TAHIMIK na iniimbestigahan pala ngayon ng mga awtoridad ang isang ‘Noelle Prudente’ na umano’y nasa likod ng mga black propaganda at disinformation campaign kay Executive Secretary Vic Rodriguez.
Sa mga paunang nakalap na impormasyon, sinabi ng mga impormante na nag papa kilala ngayon itong si ‘Noelle Prudente’ bilang isa sa mga ‘power brokers’ sa Palasyo ng Malakanyang.
Nabatid na noong nakalipas na eleksyon, isa umano si Prudente sa mga nangangalap ng pondo para umano sa kandidatura ni Pang. Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ipinagyayabang pa umano ni Prudente sa mga gustong tumulong kay PBBM na personal silang magkakilala at mas mabuti na sa kanya na lang padaanin ang ano mang suporta para kay PBBM.
Nabatid na kabilang sa umano’y mga nabiktima ni Prudente ay isang negosyanteng Chinese national sa lalawigan ng Cavite. Kapalit umano ng malaking halaga, nangako umano si Prudente ng malalaking government projects sakaling maupo na sa Malakanyang si PBBM.
Tumanggi naman ang Palasyo na magbigay ng komento sa isyu. Ayon sa isang Palace official na ayaw magpabanggit ng pangalan dahil sa kawalan ng awtorisasyong magsalita sa publiko, hindi gagawin ng administrasyon ni PBBM na pumatol sa mga tsismis at espekulasyon nang walang hawak na ebidensiya.
Nabatid din na ilan sa mga iniaalok ni Prudente ay mga ‘juicy positions’ sa mga ahensiya na may problema sa kredibilidad katulad ng Bureau of Customs, BIR at Land Transportation Office.
Karamihan sa mga kakuntsaba nito ay mga naging opisyal din ng pamahalaan, ngunit nagkaroon ng kaso.
Ayon pa sa mga impormante, nasira ang diskarte ng grupo ni Prudente matapos ibisto ng sikat na blogger na si Thinking Pinoy ang background ng mga inirekomenda umano ni Prudente, bagay na nakarating din sa atensyon ni ES Vic Rodriguez.
Si Thingking Pinoy, RJ Nieto sa tunay na buhay, ay miyembro ng ‘screening committee’ ng BBM Headquarters.
Dahil sa mga naging takbo ng pangyayari, naglunsad umano ang grupo ni Prudente ng malawagang ‘disinformation campaign’ laban kay Rodriguez upang masira ang matagal na nilang pagkakaibigan ni PBBM at si Rodriguez ang pag-initan ng mga napangakuan ni Prudente subalit hindi naman nakakuha ng puwesto sa gobyerno.
Ayon pa rin sa mga impormante, inaalam din ng mga imbestigador kung ang nasabing personalidad at ang isang ‘Noel Patrick Prudente’ na sinibak ni dating Pang. Rodrigo Duterte bilang deputy commissioner ng Bureau of Customs noong 2018, dahil sa mga sumbong ng katiwalian ay iIsang tao lang.
Ano sa palagay ninyo, mga kabayan?
At siyempre, palaging bukas ang ating pahayagan para sa paliwanag ng sino man sa kanila.