Banner Before Header

‘Smuggling,’ timbog ulit sa NAIA

0 173
PANAHON na para magpasa ang Kongreso ng batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga ismagler ng “wildlife species.”

Ito ay kung gusto nating matigil ang walang tigil na “wildlife smuggling” sa bansa.

Dahil sa kagagawan ng mga ismagler na ito ay baka dumating ang araw na sa mga museum at libro na lang natin makita ang mga ipinagmamalaki nating “rare Philippine species,” o mga hayop, kulisap, mga orchids at mga halaman na sa Pilipinas lang matatagpuan.

Kamakailan lang kasi ay nakasabat na naman ang Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 198 na buhay na tarantulas na tangkang ipuslit palabas ng bansa.

Mabuti na lang at alisto at masisipag ang mga opisyal at tauhan ni BOC-NAIA District Collector Carmelita “Mimel” M. Talusan.

Nakita ng mga taga-BOC-NAIA ang mga tarantula, mga “hairy” at malalaking gagamba, sa BOC-DHL Warehouse noong Hunyo 7.

Ang shipment, na idineklarang naglalaman ng “Thermos Mug,” ay ipinapadala ng isang residente ng Pasay City sa Italy.

Natuklasan ang mga buhay na tarantula nang idaan ang pakete sa X-ray at isubject sa 100 percent physical examination.

Ibinigay naman ng BOC-NAIA ang mga gagamba sa wildlife enforcement officer mula sa Department of Environment and Natural Resouces (DENR) para sa “proper handling.”

Madalas ngang pinupuri ng Southeast Asia TRAFFIC ang BOC-NAIA dahil sa kanilang “tremendous efforts in intercepting illegal wildlife” na ipinupuslit palabas (o papasok) sa bansa.

Sina Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero at Collector Talusan, na anak ni dating BOC Deputy Commissioner Julie Singson-Manahan, ay maganda ang ugnayan sa DENR.

Tulong-tulong sila para walang makapasok o makalabas ng bansa na puslit na wildlife.

***

Talaga namang nakababahala ang dumaraming kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa ilang parte ng bansa, kasama na ang Metro Manila.

Pero ang magandang balita ay hindi naman daw magreresulta sa crippling lockdown ang nangyayari.

Ang kailangan lang daw ay magpabakuna (booster) at sumunod sa mga health protocol na kagaya ng pagsusuot ng maskara, paghuhugas ng kamay at pagsunod ng social distancing policy ng gobyerno.

Huwag na tayong gumaya sa ibang bansa na matitigas ang ulo ng mga tao na nagresulta sa panibagong surge ng COVID-19 cases sa kani-kanilang bansa.

Kapag nangyari ito sa atin ay baka hindi na makabangon ang ating lugmok na ekonomiya.

Ubos na ang pera natin.

Hindi basta makakalikom ng malaking pera ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil nga ang negosyo ay matumal pa rin

Oo nga’t maganda pa rin ang revenue collection performance ng BOC kahit nandiyan pa ang COVID-19 pero kailangang madagdagan pa ang nakokolektang buwis at taripa.

At kapag nagkaroon ng panibagong surge ng COVID-19 ay siguradong maaapektuhan ang trabaho ng BOC.

Tiyak ‘yon!

***

Mainam naman at hindi pa dumarating ang mga malalakas na pag-ulan sa bansa, lalo na sa Metropolitan Manila na siyang sentro ng kalakal at negosyo.

Huwag natin kalimutan na maraming parte ng bansa ang madalas binabaha.

Ang problema, mabababa na ngang lugar ang mga ito, barado pa ang mga daanan ng tubig kaya madaling bumaha.

Isa pang pangunahing problema ay ang dumaraming kaso ng dengue.

Ang nakakamatay na dengue ay dulot ng kagat ng lamok na ang paboritong tirahan ay ang mga matutubig na lugar. Nandiyan din ang mga nagkalat na bote, lata at iba pang basura na may tubig.

Malaki ang maitutulong ng mga opisyal at tauhan ng barangay para malinis ang mga daluyan ng tubig sa mga barangay.

Ang mga paaralan din ay dapat panatilihing malinis, lalo na ang mga kwarto, canteen at paboritong puntahan ng mga bata kapag sila’y nasa paaralan.

Dapat obligahin ng DILG ang mga opisyal ng barangay na panatilihing malinis ang kani-kanilang lugar.

(Para sa inyong komento qt suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:

tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply