KAPURI-PURI ang panawagan ng ilang kilusan sa gobyerno, na panahon na ating tangkilikin ang sariling atin o mga produktong gawa dito sa ating bansa.
Sa ibang lalawigan, nagpasa sila ng mga ordinansa na humihikayat sa lahat na i-patronize ang mga produktong gawa sa kanilang mga lugar.
May pandemya man o wala, unahin nating suportahan ang gawang Pinoy, ito ay upang matulungan ang pagbangon at pagsigla ng ating ekonomiya.
Katunayan, naglunsad dati pa ng online campaign ang Alliance for Consumer and Protection of Environment (ACAPE) Inc. ng kilusang #PinoyMunaBagoChina at #NoToFAKECHINAGOODS.
Ito raw ay upang masuportahan ang mga negosyanteng Filipino na makapanatiling buhay, at makabangon dahil sa naging epekto nga sa lahat ng matinding hagupit ng COVID-19 pandemic.
Kaliwa’t kanan nga noon at hanggang ngayon ang panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI), na muling pasiglahin, palakasin ang diwa ng Bayanihan at bilhin lamang ang mga produktong gawa sa ating bansa, lalo na ngayong hirap ang karamihang mga negosyante at mahihirap na Pilipino.
Sabi ng ACAPE, libo-libong negosyo, lalo na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang nagsara at nanganganib na maisara dahil sa hirap na hirap na makabangon bunga ng pandemya, ibang krisis worldwide, etc., at ang pinsalang dala ng kalamidad tulad ng bagyo, pagbaha, sunog at lindol sa maraming dako ng bansa.
Sa pamamagitan lamang ng pagbili at pagtangkilik ng mga produkto at serbisyong Filipino, maibabangon ang ekonomya, at ‘wag bumili ng mga pekeng gamit, produkto at iba pa mula sa China.
***
Suportado natin ang mga ganitong panawagan, pero hindi lamang peke o mahinang produktong gawa o mula sa China – kundi, maging sa iba pang bansa.
May mga produktong gawa rin natin na hinuwad at mahina ang kalidad at hindi ito dapat na tangkilin.
Ngunit ang panawagang ito ng DTI, at ng mga ibang lokal na pamahalaan ay magiging paos na tinig lamang dahil rin sa kagagawan ng ating pamahalaan na kasabwat ng mga tuso, mapanlamang na negosyante.
Mas gusto natin ang ‘branded o stateside products’ kaysa gawang atin; maraming produkto natin ang pinatay ng importasyon na mas mura kaysa gawang atin.
Patay na nga ang matibay na gawang sapatos sa Marikina; hilahod sa hirap ang magsasaka na mura ang presyo ng palay, mura ang bili ng traders sa mga alagaing manok, baboy at iba pang negosyong atin.
Kahit ano’ng yabang at pagmamalaki ng operasyon laban sa ismagling, umaapaw ang mga tindahan sa puslit na kargamento.
Kahit nais bumili ng produktong appliances na gawang Filipino, wala namang mabibili; may gawang atin, pero pinekeng brand ng mamahaling damit, sapatos, at iba pa, marupok at mahina rin at madaling masira tulad ng gawang China.
Wala tayong sariling gawa na mga gamit elektroniko tulad ng cellphone, laptop at iba pang gadgets: lahat ay pawang gawa sa ibang bansa.
Kahit saan ka lumingon, produktong dayuhan ang makikita natin; kahit sa pagkaing lokal, natatalo na rin ng mga pagkaing dayuhan na mas kinasasabikang tikman ng ating dila.
Matagal na tayong malaya, pero alipin pa rin tayo ng isipang kolonyal.
***
Suportado natin ang Buy Filipino Products campaign.
Pero may produktong Pinoy bang atin talaga na mababanggit ang ACAPE?
Pakilista lamang, DTI, ACAPE?
Kailan ba makaaahon ang magsasaka at mangingisdang Filipino?
Huwag puro lamang negosyante, importer at trader ang laging binibigyan ng pansin.
***
May mga opisyal ng bayan na tsinelas ang suot nang pumasok sa gobyerno, at makaraan lamang ng ilang taon, imported shoes, makikislap na alahas at hindi na sila amoy pawis kungdi umaalingasaw sila sa mamahaling pabango.
Bakit nagpapatayan ang kahit magkakapatid, magkakamag-anak at matatalik na magkakaibigan sa pag-aagawan sa puwesto sa pamahalaan?
Maliwanag ang katotohanan: Negosyo at walang tigil na kalayawan at bisyo ang talagang pakay nila sa kunwari ay paglilingkod sa gobyerno.
Bagaman, iilan lamang ang mga taong ganito kagahaman sa kapangyarihan at milyon-milyon ang matatapat na opisyal at mga kawani sa pamahalaan.
Bakit nagagawa ng iilan na ito na manatili sa kapangyarihan at pagsasamantala sa salapi ng bayan?
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).