Divisoria vendors sinimulan nang “palayasin” sa kanilang puwesto
Supporters ng BBM-Sara Uniteam, nagreklamo sa OMB, unang na-padlock
SINIMULAN na ng administrasyon ni Manila mayor-elect, Shielah ‘Honey’ Lacuna, ang pagsasara ng mga puwesto ng mga vendors sa Divisoria Public Market, ilang araw lang matapos maihalal na alkalde sa halalan noong Mayo 9, 2022.
Nabatid na simula pa noong Mayo 17 hanggang Mayo 20, 2022, umikot na sa basement ng Divisoria Public Market ang mga operatiba ng Bureau of Permit, Manila City Hall, dala ang closure order sa mga tindahan na pirmado nina Levi Facundo, hepe ng Bureau of Permit at, Secretary to the Mayor, Bernie Ang.
Si Ang ay isa sa mga akusado sa kasong katiwalian at katiwalian na isinampa sa Ombudsman ng mga manininda sa Divisoria Public Market noong Abril 27, 2022, matapos itong ibenta ng administrasyon ni Manila Mayor Isko Moreno at Lacuna noong 2020.
Bukod kay Ang, kasama rin sa prinsipal na inireklamo si Moreno, Lacuna, Manuel ‘Letlet’ Zarcal, assistant secretary to the mayor at, sina konsehal Joel Chua at Ernesto Isip (Pinoy Exposé, Abril 27, 2022).
Pansin ng mga impormante, 10 sa mga tindahan na ipinasara ni Ang ay pag-aari ng kooperatiba sa Divisoria na nagsampa ng reklamo sa Ombudsman.
Ang nasabing mga vendors ay hayagan din na nangampanya para sa BBM-Sara Uniteam sa Maynila. Sa resulta ng eleksyon, tinalo ni BBM sa Panguluhan si Moreno sa botong higit 358,000 kumpara sa higit 297,000 ni Moreno.
Tinalo rin ni Duterte sa Maynila si Willie Ong, ang ka-tandem ni Moreno, sa vice-presidential race, sa boto nitong higit 405,000, kumpara sa higit 155,000 boto ni Ong.
Matatandaan na lingid sa kaalaman ng lahat, matagumpay na naibenta ng mga akusado sa isang misteryosong grupo ng mga negosyante ang Divisoria Public Market noong Agosto 2020, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, sa halagang P1.44 bilyon. Katwiran ni Moreno at Lacuna, ginamit ang pera para sa ‘pandemic response’ ng Maynila.
Reklamo naman ng mga kasapi at opisyal ng Divisoria Public Market Cooperative, hindi dumaan sa tamang proseso ang transaksyon at wala rin umanong nangyaring ‘public hearing.’
Nalaman lang ng publiko ang detalye ng transaksyon matapos itong lumabas sa ‘The Manila Times’ noong Marso 26, 2022.
Hindi rin nagpatinag sina Lacuna at Moreno sa kanilang naging desisyon kahit umani ito ng batikos sa publiko at sa media (Pinoy Exposé, May 2, 2022).
Para naman sa mga vendors, nakumpirma nila ang bentahan nang magsimula silang makatanggap ng ‘notice to vacate’ mula sa Manila City Hall, higit isang taon matapos ang transaksyon.
Ayon pa sa mga vendors, sa pagdating ng mga operatiba noong Mayo 17, 2022, “inisa-isa” ang mga tindahan na inisyuhan ng closure order at tuluyan ng isinara simula Mayo 20, 2022, dahil hindi umano ‘updated’ ang kani-kanilang mga ‘business/mayor’s permits,’ batay sa rekord ng Bureau of Permit ng Maynila.
Reklamo pa ng mga vendors, kahit ang may naipakitang ‘2022 mayor’s permit’ ay ipinasara rin ni Ang, dahil “magkaiba” umano ang numero sa permit at sa aktwal na tindahan.
Bahagi sa mga kondisyones ng bentahan sa pagitan ng ‘Festina Holdings’ at ng administrasyon ni Moreno at Lacuna, ang “obligasyon” ng pamahalaang lungsod na paalisin ang lahat ng magtitinda sa Divisoria Public Market sa loob ng isang taon matapos ang transaksyon.