag na tayong magpaloko sa mga walang pusong politiko sa dami ng ating mabibigat na problena na dulot ng dalawang taong COVID-19 pandemic.

Panahon na para ilagay natin sa Senado ang mga lider na kagaya nina DEAN CHEL DIOKNO, abogado ng mga dehadong Pilipino; dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo “Guilor” Eleazar, dating SENADOR JV EJERCITO at ang IDOL ng bayan, RAFFY TULFO.

Mga maka-Diyos, sina Chel, Eleazar, JV at Raffy ay kilala ring maka-mahirap at laging handang tumulong sa mga taong nangangailan ng tulong at kalinga.

Ang problema lang sa katulad nina Chel at Eleazar ay kulang sila ng “financial resources” dahil hindi naman sila “filthy rich.”

Si Sen. JV ay may kaunting kakapusan rin sa pondo.

Ang angat siyempre at nangungunan sa mga survey ay si IDOL RAFFY. Hindi na ito nakapagtataka dahil nakita naman sa mga programa niya sa radyo at telebisyon kung paano niya tulungan ang mahihirap at naaapi.

Ang maganda pa, lahat naman sila ay mayaman kung  ang pag-uusapan ay malasakit at pagmamahal sa bayan at taumbayan, lalong-lalo na sa mga mahihihirap sa kalungsuran at kanayunan.

Nasa atin na kung paano natin sila iluklok sa Senado upang makasiguro tayo na lagi tayong may kaagapay sa mataas na kapulungan ng Kongreso.

***

Hindi kagaya ng ibang bansa, kung saan balik ang mga lockdown dahil sa muling pagragasa ng COVID-19, ang Pilipinas ay kailangan lang sumunod sa mga health protocol.

Mukhang na-kontrol na natin ang nakahahawang sakit.

At tama ang stratehiya ng gobyerno sa paglaban sa pandemya at nagawa ng gobyerno na himukin ang taumbayan na magbakuna laban sa COVID-19.

Dati kasi ay maraming kababayan natin, lalo na ang mga matatanda at may karamdaman, ang ayaw magpabakuna dahil sa takot na baka sila lalong magkasakit.

Pero nagtiyaga ang mga otoridad, kasama na ang mga lokal at mga opisyal ng barangay, para ipaliwanag sa naguguluhang publiko ang kahalagahan ng pagpapabakuna.

Kahit limitado ang pera ni Juan dela Cruz ay pikit-matang bumili ng sapat na suplay ng bakuna ang gobyerno para lang mabakunahan ang maraming kababayan natin.

Sa tingin ng marami, ang pagbakuna sa maraming mamamayan ang naging susi para makontrol natin ang COVID-19.

Hindi man ginawang compulsory ang vaccination program ng gobyerno ay tagumpay ang programang ito dahil sa kooperasyon ng maraming sektor ng lipunan.

Ang kailangan na lang natin gawin ay magpa-booster na.

Huwag na natin hintayin na muling tamaan ng virus dahil bumababa na ang efficacy ng dalawang primary dose na nauna nang naibakuna sa atin.

At patuloy pa rin tayong sumunod sa minimum health protocols para tuloy na ang paglago ng ating ekonomiya na pinabagsak ng pandemya.

Huwag na tayong maging pasaway dahil alam na natin ang bagsik ng COVID-19.

***

Aminin man natin o hindi, maraming mag-aaral sa elementarya at haiskul sa buong bansa ang “nabobo” dahil sa pandemya.

Dalawang taon ba namang hindi sila pumasok sa klase at umasa lang sa tinatawag na “online learning.”

Sa loob ng mahabang panahon ay mga magulang lang at guardian ang naging “guro” ng mga batang ito.

Huwag natin kalimutan na ang mga guro ay nagpakadalubhasa para turuan ang mga bata.

Sa totoo lang ay maraming graduate ng kursong edukasyon ang hindi makapagturo.

Bakit?  Hindi kasi sila makapasa-pasa sa government board examination.

Ang ibig sabihin nito ay talagang dapat marunong at preparado ang mga magtuturo sa mga estudyante para masigurong may matututunan ang ating mga anak.

Ito ang dahilan kung bakit kailangang magkaroon ng “face-to-face” classes hindi lang sa elementarya at haiskul kundi sa mga kolehiyo at unibersidad.

Tama ba kami, Education Secretary Leonor Briones?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0@17-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply